Huwebes, Hulyo 26, 2007

Panaginip

Panigurado, kagaya ko ay naranasan niyo na rin managinip - puwera na lamang 'yung mga hindi pa nararanasang matulog.

Bakit ba halos hindi natin matandaan ang mga napapanaginipan natin? Pagkagising mo, kung hindi wala, ay kaunting eksena na lamang ang 'yong natatandaan.

Naranasan niyo na rin bang managinip ng "black & white" pa? Eh 'yung nagising ka at pagtulog mo ulit ay nagkaroon ng Part II at naituloy mo ang 'yong panaginip? Totoo ba na kung may gusto kang mapanaginipan, ang dapat mong gawin ay paulit-ulit mo itong isipin bago ka matulog?

May isa akong panaginip na hindi ko pa rin makalimutan hanggang ngayon. Bata pa ang Lolo niyo n'un, mga siyam na taong gulang siguro. Napanaginipan ko ang aking nanay na nagtitiklop ng mga damit sa aming sala, habang ako naman ay nanunuod ng telebisyon sa kanyang tabi. Bigla na lang, may kaguluhan sa labas ng aming bahay. Sumilip ako sa bintana upang maki-usi kung ano'ng nangyayari. Nagulat na lamang ako nang makakita ako ng mga Indians. Pinapana nila ang aming mga kapitbahay na nagtatakbuhan naman sa sobrang takot. Nakita ako ng isang Indyan na nakasilip sa bintana kaya tumakbo siya patungo sa aming pintuan. Hindi na namin ito nagawang isara dahil masyado siyang mabilis kumilos. Pagpasok niya sa aming bahay, inasinta niya ng pana ang aking inay sa kanyang puso, at 'yun na nga ang masaklap na ending ng aking panaginip.

Nagising ako noon na umiiyak at takot na takot. Hinanap ko agad ang aking inay sa kwarto sa pagaakalang totoo ang aking napanaginipan. "Bakit?" tanong niya sa akin dahil tumutulo pa rin ang aking mga luha. Niyakap ko na lang siya at hindi ko na sinabi ang dahilan. (Awwww...)

Nanaginip rin ako dati ng dalawang numero noong ako ay nasa grade-4, "4" at "20". Sinabi ko ito sa aming kasambahay at sinabi niya na tayaan ko raw sa jueteng (uso pa 'to noon at hindi pa hinuhuli). Itinaya nga namin ang dalawang numerong ito at akalain niyo - nanalo ang Lolo niyo! Inilibre ko pa nga ang aking tropa kinabukasan.

Nabanggit ko rin sa isa kong post sa kabila kong blog na napanaginipan ko sila Loren at Chiz noong Mayo. Nangyari ito bago pa matapos at lumabas ang resulta ng eleksyon - isa ba 'tong pangitain kung sino ang dalawang magta-top sa bilangan? May pagka-psychic ba ako at dapat ko na ba itong gawing negosyo at pagkakakitaan?

Maraming kuro-kuro tungkol sa mga panaginip. Sabi ng iba, ito raw ay kabaliktaran ng tunay na mangyayari. Kung gayon, mas marami pa rin pala talagang magandang nangyayari sa mundo dahil ayon sa aking pagsasaliksik, mas madalas mapanaginipan ng mga tao ang mga negatibong bagay kaysa sa mga positibo.

Ang tsismis naman ng iba, ang lahat daw ng panaginip ay may kahulugan na dapat nating pagtuunan ng pansin.

Halimbawa, kung ikaw daw ay nanaginip na nahuhulog ka mula sa isang mataas na lugar, ang ibig sabihin raw nito ay may goal ka na hindi mo naabot, o hindi mo pa naaabot. Maaari rin namang may isang bagay ka na hindi mo mapanatili o napanatili kagaya ng isang responsibilidad, halimbawa ay ang posisyon mo sa trabaho.

Kung mala-Superman ka namang lumilipad sa isa mong panaginip, ito raw ay nangangahulugang nalagpasan mo ang isang unos sa iyong buhay at ikaw ay patuloy na sumusuong sa mga hamon nito.

Ahas ba ang ka-eksena mo sa iyong panaginip? Ibig sabihin raw nito ay may mangyayaring hindi masyadong kaaya-aya.

At kung sa panaginip mo ay wala kang saplot, dalawa raw ang ibig sabihin nito. Una, gusto mo ng kalayaan ng iyong kalooban. Pangalawa, ay nangangamba kang may maisiwalat na sikretong-malupit tungkol sa'yo.

Ang mga tao rin daw na iyong napanaginipan, ay pinapanaginipan o napanaginipan ka rin. Ito raw ang dahilan kung bakit minsan ay may mga tao tayong napapanaginipan na hindi naman natin kakilala sa totoong buhay (kilala nila tayo, ngunit hindi natin sila kilala). Ibig sabihin pala, lagi akong napapanaginipan ni Songbird?

*Isinulat ko ang post na ito dahil kagabi, napanaginipan ko na inihulog raw ng aking kapatid ang pinakamamahal kong cellphone. Wasak na wasak ito sa aking panaginip. Buti na lamang at panaginip lang (whew!) dahil kung hindi...

Subscribe in a reader

8 komento:

  1. ang medyo interested akong malaman ay kung paano kikita sa panaginip. hehe.

    TumugonBurahin
  2. Kay Bryant: Kapag 'yan ay natuklasan mo na, maaari bang sabihan mo ako kaagad para sosyo tayo.

    TumugonBurahin
  3. Interesting topic!
    Di ko akalain na posibleng napapanaginipan ako ng taong kasama sa panaginip ko.

    Sa akin, ung mga panaginip ko.... mas lamang ung patungkol sa akin, kaysa ibang tao. Parang, ipanapaalam sa iyo kung ano ka, ano'ng nangyayari sa buhay mo (all of those from His point of view). Fascinating, but at the same time... sometimes... kinda sad and scary...

    TumugonBurahin
  4. opo lolo. sige. tapos pwede tayong magtayo ng business. talunin natin ang mga pyschics at dream-readers diyan sa tabi-tabi. hehe.

    TumugonBurahin
  5. Kay Sleepless Hollow: Aba, ngayon lang ako nakarinig ng ganyan ah...salamat sa pagbahagi.

    TumugonBurahin
  6. Weird lagi ang panaginip ko. Illogical, bizarre, off the wall at definitely hindi ko maintindihan. Kung nanonoood ka ng mga international indie films na katulad ng Donnie Darko, Memento, Being John Malkovich, Delicatessen, and/or Amelie, medyo may pagkakahawig in terms of oddity ang marami sa aking mga panaginip. Pero actually mas peculiar pa. To give you an example, nung bata pa ako, madalas kong mapanaginipan sa binubug-bog ako ng buong alphabet. Nagsusuntukan kami ng leter K at V habang hinahabol ako ng letters U and N. Tapos sinisipa ako ng letter X at sinasampal naman ako ng letter F. Weird noh?
    Recently naman, nagkaroon naman ng reunion ng mga komidyante ng 1980’s sa panaginip ko. Tatay ko daw si Ike Lozada, Nanay ko si Dona Buding, Lolo ko si Dolphy at Lola ko maman si Bella Flores. Ate ko si Matutina at Kuya ko si Rene Requestas. Ok n asana ang panaginip ko pero weird parin kasi pinaguusapan namin ang principle of gravity at ang aming nalalapit na paglipat sa aming bago daw na bahay sa planetang Uranus . Eerie dba?

    TumugonBurahin
  7. Marc grabe wala ako masabi! Natawa naman ako sa maaaksyong eksena mo kasama ang mga alpabeto, nagsikip tuloy ang dibdib ko. bwahahaha...

    TumugonBurahin