Biyernes, Hunyo 10, 2011

Paglisan. Pagtanggap. Pagsulong. Pagalala.



Paglisan. 
Kung bukas paggising ko at wala ka na sa tabi ko
Kung bukas makita ko na hindi na ako ang kapiling mo
Maiintindihan ko
Pipilitin kong maging masaya
Na natagpuan mo na ang hinahanap mo


Pagtanggap.
Pagdating ng panahon kung kailan limot mo na ako
Na kahit kaunting alaala ko ay burado na sa isip mo
Hindi sasama ang loob ko
Hindi ako magtatampo
Dahil alam ko na hindi sa lahat ng oras 
Mapapanatili kita sa buhay ko


Pagsulong.
Kung sakali mang
Magkaroon ng sandali at maisip mo ako
Sana ay mapangiti ka sa pagalaala
Ng pinagsamahan natin
Kahit na hindi
Ito naging perpekto


Pagalala.
Ang mga ngiti at saya ang iyong baunin
Mga lugar na nakita, at musikang pinakinggan natin
Ang mga araw na iyon
Ang iyong sariwain
Huwag ang mga bagay
Na pinanghihinayangan natin

Lunes, Pebrero 21, 2011

Sa Entablado



Doon kung saan makislap ang mga ilaw. Doon kung saan ang bawat kilos at galaw ay minamasdan at kinapapanabikan. Doon kung saan ang bawat sandali ay pawang kay bilis at kapwa kay tagal.

Sa Entablado.

Hating-gabi at halos sumapit na ang madaling araw. Ang unang pagtuntong ng isang limang-taong gulang sa entablado. Mainit ang mga ilaw. Nagbubulungan ang mga tao sa kanyang harapan. Sa kabila ng takot at kaba ay kailangan niyang maging matapang. 

Sa pagpasok ng musika ay tila mas tumahimik ang paligid. Dinig ang pagtibok ng puso at dama ang paghinga ng dibdib.

Sa pagbuka ng kanyang bibig ay sinimulan niyang umawit. 

Sinimulan niyang umawit. Sinimulan niyang umawit…



Linggo, Enero 30, 2011

Isa. Dalawa. Tatlo...



Isa. Dalawa. Tatlo... Patuloy sa pagkurap ang cursor sa aking harapan habang aking iniisip kung ano ang ginagawa ko dito sa blog na ito. Bakit gusto kong magsulat ngayon? Sa sobrang dami ng mga pangyayari mula sa aking huling kwento, hindi ko na alam kung alin sa mga iyon ang kabaha-bahagi sa inyo.

Maraming dumating, at marami ring lumisan. May mga nanatili, at may mga pasulpot-sulpot lang. Kung minsan, nakakatakot na rin magpatuloy ng mga bagong cast members sa pelikula ng iyong buhay, lalo na kung malaking papel ang inatas mo sa kanila. Hindi mo naman kasi alam na hindi pala nila gustong maging bida. Ekstra. Mas gusto pala nila ang maging ekstra. Ekstra sa piling eksena sa buong pelikula. Isang mabilis na eksena. Sa sobrang bilis ay hindi mo dapat kurapan man lang, kung hindi ito ay hindi mo masasaksihan.

Sabi nga ng Lolo ng Lola ko, “Lahat ng bagay ay may dahilan”. Sabi naman ng kumpare ng Lolo ng Lola ko, “Maiintindihan mo rin sa takdang panahon”. Sabi naman ng kapitbahay ng Lolo ng Lola ko, "Ikaw bata ka, huwag mong pitasin ang Gumamela ko!". 


Sana nga tama sila. Gusto kong maintindihan ang kadahilanan ng mga pangyayari, kung kailan iyon, sana malapit na. Kasi nakakapagod na rin mag-isip. Lalo na kung hindi mo alam kung ano ang dapat mong isipin.

Sa iyo. Sa iyo na nagbabasa nito. Bakit ka nandito? Huwag mong aksayahin ang oras mo sa pagbabasa nito. Gugulin mo ang oras mo sa mga tao, bagay, hayop, paksa, at mga pangyayari sa paligid mo, na magpapasibol sa iyo. Hindi sa ganito – walang saysay, walang kabuluhan, at walang maidudulot na kapaki-pakinabang  sa iyong pagkatao.

Umalis ka na!

Umalis ka na?

Umalis ka na.

Isa. Dalawa. Tatlo. Nakakamangha kung paanong nagagawa ng tatlong munting simbolong ito (! ? .) na isalarawan ang saloobin ng isang tao.

Nakakapanibago. Ibang-iba na ang tema ng aking mga kwento kumpara noong ako’y nagsisimula pa lamang magsulat. Nais ko sana’ng ibalik ang saya sa blog na ito. Nais lang. Balakin. Plano. Walang kasiguraduhan kung magkakatotoo.

Sa ngayon, pagkabilang ko ng tatlo, nakaalis ka na sa blog na ito.

Isa. Dalawa…