Lunes, Pebrero 4, 2008

Pait

Sampung araw mula ngayon, sasapit na naman ang isa sa pinaka-korning araw ng taon. Ang araw na ipinagdiriwang ng dalawang taong walang ibang magawa kundi ang makipaglokohan sa isa't-isa. Hmmmm...talaga namang isang bugtong para sa aking isipan kung paanong nakatitiis sila sa kanilang kaawa-awang sitwasyon.

Talaga palang napakaswerte ko at ako'y isang malayang nilalang. Hindi ko na kailangan pang paghandaan ang nakadidiring araw na iyon. Iwas ako sa mga gastusan kagaya ng pag-kain sa labas, panunuod ng pelikula, at pagbili ng mga regalo. Maiiwas ko rin ang aking sarili mula sa isang napaka-jologs na pangyayari na kung saan pinagtitinginan ka ng mga tao sapagkat may dala-dala kang sangdamakmak na bulaklak.

Kung ikaw na nagbabasa nito ay makararanas ng aking mga nasambit, ikinalulungkot kong sabihin sa'yo kaibigan na nasa madilim na yugto ka ng iyong buhay.

Hayaan mo at isasama ko sa aking mga panalangin na sana ay matapos na ang iyong paghihirap, upang maranasan mo na rin sa wakas ang kaginhawaan ng loob na tinatamasa ko ngayon.

Naway magkahiwalay na rin kayo sa lalong madaling panahon!