Linggo, Disyembre 30, 2007

Fat-Fat

Mula sa panahon ng aking kabataan, isa na 'ko sa pinakapayatot sa pamilya. HIndi man lamang ako tumaba kahit kaunti, kahit malakas naman akong kumain.

Hanggang ngayon, pangarap ko pa rin na madagdagan ang aking timbang para hindi ako tinutuksong "payatot" ng mga tao. Noong isang linggo nga lang, habang nakapila ako sa FX pauwi. Lumapit sa akin ang starter [kahit na pangalawa ako sa pila] at nagsabing "Isa na lang ang kulang, sa gitna. Dahil slim ka, ikaw na lang ang mauna." Nakangiti pa siya noon ha?! Hindi ko alam kung matutuwa ako dahil mauunahan ko ang ale na nasa harapan ko at makauuwi ako agad, o maiinis dahil ako ang payat doon sa pila kaya gagawin na lamang akong paningit.

Malakas naman talaga ako kumain, pero hindi masyado madalas katulad ng iba. Medyo mapili rin ako. May kabagalan rin ako kapag kumakain. May moments na tutulala muna ako na parang eksena sa music video o makikipagtitigan sa mga pinggan bago ituloy ang pagkain. Ito kaya ang mga dahilan? O sadyang isa lang ako sa mga napiling mamuhay na payat sa mundong ito?

Maituturing sigurong pambihira ang problema ko sapagkat mas marami ang nagnanais magbawas ng timbang. Kabi-kabila ang mga pampapayat na produkto ngayon 'di ba?

Anyhoo, may maipapayo ba kayo sa isang totayap na tulad ko? Nagsimula na rin akong magbuhat noong Nobyembre, pero mas magiging epektibo siguro kung may iba pa kayong suhestyon na makakatulong sa aking plano.

Kailangan, tumaba ako sa taong 2008.

Kaya kakain na ako ng mas marami. At sisimulan ko 'yan mamayang gabi sa media noche, na magpapatuloy sa Bloggers' Food Tour sa TriNoMa sa ika-9 ng Enero. Kita-kits!

Isang masaganang bagong taon sa lahat!

Pataba tayo!!!

Miyerkules, Disyembre 19, 2007

Ang Pasko ay Sumapit

Magsusulat sana 'ko tungkol sa iba't-ibang karanasan ko tungkol sa Kapaskuhan, pero pag-upo ko sa harapan ng PC, bigla na lang lumipad lahat ng mga nais kong sabihin.

Haaay... tuloy, 'eto, ang hirap simulan.

Gusto ko sanang sabihin sa umpisa ng aking post na ang bilis ng panahon. Parang kailan lang ay nakapila ako sa presinto upang bumoto, tapos ngayon, grabe na ang mga pila sa mga kahera sa mga pamilihan sa sobrang dami ng mga taong naghahanda para sa Pasko.

Nais ko rin sanang ibahagi ang isang napakapait na karanasan ng Lolo niyo noong ako ay bata pa lamang. Matapos ang maghapong pamamasko sa mga ninong, ninang at mga kamag-anak, nagpaalam ako upang bumili ng isang bagay na hindi ko na maalala ngayon. Pagbalik ko na lang sa bahay ay hindi ko na makita ang aking Felix the Cat na pitaka - ang pitakang naglalaman ng bunga ng aking maghapong pagmamano sa mga tao. Nahulog ata ito sa kung saan. Ang lungkot ko talaga habang pinanunuod ko ang aking mga kapatid at mga pinsan na nagbibilang at nagpapataasan ng kanilang napamaskuhan.

Ikukuwento ko rin sana ang pangangaroling namin ng mga kalaro ko noon. Masarap mangaroling lalo na kung galante ang mga kapitbahay niyo. May mga nagbibigay ng hindi lang pera, may kasama pang mansanas kahit na bulol-bulol naman ang aming mga lyrics. May isa namang pangyayari na muntikan na kaming makagat ng aso dahil napatid bigla ang kadena nito. Buti na lamang ay nakatakbo kami ng mabilis papalabas ng kanilang gate.

Noong ako ay nasa kolehiyo naman, ang aming organisasyon ay nagsagawa ng isang karoling, ngunit imbis na kami ang manghingi, kami ang nagbigay ng pamasko sa mga kababayan natin na nangangailangan. Makipot ang mga daanan papunta sa mga bahay na aming pinuntahan. Nakatutuwa nga dahil pagtapos ng aming pag-awit, nag-aabot sila ng kaunting halaga at nagsasabing "Pasensya na po kayo.". Anong gulat nila kapag nalaman na nilang kami ang magbibigay sa kanila. Mayroon pa ngang lola na naiyak talaga sa tuwa. Mag-isa lamang siyang namumuhay sa pamamagitan ng paglalaba, ayon sa mga kapitbahay niya na nag-tip sa amin na siya ang puntahan. Kakaiba talaga ang pakiramdam kapag nakatutulong ka di ba? Apir!

Ano kaya ang magandang gawin ngayong Pasko? Parang nakasasawa na rin na gigising ka ng maaga, maliligo, magbibihis ng bagong damit kung meron, at maghihintay sa mga bisita. Ang iba sa mga bisita ay mga kamag-anak mo daw na hindi mo naman ma-trace kung saang branch ng family tree nanggaling. Darating ang mga inaanak, anim pa lang naman sila (buti naman) at magkukumustuhan.

May isa akong kaibigan na magtra-trabaho ngayong Pasko. Mag-isa lamang siyang papasok sa araw na iyon. Ngayon pa lamang ay kinukulit na niya 'ko na samahan ko raw siya sa kanyang trabaho dahil pwede naman pumasok ang mga hindi taga-roon. Pinag-iisipan ko kung sasamahan ko nga siya kahit bandang gabi na pagkatapos ng hapunan. Siguro sa ganoong paraan ay makatutulong ako na medyo sumaya naman ang kanyang Pasko. Hmmmm...

Wala namang masyadong bago ngayong Paskong ito. Malamig pa rin, hahaha.

Miyerkules, Nobyembre 21, 2007

Sing-Kwenta


Ito ang aking entry sa proyekto ni Tita Janette Toral.


Filipina. Konserbatibo. Mapagmahal. May takot sa Diyos. Ilan lamang 'yan sa mga katangiang pumapasok sa aking isipan tuwing inilalarawan ko ang mga kababayan nating kababaihan. Naniniwala ako na kahit na nasa modernong panahon na tayo, marami pa rin ang pasok sa mga kategoryang iyan, kaya naman ipinagmamalaki ng Lolo niyo ang pagiging isang Filipino.


Para masubok ko kung talagang angkop pa rin ang mga katangiang iyan sa mga Filipina sa panahon ngayon, at mapatunayang tama pa rin ang aking paniniwala, napagtripan kong magtanung-tanong sa pamamagitan ng SMS, e-mail, at printed questionnaires, sa tulong na rin ng aking kakosa, at nakalikom ako ng limampung Filipina, na walang pag-aatubiling sumagot sa nag-iisang katanungan na: Deal or No Deal?



"Bakit mo ipinagmamalaki na isa kang Filipina?"




Narito ang kanilang mga kasagutan:

Paliwanag: Ang mga sumusunod na mga kasagutan at mga impormasyon, gaya ng pangalan at edad ng mga nakilahok ay hindi kathang-isip o guni-guni lamang. Ang kanilang mga kasagutan ay hindi ginalaw o binago sa kahit anong pamamaraan upang mapanatili ang katotohanan sa serbey na ito.
[Naks!]



1. Dyan, 23, CSR-Eperformax, Makati City:

“Ipinagmamalaki ko na isa akong Filipina sapagkat ang mga Filipina ay mahihinhin, pinapahalagahan ang pagka-birhen, at ang higit sa lahat, may takot sa Diyos.”

2. Hanna, 22, Student, Legarda Manila:

“Pinagmamalaki ko dahil sa mga kultura natin na hindi kayang pantayan ng mga dayuhan.”

3. Cherry, 30, Bank Officer-Security Bank, Valenzuela City:

“Pinagmamalaki ko na isa akong Filipina dahil tayo’y maasikaso, masipag at mapagmahal sa ating mga pamilya.”

4. Jheng, Valenzuela, Sup:

"Dahil ang isang filipina ay matatag at matapang. Kahit anong pagsubok ang dumating kakayanin at malampasan. Ipaglalaban ang kanyang karapatan, minamahal at higit sa lahat ang kanyang pamilya. At sa kabila ng lahat ng kanyang pinagdaraanan nananatili paring MAGANDA !!!! HAHAHAHA!!!!"

5. Lani, 24, Teller-Security Bank, Valenzuela City:

“Kasi ako ay may pananaw sa buhay, mapagmahal at handang magsakripisyo para sa pamilya,masinop, at higit sa lahat, ang mga Filipina ay mga konserbatibong tao.”

6. Khate, 23, Account Executive-Coca-Cola Bottlers, Valenzuela City:

“Ang mga Filipina, lalo na ang mga dalagang katulad ko, ay mapagmahal sa kapwa, malaki ang takot sa Diyos, at pinapahalagahan ang close family, and community ties. Kahit ba sabihin pa nila na sa ibang bansa ako ngtratrabaho, ako’y babalik pa din sa aking sinilangang landas, at hindi ko kinakalimutan na ako’y may pusong Pilipino.”

7. Sheila, 23, CSR-Navitaire Int’l, Cavite:

“Dahil ang mga pinay ay matatag, kagaya ng mga pinay na nurses na nangingibang bansa, kaya handa silang mahiwalay sa kailang mga pamilya, para lamang matustusan ang mga pangangailangan nito.”

8. Mylene, 23, CSR-Navitaire Int’l, Pasay City:

“Ipinagmamalaki ko na ako ay isang Filipina kasi matatag at magaling ang mga Pinay pagdating sa pakikipaglaban sa buhay. Ano man ang unos na dumating sa buhay, kayang kaya diskartehan at lagpasan ng isang Filipina.”

9. Yonie, 24, Office staff, Valenzuela City:

“Sapagkat naiiba ang aking kulay at ating kultura kumpara sa mga dayuhan.”

10. Mayang, 23, Cash staff, M Bacoor, Cavite:

“Ipinagmamalaki kong Filipina ako kasi isa ang Filipina sa mga natatanging ganda. Magmula sa kulay na natural na kayumanggi na hinahangaan ng mga dayuhan, at magandang ngiti na sumasalubong sa bawat nakakasalimuha nila. Ang mga kasuotang tanging sa Filipina lang nababagay,ang ugaling maaalalahanin - taglay nga bawat kababaihan ito sa buong mundo, ngunit ang Filipina lang ang may mga natatanging mga alternatibo sa pag-aalaga sa kanilang mga mahal sa buhay (kapag kulang sa gamit). At higit sa lahat, ang Filipina na kagaya ko, ay matiisin at madasaling tao.”

11. Gretch, 24, New Accounts-Int’l Exchange Bank, Navotas MM:

“Sapagkat naiiba pa din ang dalagang filipina-mapagmahal at magalang. Ibinibigay nila ang lahat ng kanilang makakaya para mapaligaya lamang ang kanilang mga mahal sa buhay.”

12. Cherish Marinda, 23, BPO associate-Navitaire Int’l, Makati City:

“Kasi mahal ko ang kulturang pilipino.”

13. Margarita Eloise B. Lomotan, 27, BPO Associate-Navitaire Int’l, Makati City:

“Ksi magaling tayo sa lahat ng bagay! Magaling mag-adapt and nage-exel daw abroad tapos maganda ang values natin!”

14. Joyce Quiazon, 23, Senior Quality Assurance Associate-Havenlink Solutions Inc, Laguna:

Para sakin, maipagmamalaki ko n isa akong filipina dahil hindi naman maikakaila s buong mundo na sa lahat ng aspeto marunong tayo.mula sa pagiging hostipable, pagmamalasakit sa pamilya, kamag anak at mga kaibigan. kaya din naten sumabak sa ibat ibang klase ng trabaho.”

15. Michelle Chhatlani, 27, New Accounts-Security Bank, Paco Manila:

Sapagkat ang mga filipina ay may katangian na dapat ipagmalaki at tularan, katulad ng pagiging isang magalang sa kapwa, matulungin sa mga taong nangangailangan at respeto at pagmamahal sa pamilya. "

16. Catherine Casuncad, 24, Teller-Securirty Bank, Malate Manila:

"Sapagkat ang filipina ay maalaga, maasikaso at mapagmahal sa kapwa."

17. Marie Grace Soverano, 24, Junior Asst Mgr-Security Bank,Valenzuela City:

"Sapagkat ang mga Filipina ay matiisin, matiyaga, may takot sa Diyos at mapagmahal sa kanilang kapwa. maasahan sa oras ng pangangailangan."

18. Kristine, 25, care-giver, Canada:

“Kasi pagdating sa kabutihan, the best tayo dyan. Pangalawa, pagdating sa trabaho, mas malinis at maganda magtrabaho ang mga pinoy- ayon yan sa mga kompanya dito sa Canada."

19. Nena, 50, housewife, Valenzuela City:

“Ipinagmamalaki ko na isa akong Filipina sapagkat pagdating sa trabaho, masasabi kong ako ay madaling matuto at matiyaga, dahil napatunayan ko ito sa loob ng mahigit 20 taon. Sa ganitong paraan, nakatulong ako ng malaki sa aking asawa at mga anak.”

20. Tin-Tin, 24, Nun-in-the-making, Manila:

"Dahil mahal ko ang Pilipinas. Tahanan ng lahi kong sinilangan. Maganda't sagana sa likas na yaman."

21. Rein, 25, Alabang, CSR:

"Ahhm, dahil ako ay pinoy sa puso at diwa. Dahil taglay ko pa din ang kaytangian ng pagiging magalang at pagmamahal sa pamilya hehehe, no joke.un lamang po."

22. Analee Bengzon, 37:

"Ipinagmamalaki ko na ako ay Filipina sa dahilang meron ang Filipina na kakaibang katangian na naiiba sa ibang lahi gaya ng pagiging malambing, maasikaso, at maalaga sa pamilya."

23. Christiane Melicio, 22:

"Ipinagmamalaki ko na ako ay Filipina sa dahilang ang mga Pinay aymay bukod tangi na katangian na ating maaaring ipagmalaki."

24. Charise Villaranda, 23:

"Ipinagmamalaki ko na isa akong Filipina kasi ang mga Filipina ay kayang lumago ng di kailangang umasa sa iba."

25. Em Flores San Juan, 23:

"Ipinagmamalaki kong maging Filipina dahil tayo ay kilala bilang isang independyenteng mamamayan, iba sa lahat at kayang lumaban sa ano mang pagsubok. Go girl!"

26. Ann Murray F. Macaspac, 28:

"Ipinagmamalaki ko na maging Filipina sapagkat ako ay lumaking may taglay na magandang pag-uugali."

27. Siony Javillana, 42, Adm. Officer II - Mun. Gov't. of Obando, Bulacan:

"Ipinagmamalaki ko na isa akong Filipina sapagkat sa talino at galing ay hindi tayo pahuhuli sa ibang bansa. Taglay ko ang yumi at ganda na sa Filipina lamang matatagpuan at higit sa lahat, ang Panginoon, ang takot sa Panginoon ay nasa aking puso."

28. Kathleen R. Capiral, 31, Social Welfare Asst. - Mun. Gov't. of Obando, Bulacan:

"Dahil ang isang tulad kong Filipina ay may dangal na ipinagmamalaki, lahing kayumanggi, may takot sa Diyos, at may paninindigan. Iyan ang ganda at ugali ng isang Filipina."

29. Irma Carpena, 50, Clerk - Mun. Gov't. of Obando, Bulacan:

"Dahil iniingatan ko ang aking dangal at pangalan na minana ko sa aking mga magulang."

30. Jennie Rose L. De Leon, 25, Clerk - Mun. Gov't. of Obando, Bulacan:

"Ipinagmamalaki ko na ako'y isang Filipina sapaglat ako'y may takot sa Diyos at ako ay makabayan."

31. Carina Salazar, 29, Administrative Officer - Mun. Gov't. of Obando, Bulacan:

"Ipinagmamalaki ko na ako'y isang Filipina dahil sa magandang tradisyon at pag-uugali na pinamana ng aking mga ninuno at magulang at dahil ang Filipina ay nakaaangat sa lahat ng aspeto."

32. Meliza S. Tanazas, 49, Clerk - Mun. Gov't. of Obando, Bulacan:

"Ipinagmamalaki ko na ako'y isang Filipina sapagkat hindi naman kaila sa buong mundo na ang mga Filipino ay may magandang loob. Marami na rin namang mga Filipino at Filipina ang nagbigay karangalan sa ating bansa. Ipinagmamalaki kong Filipino ako dahil ang aking mga magulang ay Filipino."

33. Dulce J. Sebastian, 41, Admin Officer I - Mun. Gov't. of Obando, Bulacan:

"Ipinagmamalaki ko na isa akong Filipina dahil sa mga tinataglay nitong mga katangian tulad ng pagiging maka-Diyos, maayos na pakikitungo sa kapwa, may maayos at tapat na pagmamahal sa pamilya."

34. Delia A. Coronado, 49, Social Welfare Officer III - Mun. Gov't. of Obando, Bulacan:

"1.) Dahil ito ang aking minamahal na lahi.

2.) Ang pagiging Filipina ay isang pagkakakilanlan ng babaeng taga Pilipinas."

35. Marissa A. Avila, 43, HRMO, Obando, Bulacan:

"Ipinagmamalaki ko ang pagiging isang Filipina dahil sa mga katangiang ang mga Pilipina lamang ang mayroon. Ito ay ang pagiging "hospitable" ng mga Pilipino. Kahit saang bansa ay walang makakagawa ng pagiging mabait at matulungin ng mga Pilipino sa kapwa."

36. Fely De Leon, 43, HRMA, Obando, Bulacan:

"Ang Filipina ay marunong sa gawaing bahay, maasikaso sa pamilya, maka-Diyos, at maaalahanin. Sa ngayon ang Filipina ay gumaganap na rin ng trabahong panlalaki, katulad ng sa mga opisina bilang empleyado o bilang ehekutibo. At pwede na ring gumanap na kapitan, kongresman at siyempre ang pagiging pangulo katulad ni PGMA."

37. Vicky Alganzado, 42, Communication Officer - Office of the Mayor, Obando, Bulacan:

"Sapagkat ang pagiging Filipina ay isang kapuri-puri. Dapat nating ipagmalaki ito sapagkat ang Filipina ay kilala sa pagiging matulungin, magalang, mahusay sa paggawa ng mga produktong talagang ikakapuri sa loob at labas ng ating bansa. At talento ang mga Filipino. Mahusay umawit, sumayaw at makisalamuha sa iba't-ibang klaseng tao sa lipunan."

38. Lita Ramos, 47, MPPW-II, Mun. Gov't. of Obando, Bulacan:

"Dahil ang pagiging Filipina at isang karangalan at ipinagmamalaki ang mga katangian kahit sa ibang bansa. Magaganda ang mga Filipina, hindi lamang sa anyo kundi pati sa puso."

39. Ruth C. Santos, 47, Obando, Bulacan:

"Ang isang Filipina at mapagmahal, masipag, may paninindigan, at higit sa lahat, malinis sa bahay at sa pangangatawan."

40. Anonymous

"Dahil ako ay matapat at masipag."

41. Grace R. Cruz, 42, Obando, Bulacan:

"Dahil ang isang Filipina at malinis magmahal."

42. Prescilla M. AvendaƱo, MTO Cash Clerk II, Obando, Bulacan:

"Ako ay isang Filipina na may dangal, makatao, makakalikasan, at makabansa."

43. Elena M. Lumabas, Secretary to the Sangguniang Bayan, Obando, Bulacan:

"Ipinagmamalaki ko na ako'y isang Filipina dahil ako ay tagapagmana ng mayamang karanasan at ginintuang pangaral ng aking magigiting na ninuno."

44. Jenny Lyn Fuertes, 23, Data Control Staff, Quezon City:

"Proud ako maging Pinay, dahil pagdating sa boxing wala tayong katulad, na maihahantulad sa ating buhay buhay. Bumagsak man o madapa, pilit pa ring lalaban at tatayo. Matalo man sa laban, taas noo pa rin sa mga tao dahil lumaban tayo ng patas at malinis."

45. Maylene Espiritu, 23, Data Control Staff, Quezon City:

"Ang mga Pilipino ay may dugong bughaw, may dignidad at marunong lumingon sa pinanggalingan. Likas sa atin ang pagkakaron ng mababang loob at pagmamalasakit sa kapwa tao."

46. Odessa F. Balao, 23, Precloser, Malabon City:

"Dahil ang mga Filipinang gaya ko ay malaki ang pagpapahalaga sa pamilya, pagpapahalaga at respeto sa kanilang feminity."

47. Athena O. Abad, 24, Data Analyst, Obando, Bulacan:

"Kasi kilala kami sa pagiging mayumi at may mataas na pagpapahalaga sa moralidad."

48. Che-an Talastas, 22 y/o, Manila, Customer Service Rep.,

"Ako ay isang Pilipino at ipinagmamalaki ko ito dahil TAYO ay likas na mga mahuhusay sa kahit anong larangan. Marami din tayong mga kaugalian na talaga namang maipagmamalaki natin sa mga dayuhan. TUlad na lamang ng pagiging MAKADIYOS, Pagbibigay Galang sa mga Nakatatanda sa atin sa pamamagitan ng paggamit ng "po at opo" at Maayos na pagtanggap sa ating mga bisita. At higit sa lahat, ipinagmamalaki ko na ako'y isang Pilipino dahil sa Kagandahang taglay ng mga Pilipina, Simple lang ngunit malalakas ang karisma.. =) Kaya naman taas noo kong isisigaw sa mundo na Ako'y isang Pilipino, sa isip , sa salita at sa gawa!!! "hehehehe =p "

49. hOnEyPoSh, 24, Tondo,Manila, Customer Service Rep.,

"Im a proud Filipina co'z Filipina's are so pasensyosa & sobrang makariƱo. And Beauties of Filipina's are so natural and just simple. And that's what most guys are looking for."

50. Eilanna :

"Ipinagmamalaki ko na ako ay isang Filipina dahil sa mga kagandahang asal na kinagisnan ko at ipinamana sa akin ng mga magulang na kapwa mga Filipino...

* ang pagiging magalang sa mga nakakatanda . ang pag-gamit ng mga salitang po at opo na tanda ng paggalang sa mga nakakatanda (aba! walang ganyan sa states! oh kahit na saan mang bansa sa mundo!)

* ang pagmamano sa kamay ng mga magulang o mga lolo at lola / paghalik sa noo o sa pisngi - sa manilawala ka at sa hindi hanggang ngayon ay ginagawa ko pa rin iyan sa mga magulang ko at sa Lola ko...ewan ko ba pero para sa akin isa itong napakagandang paraan ng pagpapakita ng paggalang at pagmamahal sa ating mga magulang at mga Lolo at Lola.

* ang tinatawag na Filipino Hospitality o ang ating mainit na pagtanggap sa mga bisita - ito ang pinaka sikat na kaugalian nating mga Filipino...bakit kaniyo?! Dahil tayong mga Filipino ay talaga namang magaling mag-asikaso ng ating mga panauhin...talagang pinapakita natin ang mainit na pagtanggap sa kanila.

* ang pagiging matulungin sa kapwa - parang katulad ng bayanihan...likas na sa ating mga Filipino ang tumulong sa ating mga kapwa lalo na sa oras ng kanilang pangangailangan.
Ilan lamang yan sa mga kaugaliang tatak Filipino na namana ko sa aking mga magulang at sa ating mga ninuno na talaga naman pinagmamalaki ko...at nais kong dalhin saan man ako mapadpad...nais kong ipamana sa mga susunod na generation."

Maraming salamat sa mga Filipinang nakilahok sa pag-aaral kong ito, at sa aking K8 na buong pusong tumulong at matiyagang lumikom sa mga kasagutan.


Ayon sa kanilang mga kasagutan, tunay na dapat nga nating ipagmalaki ang mga kababayan nating kababaihan sa kahit na sino, at kahit saang panig ng mundo. Sila din ay sing-kwenta (o maaaring higit pa) ng iba pang mga lahi, kaya dapat silang igalang, pahalagahan, at ipagmalaki. Bow.


Lunes, Nobyembre 5, 2007

Dis Ar a Piyu op May Peyborit Twits...

Ang Twitter ay masasabi nating naging isang malaking bahagi na rin ng buhay-blogger. Dito tayo nakakapag-tsismisan kung ano ang pinagkaka-abalahan ng bawat isa. Kaya naman naisipan kong ipunin ang ilan sa mga nakaaaliw at nagpangiti sa aking mga Twit ng ilan sa aking mga Twitterfriends...palatandaan na wala lang talaga ako maisip maisulat ngayon.

AileenApolo: i bumped into my crush on campus the other day... why oh why did i forget to take a photo with him??? grrrrrr...

hbmacale: hmm. really really sleepy after munching down some food. should i now believe that my past life, indeed, was of a pig?

slowbr0: Para akong bulag na hindi alam kung ano ang nasa harapan niya. AAAAAAAAAAAARGH!

fritzified: Mike is so fat, his picture can only be taken using wide angled cameras. I have nothing more, your honor.

lord_dracula: A cutie applicant just got out of the office. *sighs*

digitalfilipino: there are no social networks - as in theirs. but each one of us has. it is actually our own.

macmackie: turned my fon off 4awhile, wen i turnd it on dis 9am, 8 twits came in in just 3 seconds as if rushingly saying SUGOD MGA KAPATIIIID!!

fireyedboy: My name is Jep. I like anything in MongJolian bowls. and NerJs candy. I like the colors Jellow, Jrey and Jlack.

eilanna: kumusta naman ang magang mata?!

Naway walang magdemanda sa akin sa pagkopya ng kanilang mga updates. :D

Martes, Oktubre 30, 2007

Ang Pagbabalik.

Huwaw. Ako ay lubusang natutuwa sa mga mensaheng tumambad sa aking paningin nang muli kong buksan ang blog na ito, matapos ang isang buwan. Talaga namang nakatataba ng pusow. Maraming salamat. At nakatutuwa ang mga pagbabago sa PinoyBlogosphere ah. Pati ang Twitter ay nag-iba na rin pala ng porma. Ang galeng!

Anu-ano ba ang mga pinagkaabalahan ko ngayong buwan ng Oktubre? Hmmm...

Nakapagpahinga naman ako ng kaunti, at sa tingin ko ay sapat na 'yun. Nagsimula na rin ako sa aking pagtuturo at nakamamanghang malaman na kung dati-rati ay madali akong mairita at mainis kapag may mga makukulit na bata sa aking paligid, ngayon ay medyo nasasanay na akong habaan pa ang aking pasensya at pigilan ang aking sarili 'pag kasama ko sila.

Sa mga nagtatanong, hindi po ako guro sa elementarya, o sa hayskul, o sa kolehiyo. Ako po ay nagtuturo ng (ehem) pag-awit sa isang training school na ang pangalan ay matatagpuan ninyo dito sa aking blog kung kakalkalin niyo lang ang paligid nito.

Masaya na nakapapagod. Iba ang pakiramdam kapag nakaririnig ka ng magagandang komento mula sa mga estudyante at mga magulang nila. Para kang lumulutang at high sa efficacent oil dahil tuwa. Ikukuwento ko pa ang tungkol dito sa mga susunod na araw.

Ngayong buwan, ipinagdiwang ko rin ang pagsulpot ko sa mundong ito. Maraming salamat sa mga bumati, at dun sa mga hindi bumati - may balik rin 'yan sa inyo balang araw. :-P

Siyempre pa, gaya ng isang tradisyon, nagkaroon rin ako ng kakaibang sakit ngayong buwan. Kung noong Setyembre ay na-stroke ang aking kanang kamay, nagkaroon naman ako ng rashes sa buong katawan ngayong buwan na ito. Naging kamukha ko si "The Thing" ng Fantastic4 nang halos tatlong linggo. Hindi maaaring lumiban sa klase kaya ako ay todo longsleeve-turtle-neck with glasses ng mga araw na iyon. Talaga naman. Hindi na tuloy ako flawless at hindi ko na rin alam if Belo would still touch my skin. Nakikiusap ako sa kung sino man ang may kinalaman sa kababalaghang iyon na huwag mo na sanang maisipang muling balutin sa bread crumbs ang isang manika na may kaunting hibla ng aking buhok...please?

Ito lang naman ang mga highlights ng aking Oktubre at siyempre, ang mapanuod ng live ang isa sa aking mga idolo na si Erik Santos Babyface.

Ikaw? Anu-ano ang mga pangyayari sa iyong Oktubre na hinding-hindi mo malilimutan? Ha?

Biyernes, Setyembre 28, 2007

Pahinga


Ang buwan na ito ay talaga namang isa sa pinaka-nakapapagod na buwan para sa akin. Muntik ko nang 'di makayanan ang pagtatrabaho ng labing-walong oras kada araw. Muntik na rin akong mag-
collapse habang tumatawid sa footbridge. Kaya naman matapos ang ilang linggo na walang tulog (ito na nga ang aking naging theme song sa araw-araw) at ilang sakit na rin ang dumaan, nais kong ipaalam sa'yo na matiyagang bumabasa nito na ako ay magpapahinga muna pansamantala.

Babalik ang Lolo niyo anumang araw sa Oktubre. Maraming salamat po. Bow.




Lunes, Setyembre 24, 2007

Pisara

Babala: Ang kwentong ito ay aking isinulat sa panahong wala akong tulog at mayroong karamdamang iniinda. Patawarin niyo sana ang kababawan ng konteksto nito.

Halos mauntog ako sa aming kisame sa pagtalon dahil sa lubos na kagalakan nang ibili ako ng aking tatay ng maliit na pisara, noong ako ay musmos pa lamang. Palagian ko kasi siyang kinukulit kapag may naglalako nito sa tapat ng aming bahay. Tulad ng pangkaraniwang pambatang pisara, ang aking blackboard ay may mga titik ng alpabeto at mga numero sa lahat ng apat na gilid, may nakalarawang mga hayop, at laruang orasan sa itaas na kaliwang bahagi nito. Siyempre, kasama na rin sa set ni manong ang
pambura at makukulay na yeso.

Talagang hilig ko na kasi magtitser-titseran noon pa man. Kaysa magpatuloy sa pananakit ang ulo ng aking inay dahil sa pagbubura ng mga lectures ko sa aming pader, ay binilan na nga nila ako ng totoong pisara. Ipinagmalaki ko kaagad ito sa mga kalaro ko - ang aking mga estudyante. Kumpleto kami mula upuan hanggang sa mga papel at kuwaderno, mayroon din akong class-record at kasali rin sa laro pati pagpapa-iskuwat at pagpapa-face-the-wall, para gurong-guro talaga ang dating ko.

Iba't-ibang klase ng guro ang ating nakasama noong tayo ay nagsisipag-aral. Mayroong parang nanay o tatay mo lang, mayroon din namang nangangatog ang iyong tuhod sa tuwing kaharap mo sila dahil sa sobrang sungit - ang mga kontrabida ng buhay natin noon ika nga. May malakas ang boses na talaga namang nakakatakot. May napakahinang magsalita, na halos pisara na lang ang kausap. Nakakainis kapag ganoon 'di ba? Lalo na kung Math pa ang kanyang itinuturo na hindi mo na nga lalong maintindihan dahil sa pabulong niyang pagtalakay. Mayroon ding parang umuulan lang 'pag nagsasalita siya. Aba! libreng hilamos sa klase!

Kapag may libre, siyempre mayroon ding may bayad - mawawala ba naman ang mga gurong negosyante?! Sandwiches, Yakult, lapis at ballpen, pambura, pantasa, y
ema, espasol, chocolate crunchies, tosino, longganisa, at napakarami pang iba. Kung gusto mong magpasikat ay bumili ka lang sa kanila, tiyak na medyo tataas ang grado mo. Siguro ngayon, may mga guro ring nagbebenta ng cellphone load ano? Hmmm...

Bakit may mga guro na parang hindi tumatanda? Parang kung ano ang hitsura nila noon sa class picture niyo, ay ganoon din kapag nakasalubong mo sila sa kalsada? Pansin mo? Who touches their skin kaya?

Talagang malaki ang naging impluwensya ng mga guro sa ating buhay. Kadikit o hindi man natin masyadong nakasama ang ilan sa kanila ng pangmatalagan (maliban na lang kung paulit-ulit ka sa ilang baytang), talagang nag-iiwan sila ng marka sa ating puso't isipan. Naks!

Naisip ko lang ang tungkol sa pagtuturo at mga guro, dahil ilang araw mula ngayon, magkakaroon muli ako ng pisara. Hindi nga lang katulad ng dati na maliit, kulay berde at may mga kung anu-ano sa gilid. Mas malaki ito ngayon, kulay puti, at mas makinis.

Magka-iba man ang mga katangian ng dalawang pisarang ito, iisa lang ang kanilang layunin - ang maging daan upang madaling maibahagi ang mga produkto ng aking kaisipan na walang bahid ng kung ano sa mga estudyante. Ngayon ako mas lalong naniwala na kung may nais kang abutin, tumungtong ka lang sa silya magtiwala ka lang talaga...

...kaso, ano kaya ang magandang ibenta?


Huwebes, Setyembre 13, 2007

Naisip ko lang...

Bakit ba 'pag may isang bagay na madali lang para sa ating gawin, sinasabi nating "Sisiw lang 'yan!".

Bakit "sisiw"?

'Di ba pwedeng "itik"?



Ang iba naman "Maning-mani lang 'yan!" ang sinasabi.

Bakit "mani"?

'Di ba pwedeng "pasas"?


Linggo, Setyembre 2, 2007

Buhay Empleyado: Kaya Mo Pa Ba? Ha?

Isinulat ko ang sumusunod na kwento noong ika-17 ng Hunyo, taong kasalakuyan. Nakamamangha na habang binabasa ko ito ngayon matapos ang dalawang buwan at labing-anim na araw, may ilan sa aking mga katanungan noon ay nasasagot ko na ngayon. Ang ibang kasagutan ko naman noon ay iba na sa mga kasagutan ko ngayon.

"Sa wakas! Tapos na naman ang isang linggo ng pagpapanggap bilang isang aliping-sagigilid sa opisina. Yep, ganito pa rin naman ang eksena hanggang ngayon. Nakapapagod man ang mga nagdaang araw, mas mabuti na iyon kaysa tumambay sa kanto at magpaka-busy sa pagbibilang ng mga kawad ng kuryente ng Meralco. Apir tayo d'yan!

Maraming beses ko na rin naisipan na umalis sa aking kasalukuyang trabaho. Uhuh. Ano nga ba ang mga bagay-bagay na dapat timbangin upang malaman mo na talagang kailangan mo nang lisanin ang iyong pinapasukan? Ang mga sumusunod ay ang mga itinatanong ko sa aking sarili kapag ako ay naaaning-aning tungkol sa trabaho:

1.) Masaya ka pa ba? Hmmm. Para sa akin, napakahalaga na nag-eenjoy ka sa iyong ginagawa, at siyempre, sa iyong mga kasama. Tama, tama. Napakahirap manatili sa isang lugar kung saan hindi ka na tumatawa, hindi ka na ngumingiti, at hindi mo na kasundo ang iyong mga katrabaho. Korekek. Malalaman mo na hindi ka na masaya kung sa bawat araw na papasok ka ay hindi ka na excited, Excited pa rin naman. tinatamad ka nang bumangon sa iyong pagkakahiga, Medyo. at mukha ka ng eighty-two. Mali ka dito, eighty-one lang. Kung ang oras sa opisina ay sadyang napakabagal na para sa iyo, at hindi mo na mahintay ang lunchbreak, miryenda at uwian. Tama, tama ka ulit. Bakit mo pa ipagpapatuloy gawin ang isang bagay kung hindi ka na masaya rito? Adik ka ba? Oo. Masaya pa rin naman ako - sa mga katrabaho, lalo na sa aking mga kagrupo. Sila na lamang ang dahilan kung bakit nagpapatuloy pa ako gayung kung ibabase ang kasiyahan sa ginagawa kong trabaho, marahil ay "Hindi na." ang aking maisasagot. Malaki ang pasasalamat ko sa kanila sa pagtanggap, at patuloy na pag-unawa nila sa akin. Tissue! Tissue!

2.) Anu-ano nga ba ang mga dahilan kung bakit gusto mong umalis? Naliliitan ka ba sa iyong kinikita? Hindi naman. Sa tingin mo ba ay dapat mas mataas ang iyong sweldo dahil mahirap ang iyong trabaho? Hindi naman rin. Ang mga benepisyo ba ng iyong opisina ay sadyang hindi mo nararamdaman? Medyo? Malayo ba ang iyong opisina at nahihirapan ka nang makipagsipaan sa mga pasahero sa MRT at LRT? Hindi rin. O baka naman mahirap ang schedule mo? Nahuli mo parekoy! Madumi ba ang inyong pantry? Bwahaha. Pasaway ba ang mga utility at hindi nila nililinis ang pwesto mo? Eksakto! May mga ka-opisina ka ba na walang ibang ginawa kundi siraan ka at sabihin sa iyong boss na hindi ka naliligo? Ah, 'yan ang wala. Sa laki kong 'to? Takot lang nila.

Kung tumango ka sa lahat ng ito ay dapat ka na ngang umalis diyan kung...Ayun na nga...

3.) May lilipatan ka na ba? Oo. Napaka-hirap umalis sa isang trabaho kung wala ka pa namang lilipatan, maliban na lang kung trip mong maging isang ganap na mangga at magpapakaburo ka sa inyong bahay. Meron na nga. Maaari kang magbakasyon sandali upang makapag-relax ngunit kahit ito ay nakaka-inip rin, lalo na kung nasanay ka na maraming ginagawa palagi. Korekted bay. Tandaan mo na walang opisinang perpekto. Okay. Sa umpisa lang. Kokey. Makikita mo rin ang mga pagkukulang nito pagtagal-tagal. Ganun? Nasa sa iyo ang paraan upang maging perpekto ang iyong trabaho sa paningin mo. Paano? Banggitin ang "Ang ganda-ganda ng trabaho ko!" ng isang daang beses araw-araw, ngunit hindi rin ito makakatulong. Korni. Mayroon nang (ata) naghihintay sa akin. Napakalaki ng porsyento na ako ay magsisimula na sa aking bagong papasukan anumang araw ngayong buwan na ito. Ngunit gagampanan ko pa rin ang aking mga tungkulin, hanggang sa maipasa ko na lahat ito sa aking mga maiiwanan, o mauulila? Huwag po! Huwag po!

'Yan ang mga importanteng katanungan (sa aking palagay) na dapat mong isipin bago ka magdesisyon na umalis sa iyong trabaho. Salamat, salamat. Sinagot ko ang lahat ng iyan at pagkatapos, tinimbang ang mga bagay-bagay. Ako ay nagdesisyon na manatili MUNA sa aking trabaho. Hanggang matapos ang buwang ito. Bakit? Buburahin ko pa lahat ng mga nilagay ko sa PC. Bukod sa mag-iisang taon na ako dito (Batiin niyo ko, dali!), at madali lang ang byahe ko papunta sa opisina, ay masaya pa rin ako sa aking trabaho, Hindi na ata. at mga katrabaho Eto pwede pa. Mahalaga iyon' para sa akin. Sa akin rin, 'kala mo sa'yo lang? Kahit na laging sira ang elevator, at muntik na akong pumanaw kanina lamang dahil biglang bumagsak ang wallfan sa aking ulunan, nag-eenjoy pa rin ang lolo niyo...ngunit kailangan nating maging bukas sa mga oportunidad na dumarating sa ating buhay. Ayon nga kay pareng Lex Luthor - "There is nothing worse than a missed opportunity.".

Itutuloy...


Linggo, Agosto 26, 2007

Huli Man Daw at Magaling

...naipo-post pa rin.

Noong nakaraang Huwebes, naramdaman ko na naman na ako ay isa na ngang ganap na
blogger. Dumalo kasi ang Lolo niyo sa Taste Asia 2 - isang pagtitipon na pakana ni Bb. Aileen Apolo. Medyo pagod na ako nun, alas-sais pa lang kasi ng umaga ay nasa trabaho na ako. Kaya 'yun, medyo expired na ako pagdating sa Mall of Asia (sana hindi masyadong nahalata).


Syempre pa, umandar na naman ang pagka-aning-aning ng Lolo niyo at nagkandaligaw-ligaw sa paghahanap sa Taste Asia. Matapos ang ilang minutong alay-lakad, natagpuan ko rin ang venue - maling venue. Ilang minuto na rin akong nakaupo habang nagtataka kung bakit walang katao-tao sa Taste Asia na aking kinaroroonan samantalang halos alas-otso na ng gabi. Ayun pala naman, ang blogger party pala ay nasa bandang likuran pa. Toinkz!

Anyways
, binabati ko ang mga nagwagi sa SM Hypermarket Blog Writing Contest (mula sa An Apple a Day) -

Grand Prize (trip for 2 to Kuala Lumpur) - Anitokid

1st Runner Up (Sanyo digital camera) - Anton Diaz

Mga nagsipag-uwi ng DVD Player: Ganns Dean, Butch Dado, Annabelle Caloschoy

At Nike Sunglasses Olivia Burgos, Nikki, Rowena Wendy Lei, Myrna Co, Dine Racoma

Syempre, hindi ako papahuli. Nanalo rin ang Lolo niyo ng sandamakmak na Knorr Corn Soup.

Ang ilang bloggers na aking nakadaupang-palad ay sina Arbet, Jeff, Jake, Jehzeel, Karlo, Marc, at marami pang iba. Pasensya na at medyo mahina na ang memorya ng Lolo niyo. At pinabubulaanan ko rin ang "Suplado" isyu. Mayroon kasing mga nagsabi sa akin na inisnab ko raw sila sa pagtitipon. Hindi po ito totoo. Pasensya na po at sadyang 'di lang talaga ako sanay na makipagsalamuha sa maraming tao, lalung-lalo na at pangalawang beses ko pa lamang dumalo sa ganitong klaseng pagtitipon. 'Yaan niyo, sa Taste Asia 11 siguro ay sanay na sanay na ako nun!


At yeah, kung may napansin kayong nilalang na uubo-ubo sa gilid, ako nga 'yun. Sa unang pagkakataon kasi, sa pamimilit ng aking kakosa, ay kumain ako ng tahong.

Narito pa ang ibang naka-aaliw na mga kwento tungkol sa salu-salong ito: (mula sa An Apple a Day)

Paul's Blog
Touched by an Angel
Pinoy Food Photoblog
Laurganism
Bakla Ako, May Reklamo
Manuel Viloria
The Lonely Vampire Chronicles (live blog)
The Lonely Vampire Chronicles (retrospective)
Geeky Guide to Nearly Everything
Takbo! (sa wakas ng pagkatuliro)
Macuha.com
Utakgago
Magikel
Dax's Site
Ganns Deen
Roaming Around with Romela
Cliquebooth
Real People / Real Style (girls)
Real People / Real Style (boys)
Pinoy Moms Network
Teacher Julie
Atheista.net
Abuggedlife.com
Justwandering.org
Jehzlau Concepts
Prudence and Madness
Refineme.org
Scrooch Chronicles
AnitoKid
Mike Villar: Rising Internet Star
TJ Cafuir
Loida de Vera
Mon's World
The Four Eyed Journal
The Disastrous Urban Primadonna
Pinoymoneytalk.com
Pinoy Blog Machine
SM Hypermarket
Byahilo
Tainted Song
Bababa ba?
Half the World Away
Noisy Noisy Man
Chickenmafia.com
Penny for Your Thoughts
Lastleaf.org
Baratillo.net
Angel's Sentiments
I. Am. Chef.
iMom
The Parody
Sexy Nomad
Fritzified.com
Our Awesome Planet
Twaddle Walker

Napagtanto ko na sobrang dami pa talagang bloggers ang hindi ko pa nakikilala. Haaaay...

Muli, binabati ko ang mga tao sa likod ng kasiyahang ito, at maraming salamat rin sa mga sponsors lalo na sa Cliquebooth para sa piktyur piktyur! Yeahey! Hanggang sa muli! More! More! Abusuhin na 'yan!

Linggo, Agosto 19, 2007

Baha

Matapos dumaan ang ilang bagyo, ang aming bayan ay talaga namang naging isang ganap na anyo ng tubig magpasahanggang ngayon (kulang na lamang ay makakita ako ng mga signs at makarinig ng isang umaalingawngaw na boses na nagsasabing gumawa ako ng isang arko), at sa tingin ko ay ilang araw pa ang aming palilipasin bago namin muling makita ang mga humps sa kalsada. Isa na itong nakasanayang eksena at hindi na ata mababago pa. Kung mabago man, ay matatagalan pa siguro.

Napalilibutan ng mga ilog at palaisdaan ang aming bayan, kaya kapag umulan ng tuloy-tuloy ng ilang araw, asahan mo na matatagalan pa bago mo masilayang muli ang kalsada.

Maraming disadvantages kapag baha. Nandiyan na ang kawalan ng mga pampasaherong sasakyan. Katwiran kasi ng mga drayber ay mas malaki pa ang kanila gagastusin sa pagpapagawa kaysa sa kanilang kikitain. Kung may bumiyahe man, asahang kundi doble, ay triple ang ibabayad mo. Ako ay halos hindi na makapasok kapag ganoong baha. Swerte ka na kapag nakatyempo ka ng trak - yeah, trak na karaniwang naglululan ng mga graba at buhangin. Wala pa naman akong nakitang trak ng basura. Kung minsan, mga bangka na mismo ang makikita mo sa mga kalsada. Exciting 'di ba?

Walang hanggang baha

Kung mababa ang inyong bahay at inabot ito ng baha, naku nakatatamad kumilos. Sa dati naming bahay na walang itaas o 2nd floor, talaga namang napakasaklap ng mga pangyayari kapag bumabaha. Naranasan ko na na pagkagising ko at pagbaba ng paa ko galing sa kama, nagulat na lamang ako ng maramdamang nabasa ako, pinasok na pala kami ng tubig nang hindi namin namamalayan. Good morning 'di ba? At syempre pa, paghupa ng baha, parusa rin ang paglilinis ng bahay. At talaga namang nakangangalay sa braso ang paglilimas. Madali rin masisira ang mga kagamitan sa bahay. Nasaksihan ko kung paanong lumutang ang aming sofa noong bata ako. Ang ilan sa aming mga kapitbahay ay natutulog sa kanilang bubungan. Nakalulungkot.

Pero siyempre may mga advantages rin naman kapag baha. Unang-una na, may instant swimming pool ang mga tsikiting. Noong bata pa ang Lolo niyo, ilang beses rin ako naligo sa baha sa loob ng bahay namin. Hindi sa kalsada dahil takot akong mahulog sa kanal at maging ala-ala na lamang. Umaabot kasi ng
hanggang baywang ang lalim ng baha sa bahay namin kaya ang saya saya namin ng kapatid ko. Hindi kami pinapayagan ng aming inay kaya sikwet lang namin. Pero nabuking rin kami matapos niyang makita ang mga talsik ng tubig sa aming kisame - katitimbol at kaka-dive siguro namin kaya ayun.

Dahil nga sa napaliligiran kami ng mga palaisdaan, kapag umapaw ang mga ito o napigtas ang mga pilapil, instant ulam ang asahan niyo. Bangus, tilapia, hipon at kahit mga sugpo, lahat ng ito ay mahuhuli mo sa'yong sala. Galeng no? Lugi nga lang ang mga namamalaisdaan.

Pero kahit binabaha ang aming bayan, marami pa rin ang mas pinipiling manatili rito. Iba pa rin kasi kapag nandun ka sa kinalakihan mong lugar. Masaya naman kahit ganoon, lalo na kapag piyesta - ang bayan na mistulang resort kapag tag-ulan ay nagiging malaking dancefloor naman kapag Mayo!

Ispiking op baha, alam niyo ba na ang bota o ang tinatawag na Wellington boots ay unang isinuot at pinasikat ni Arthur Wellesley, ang unang duke ng Wellington? Ginamit niya ito
noong 1900's hindi bilang panlusong sa baha, kundi bilang pamporma! Aba! Ito kaya ang gamitin ko sa blogger-event ngayong Huwebes?

Anong event kamo? Walang iba kundi ang tinaguriang pinakamalaking blogger party ng taon na gaganapin sa Taste Asia sa SM Mall of Asia, sa ganap na alas-siyete y medya ng gabi. Magparehistro ka na dito para makapunta ka at pwede ka pang magsama ng isa mong kaibigan! Dali na! Para makita mo ang botang isusuot ko!

Sabado, Agosto 18, 2007

Gigil

Ang kwento kong ito ay hindi patungkol sa isang uri ng pelikula gaya ng iniisip mo.

Kung naglibot-libot ka sa PinoyBlogosphere noong mga nakaraang araw, paniguradong napansin mo na may isang kontrabida na pinanggigi-gilan ng sangkatauhan. Tama! Siya na nga ang tinutukoy ng Lolo mo. Ang mapanlait na nilalang na ang pangalan ay 'di ko kailanman babanggitin o itatayp man lamang. Hindi ko lubos maisip kung paanong ang isang Pilipino ay ganoon na lamang kung hamakin ang kanyang mga kapwa Pilipino (OFW's pa, tsk!), na wala namang ginagawang masama sa kanya. Ewan ko. Siguro kasi may mga kaibigan at kamag-anak ako na OFW kaya hindi ko maiwasang mainis sa mga isinulat niya. Pero syempre, bilang isang Pilipino, talagang maaasar ka. Ate (ewww), mangilabot ka nga sa iyong sarilli. Hindi mo kailanman maaaring ipagkaila at baguhin ang katotohanan na ikaw ay isang Pilipino kahit ilang imported na kagamitan pa ang ibaon mo sa iyong katawan. Kung ayaw mo sa amin, mas ayaw namin sa'yo! Para masuksok sa iyong kaisipan na ang dugong nananalantay sa iyong 'di kagandahang pangangatawan ay dugong Pilipino, narito ang mga dapat gawin sa'yo:

- pagapangin papanhik at pababa ng Banaue Rice Terraces
- ihulog mula sa itaas ng Mt. Apo
- ipakiliti sa isang daang Tarsiers
- padaganan sa limampung butanding
- paglaruan na parang pinball sa Chocolate Hills
- sigawan ni Regine Velasquez ng "I Don't Wanna Miss a Theeeeng..." sa tenga
- ipakain sa Monkey-eating eagle
- pagulungin mula sa crater ng bulkang Mayon
- tadtarin ng itak at buhusan ng patis pagkatapos
- ipahalik sa mga dugong
- ipabugbog kay Manny Pacquiao
- ipakagat sa Philippine Crocodile
- tuhugin ng sungay ng mga Tamaraw
- ipatuka ang mga mata sa mga Kalaw
- punuuin ng Sampaguita ang butas ng ilong
- batuhin ng white sands ng Boracay
- palu-paluin ng tako ni Efren "Bata" Reyes
- lunurin at ilublob sa bagoong

'Yan pa lamang ang mga naiisip kong epektibong mga paraan upang mapanatili sa 'yong kokote (kung mayroon man) ang pagka-Pilipino.

Saka may payo nga pala ako sa nilalang na ito: Hindi ba sosyal ka at ubod ng yaman? Bumili ka na lang ng sarili mong eroplano sa susunod na magbiyahe ka para hindi natatalo ng amoy ng Axe ang amoy ng mamahalin mong pabango. Hmmm...Can't afford ba?! Eroplano lang eh! Kaya mo 'yan!

Ano nga ulit 'un? Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa saan? Saka ang hindi marunong lumingon sa pinang-galingan ay ano?

Alam ko mas marami pang mahahalagang isyu ang bansa na 'to na dapat nating bigyang pansin, pero 'di ba ang malaking problema ay nagsisimula sa maliit? At talaga namang sila ay nakapupuwing.

At yeah, this is a funny article too. Gets?

Basahin ang buong istorya tungkol rito.

Miyerkules, Agosto 15, 2007

Ang Yosi-Girl

Isa na namang ordinaryong (akala ko lang) paglalakbay papuntang opisina lulan ng isang jeepney. Malamig ang gabi. May kaunting hamog. Masarap ang simoy ng hangin. Ayos na ayos ang aking pwesto - sa may bintana. Medyo napapakanta pa ako habang bumabiyahe. Hindi naman gaanong puno ang sasakyan, marahil dahil lumalalim na ang gabi. Perpektong perpekto ang bawat sandali hanggang sa sumakay ang isang babae. Bata pa siya. Katamtaman ang katawan. Morena. Maayos at nakapusod ang kanyang buhok. Naka-make-up. Pormal ang kanyang kasuotan. Siguro ay galing siya sa trabaho, o sa paghahanap ng trabaho. Umupo siya sa aking tabi. Sa kanan ko. Sa kanang bahagi ng jeep ang aming pwesto (kung titingnan mula sa estribo o likuran ng jeep) kaya nakatalikod siya sa akin at nakaharap naman ako sa kanyang likuran. Gawi ko na kasi ang dumungaw sa bintana habang bumabiyahe. Normal naman ang sitwasyon hanggang sa may dinukot siya sa kanyang bag. Sigarilyo at lighter! O hinde! Nagsindi siya. Humithit. Bumuga. Lahat ng usok ay pumunta sa aking mukha. Ang mga abo ay dumikit sa aking polo shirt at sa aking kulay itim na bag. Nagsalubong ang aking kilay. Nabalot ako ng inis. Gusto ko siyang kalabitin at pagsabihan ngunit sa tingin ko, siya ang tipo ng babae na magsisigaw at mageeskandalo, kagaya ng pageeskandalo ng kaniyang tagihawat na humihiyaw ng "Paputok na 'ko!". Naubo ako nang hindi ko sinasadya. Lumingon siya sa akin, sabay irap! Hithit at buga ulit. Matapos ang halos kalahating oras ng pagtitiis, pumara na siya. Habang pababa, hindi ko alam kung sinadya niya ang pagtapak sa aking kaliwang paa sa kanyang pagdaan. Pinigilan ko ang aking sarili. Naniniwala ako na sa mga ganitong pagkakataon ko mapapatunayan ang halaga ng diplomatikong pagturing sa mga taong pasaway kagaya niya - na itatago ko sa pangalang Hellena. Hindi ko nasabi ang mga nais kong sabihin, kaya narito na lang ang aking ginawang liham para sa kanya:

Dear Hellena,

Isang mausok na gabi sa'yo. Ako ay lubos na nalulungkot sapagkat hindi naging maganda ang ating naging engkwentro sa jeepney kanina. Ngunit may karapatan naman siguro ako na mainis nang magsimula kang manigarilyo sa aking tabi, 'di ba? Ang usok na iyong ibinubuga ay dumidiretso sa aking kyut na kyut na mukha. Ang mga abo na iyong ikinalat ay nagmarka sa aking kulay itim na bag. Oo, ito ay magsisilbing marka ng mapait at mausok na ala-ala mo. Hindi mo ba alam na bawal ang iyong ginagawa dahil nasa pampublikong sasakyan ka? Hindi mo ba kami naisip? Ang iyong mga kasakay? Ang sanggol na ating kasakay? Hindi mo ba kayang pigilan man lamang ang tawag ng iyong baga kahit panandalian lamang? Naubo ako, totoo 'yun at hindi para magpapansin sa'yo. Bakit mo 'ko inirapan? Hindi ba dapat ako ang dumukot sa mga mata mo? At gawing ashtray ang mga ito? Bakit mo inapakan ang aking paa? Hindi mo ba alam na kalalaba lang ng aking rubber shoes? Sana naging masaya ka sa mga ginawa mo. Sana hindi ka makatyempo ng iyong katapat. Sana sa susunod na magyosi ka ulit sa jeep, kasing bait at kasing gwapo ko rin ang iyong makakatabi. Kyut ka rin sana, kaya lang manhid ka at walang pakisama. At dahil diyan, 'di kita bati!!


Always,

Lolo

P.S.
Sa susunod na mang-iirap ka, siguraduhin mong wala ka ng muta.


Paglilinaw: Hindi ko kinukutya ang mga taong naninigarilyo. Walang masamang tinapay sa akin ang mga taong ito. Ang punto ko lamang rito ay may kakambal na responsibilidad ang lahat ng bagay na ating nais gawin, lalung-lalo na kung gagawin ito sa mga pampublikong lugar, o sasakyan. Sana ay huwag natin isantabi ang kapakanan ng nakararami para lamang sa ating mga pansariling kagustuhan...please?


Miyerkules, Agosto 8, 2007

Pinagterno Mo Ngunit 'di (raw) Dapat

Puto at dinuguan.

Ispageti at prayd tsiken.

Kare-kare at bagoong.

Ilan lamang 'yan sa mga magkakaternong pagkain na karaniwan na nating nakikita sa mga hapag-kainan. Pero hindi ba't nakasasawa rin minsan 'pag palagiang sila ang magkakapakner? Maganda ring mag-eksperimento paminsan-minsan 'di ba? Anu-ano nga ba ang mga kakaiba nating kombo ng mga pagkain? Hmmm...

Ang mga ulam na karaniwang isinasaw sa patis gaya ng sinigang, nilaga, at menudo ay aking isinasawsaw sa toyo. Ito siguro ang sanhi ng aking pagkakaaning-aning paminsan-minsan.

Ang hilaw na mangga naman ay palagian kong isinasawsaw sa patis na may asin. Bakit ko pa raw nilalagyan ng asin gayung maalat na ang patis? Hindi ko rin alam ang kasagutan. 'Yun na kasi ang nakalakihan kong istayl sa bahay.

Kung ang iba, sa ketchup isinasawsaw ang pritong isda, ako naman ay sa suka at toyo.

Nasubukan mo na ba ang tandem ng kanin at kape? Nitong nakaraang linggo lamang, isa sa aking mga apo ay nagbunyag sa madla na siya raw ay kumakain ng kanin na sinabawan ng kape. Hmmm...ano kaya ang lasa nito? Kailangan bang lagyan rin ng creamer o mas masarap kapag black coffee lang ang gagamitin? Pwede rin kaya itong gawin sa sinangag? At frap ng Starbucks ang iyong ihahalo?

At napag-alaman ko rin ngayon lang mismo na ang gatas ay maaari rin daw isabaw sa kanin!

May naringgan naman ako na ang mga sitserya ay ipinapalaman niya sa tinapay! Naku! Siguradong anong lutong ng bawat pagkagat mo hindi ba? At ang iba naman ay ibinababad ang mga junk foods sa suka. Ang galeng!

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin nasusubukang kumain ng sorbetes na ipinalaman sa tinapay. Parang nakangingilo kasi kung titingnan pa lamang.

Narito pa ang ilang nakababaliw na food-pakners na aking nahagilap sa aking pagtatanung-tanong:

- brownies na nilagyan ng asin sa ibabaw
- french fries na isinasawsaw naman sa sundae ng Jollibee o McDonald's
- kanin na hinaluan ng ketchup
- kanin na hinaluan ng mayonnaise
- kanin na hinaluan ng yogurt
- spaghetti na hinaluan ng mayonnaise
- Chips Ahoy! cookies at salsa na sawsawan
- waffles na idinidip sa ice cream
- beer at M&M's
- popcorn at ketchup

Huwaaat? Nakaaaliw talaga! Kakaiba, at medyo nakakaumay ring isipin pero naniniwala ako na ang bawat nilalang dito sa mundo ay may kanya-kanyang trip pagdating sa pagkain. Wala naman sigurong masama dahil ang mahalaga ay nasa-satisfy mo ang iyong cravings ika nga, kahit na nakanguwi ang iyong kasabay kumain dahil hindi niya magets ang ginagawa mo sa iyong pagkain.

O pa'no? Kainan na!