Martes, Hulyo 3, 2007

Jeepney

Sadyang traffic kaninang papasok ako sa opisina. Wala akong magawa sa jeep na sinasakyan ko kaya kung anu-ano ang aking naiisip: gaya nang kung ilang beses na ako sumakay ng jeep sa buong buhay ko at kung kailan ako unang sumakay ng jeep na mag-isa?

At naalala ko na minsan, nakalimutan ko magbayad sa jeep. Naalala ko na lang noong nakababa na ako. Nakakakonsensya talaga...hamak mo naghahanap-buhay 'yung mama tapos...

Hmmmm...tama na at baka maiyak pa po ako.

Sa sobrang inip, pinanuod ko na lang ang aking mga kasakay. Kanya-kanyang eksena. May natutulog na lalaki sa aking harapan. Ang kanyang kamay ay nakasabit pa sa hawakan at ito'y bigla na lamang bumabagsak paminsan-minsan na siyang ikinagigising niya. Matutulog siya ulit at hahawak muli sa bakal. Maghe-head bang, at magigising ulit pagkatapos ng ilang minuto dahil nakabitaw na naman siya. Sana huwag na lang siya humawak para tuloy-tuloy na lang ang kanyang pagtulog. Ang sakit sa ulo ng ginagawa niyang pagising-gising.

May katabi akong babae na nakikinig sa kanyang ipod. Wala naman kaso roon kaso malakas pa niyang sinasabayan ang kanyang pinakikinggan kaya naman parang lahat kaming nakasakay ay nakikikinig na rin...'yun nga lang, nasa maling key na ang kantang naririnig namin.

Ang mga pasahero sa bandang likod ng drayber ay nagsisitulog lahat, kaya lahat ng nagbabayad ay kailangan pang mag-ala-lastikman para maiabot sa drayber ang kanilang mga bayad. Nakakainis talaga 'yung mga taong kunwari ay walang naririnig at halos mabali na ang leeg sa sobrang pag-isnab nila sa iyong pina-aabot na bayad. Sana huwag na lang sila umupo roon kung ganoon. O kaya magsipag-taxi na lang sila diba?

Hindi ko rin inaabot ang mga bayad minsan pero hindi dahil sa ayaw ko. Inaantay ko lang marinig ang "Paki-abot" o "Paki-suyo". Wala lang. Maarte lang ako.

May babae rin na walang ginawa sa jeep kundi magsuklay ng magsuklay. Halos makain na tuloy ng lalaking katabi niya ang kaniyang buhok. Ayon sa aking propesor sa Sociology, ang pagsusuklay ay hindi dapat ginagawa sa mga pampublikong lugar. Hindi rin dapat mag-usap ng pagkalakas-lakas na parang kayo lang ang pasahero. At lalong hindi ka rin dapat manigarilyo rito. O anong sarap ipalunok sa mga nagyoyosi sa jeep ang kanilang sigarilyo. Nakaka-inis sila lalo na kung bagong ligo ka at sa'yo lahat napupunta ang usok na kanilang ibinubuga. People can be really insensitive sometimes (naks!).

Pagkarating sa terminal unahan naman sa pagbaba. Haaaay... kahit late na ako ay pina-una ko na sila at hindi na 'ko sumabay sa pakikipag-gitgitan.

Buhay jeepney talaga oo...

Subscribe in a reader



4 (na) komento:

  1. ok mga obserbasyon mo ah! hehehe...minsan ayoko rin iabot ang bayad pag walang sinabing "paki"...madalas sa harap lagi ako umuupo para ndi ako nag-aabot ng bayad ng may bayad.

    TumugonBurahin
  2. Kay ely: hehe...ako rin dun din gusto kong pwesto minsan. wala masyado istorbo at may salamin pa. hehe...wag lang magyoyosi si manong driver. ^_^

    TumugonBurahin
  3. Gusto ko pong magkwento.

    Noong 2001 (prehistoric age pa nun) nung ako nagrereview pa para sa aking board exam sa espanya, sumakay ako ng FX papuntang terminal ng bus para makauwi sa laguna. Habang nasa loob ng FX, malakas naming pinakikinggan sa AM band ang mga balita'y komentaryo tungkol sa usong-usong holdapan sa mga FX taxi. Tahimik kaming lahat dahil narin siguro sa medyo "awkward" naming sitwasyon na nakasakay kami sa FX habang binabalitang maraming holdapan sa FX.

    Bilang ice-breaker, nagbayad na ako ng aking pamasahe sa aming drayber. Sinundan ako sa pagbabayad ng isang dalaga (medyo cute at naka uniform pa). Habang nakaunat na ang kanyang bisig hawak hawak ang kanyang bayad, ito ang kanyang sinabi, "Manong, holdap po, makikiabot po." Sa madaling segundong iyon, lahat ay nagulat at may isa pang medyo katandaang babaeng nag histerical agad at nagsisigaw ng, "Naku, naku, naku po!!"

    Nahimasmasan ang dalagang nagbayad at biglang nag paumanhin, "naku po, hindi po, hindi po, sorry po, nagkamali lang po ako ng salita, bayad po i mean! Pasensya na po!"

    "Pambihira naman oh, aatakihin ako sa puso nyan eh!" ang sabi nung matandang babae. Dahil narin siguro sa hiya, pumara na ang dalaga at bumaba ng FX.

    TumugonBurahin
  4. Kay marc: LOL. Grabe! Sa sobrang kakatawa, muntik na akong mahulog sa upuan ko iho...Sino naman ang hindi magigimbal sa pagkakamaling iyon nung babaeng medyo cute at naka-uniform pa. Natatawa talaga ko kahit ilang beses ko basahin. :D

    TumugonBurahin