Galing opisina (QC), nilakad ko lang papuntang MRT North Avenue Station. Malapit lang naman kasi, at exercise na rin. Mag-a alas-siyete na ng umaga noon, kaya box office na naman sa MRT. Paakyat pa lang ng hagdanan ng istasyon, halos sakop na ng mga pasahero ang kalahati ng EDSA. Parang may namimigay ng libreng bigas sa dami ng tao. Nakisingit na rin ako, at sumabay sa daloy ng sambayanan. Naawa ako dun sa matandang babae na nasa harapan ko. Halatang nahihirapan siya sa nangyayaring gitgitan at tulakan.
Matapos ang ilang minutong paglalakad na parang sinaunang Chinese sa liit ng aming mga hakbang , nakarating na rin ako sa bilihan ng tiket:
Lolo : Isang Buendia (iniabot ang P50)
Mama : May four pesos ka?
Lolo : Ay, wala po eh..
Mama : (Ibinalibag ang sukli at tiket)
Pagpanhik sa itaas, whoah! Ang haba rin ng pila dun sa suksukan ng tiket (hehe...'di ko alam ang tawag). Hindi ko mahanap ang dulo ng pila, kaya sumunod na lang ako kung saan pumupunta ang mga tao. Matapos ang ilang pagsingit sa aking harapan at ilang minuto, nakapasok na rin ako sa main platform. Grabe talaga ang mga eksena sa MRT kapag umaga. Lalo na sa istasyon na ito kasi dulo ng linya. Habang nag-aabang ng tren, nagmasid-masid ako sa paligid. Naisip ko na buti na lang at hindi ko na kailangan pang sumakay ng MRT para makapasok sa opisina kagaya dun sa una kong trabaho. Mas tipid at bawas-hirap din sa biyahe.
Sa wakas dumating na ang tren. Saktong-sakto ang pwesto ko sa pintuan. Paghinto ng tren, di pa man bumubukas ang pintuan eh, hala...sige na sila manong sa pagtulak at pag-gitgit. Excited sila masyado - first time ata nila sa MRT. Pagbukas ng pinto takbuhan naman at unahan sa upuan ang eksena. Buti na lang at lagi akong champion sa Trip to Jerusalem noong kabataan ko, kaya nakakuha 'ko ng upuan.
Narito ang Top 5 sa mga narinig ko mula sa mga pasahero habang bumabiyahe:
5.) Tsk! Paa 'yun ah!
4.) Miss, upo ka oh.
3.) Wala na! 'Wag niyo na piliting makapasok!
2.) Excuse me.
1.) Aray! Ano ba 'yan!!
Buendia na. Tumayo na ako sa aking kinauupuan at siniksik ko ang aking sarili sa mga taong nakaharang sa daanan papalabas ng tren. Bigla akong nagtaka dahil parang na-stuck ako, ayun pala nasabit ang aking polo sa bag ni manong. Buti na lang naalis ko ito agad dahil muntik na 'kong masarhan ng pintuan.
Todo lakad ang lolo niyo, grabe init. Pawis na pawis na 'ko kaya naisipan kong ilabas ang aking panyo. Hmmm...'di ko ito makita. Sa bag, sa bulsa, sa isa pang bulsa...wala talaga. Nakapatong nga pala iyon sa hita ko habang nakaupo ako kaya malamang ay nahulog iyon pagtayo ko at hindi ko napansin. Isa na siyang ganap na basahan ngayon.
Jeep naman papuntang Ayala.
Lolo: Bayad po.
Drayber: Saan 'to?
Lolo: (Nag-isip muna dahil nakalimutan kung saan bababa) Diyan lang po!
Pagbaba, lakad ulit. Hay naka-iinggit ang mga taong may panyo. Pakiramdam ko ay ang dumi-dumi ko na dahil sa pawis at alikabok.
Narating ko na ang gusali ng aking pakay. Pagkatapos mag-iwan ng ID kay manong guard, pumunta na 'ko sa may elevator at pinindot ang up. Ilang sandali lamang ay nakapanhik na ako sa 19th floor. Wala pang alas-otso noon kaya sarado pa ang opisinang aking pupuntahan. Sinabihan ako ni manong guard#2 na maupo at maghintay ng oras. Nandoon na si ate receptionist noon.
Ate receptionist: Saan po kayo?
Lolo niyo: Sa cashier po.
Ate receptionist: Paantay na lang po muna. Closed pa po.
Lolo niyo: Okay. (Sabay upo sa sofa)
Habang naghihintay, inilabas ko ang aking cellphone at nagtext sa aking tito. Pagkatapos ay pinanuod kong mag-make-up si ate receptionist habang nagkikipag-usap siya kay manong guard#2:
Ate receptionist: Manong, dumating na 'yung crush ko?
Manong guard #2: Hindi pa po ma'am.
Ate receptionist: Sure ka manong ah, baka masayang lang make-up ko.
Manong guard #2: Opo. (Sabay tawa.)
8:03 AM. Sa wakas ay nagbukas na rin ang cashier.
Pagkatapos matapos ang lahat ng kailangan kong gawin ay sumakay ulit ako ng jeep papuntang LRT. Dahil umaga pa lamang ay halos wala itong sakay papuntang Monumento. Haaay...ginhawa sa wakas.
Masarap sumakay sa LRT at MRT kapag wala masyadong pasahero, ngunit parang wala ring thrill. Walang umaaray, walang nasasaktan, at walang nagtutulukan. Hindi masaya. Medyo boring tuloy ang aking biyahe pauwi:
Ang LRT train papuntang Monumento kapag umaga.
Subscribe in a reader
madami narin nangyari saakin sa mrt/lrt. nandyan na yung napahiya ako dahil nagpaupo ako ng matandang babae pero ndi niya ako pinansin, yun pala ay papababa na siya. nandyan ang nawalan ako ng cell phone, nalaslasan ng bag, nahipuan/namolestya habang siksikan, nauntog sa bakal na rails dahil sa antok, naitulak papalabas kahit hindi pa naman ako bababa, at marami pang ibang nakakapagpababa ng dignidad dahil sa sobrang nakakahiya.
TumugonBurahinKay marc: LOL. Naku! Naranasan ko na rin magpaupo ng babae pero hindi niya ako pinansin, hindi pa naman siya pababa - siguro 'di lang niya 'ko type. Hindi pa naman ako nawalan ng cellphone, at nalaslasan ng bag kagaya mo, pero nahipuan at namolestya na rin ako sa loob ng tren. Minsan nakahawak ako sa safety rails, nang bigla itong makalas. Tumama tuloy ito sa mga taong nakaupo. Hindi pala masyadong "safe" ang safety rails.
TumugonBurahinSalamat sa iyong pagkukwento. ^_^