Linggo, Hulyo 22, 2007

Blangkong Pag-iisip

Minsan, dumarating sa buhay ng isang manunulat o ng isang blogger ang isang pagkakataon kung saan wala siyang maisip na maisulat. Pagkagising niya na lang isang umaga, hindi na niya magawang makapagsulat. Gaya ngayon, kanina pa ako nakikipagtitigan sa monitor ngunit wala pa rin akong paksang maisip. Ang sitwasyong ito ay tinatawag na "Writer's Block". Alam niyo ba na may mga kaso kung saan tumatagal ito ng ilang buwan, at maaari ring bumilang ng mga taon?

Kaya ako naman ay nagsaliksik upang alamin kung ano nga ba ang mga dahilan ng "Writer's Block" at anu-ano ang mga paraan upang makaalis tayo sa sitwasyong ito.

Ang isa sa itinuturing na sanhi nito ay ang sobrang pagpuwersa sa iyong sarili na makapagsulat. Umuupo ka sa harap ng iyong kompyuter o ng isang papel, at sinasabi mo sa iyong sarili na "Kailangan may maisulat ako." Ang 'yong isip, imbis na magkaroon ng malawak na pang-unawa sa mga bagay-bagay, at makapagbigay ng magagandang ideya, ay nakakapag-focus lamang sa iyong kagustuhan na makapagsulat.

Ang pagiging perfectionist o self-conscious ay isa rin sa mga dahilan kung bakit hindi ka makapagsulat. May naisip ka ng ideya, o tapos na ang iyong draft ngunit sa tingin mo ay hindi ito sapat, o hindi ito pasado sa iyong "standards" ika nga. Masyado mong iniisip na kailangan maging maganda ang kalabasan ng iyong isusulat at kailangan maging perpekto ito.

Pagsusulat tungkol sa mga bagay na kailangan mong isulat, imbis na tungkol sa mga bagay na gusto mong isulat. Habang bumibisita ka sa mga blogs, o nagbabasa ng mga sulatin ng ibang tao, napansin mo na may mga bagay na kumbaga ay ang trend o uso sa ngayon at pakiramdam mo ay kailangang sumulat ka rin tungkol rito. Ang resulta, pinupuwersa mo ang iyong sarili sa isang bagay na hindi mo naman talaga gusto, o hindi ka naman talaga interesado kaya hindi mo ito tuluyang magawa.

Kawalan ng tiwala sa sarili. Kung sa tingin mo ay hindi mo naaabot ang mga expectations mo sa iyong sarili, at imposible na para sa iyo ang makabawi, hindi malayong mawala ang iyong tiwala sa sarili. Magmumukmok ka na lamang sa isang sulok at iisiping huwag na lang ituloy ang nasimulan mo nang pagsusulat sapagkat para sa'yo, hindi mo na kaya at wala naman rin itong patutunguhan.

Sobrang pagod. Sa sobrang dami ng iyong ginagawa sa araw-araw, ang isang bagay na dapat maging isang paraan ng pagre-relax o paglilibang gaya ng pagsusulat ay nagiging isang mabigat na gawain na rin para sa'yo. Iniisip mo na wala ka ng oras para rito, bagkus ay magpapahinga ka na lamang.

Iniisip mo na wala kang maisulat pero mayroon naman talaga at hindi mo pa lang ito napapansin at nabibigyan ng sapat na atensiyon. Akala mo lang wala, pero meron! Meron! Meron!

Sobrang kalungkutan at kawalan ng inspirasyon. Maaaring may mga bagong kaganapan sa iyong buhay na masyado mong dinaramdam kaya ka nagkakaganyan -naghiwalay kayo ng iyong sinisinta, nawalan ka ng trabaho, o pumanaw ang isang kaibigan o kapamilya. Ang mga ganitong sitwasyon na hindi mo inaasahan ay lubusang makaaapekto sa iyong abilidad na makapagsulat.

Pero ano nga ba ang mga dapat mong gawin upang masolusyunan ang problema mong ito?

Una, huwag isiping magsusulat ka dahil kailangan mo - isipin mong ginagawa mo ang bagay na ito dahil gusto mo.

Enjoy-in mo ang proseso ng pagsusulat. Isipin mong naglalaro ka. Huwag masyadong seryoso, kahit na ang paksang iyong tinatalakay ay isang seryosong bagay. Huwag mo itong ituring na trabaho. Ang iyong imahinasyon ay hindi makakakilos kung masyadong stiff ang iyong pag-iisip.

Ilagay ang iyong sarili bilang reader imbis na isang writer. Kung gagawin mo ito, malalaman mo kung tungkol ba sa anong bagay ang nais mong mabasa ngayon, at ito ang iyong simulang isulat.

Tanggapin sa iyong sarili na hindi mo magagawang makapagsulat ng perpekto sa lahat ng oras. Hindi man perpekto para sa'yo kung ano man ang nagawa mo sa isang pagkakataon, ngunit sa ibang tao, o sa mga makababasa nito, ay katanggap-tanggap na ito. Kapag ito ay iyong isina-isip, at tinanggap mo ito, magkakaroon lagi ng lugar para sa improvement sa iyong sarili.

Magsulat tungkol sa mga bagay at paraang gusto mo at hindi dahil ito ang uso. Ang bawat manunulat ay may kanya-kanyang paraan ng pagsusulat. May kanya-kanyang paraan upang ipahayag ang sarili. Tuklasin mo kung saan ka pinakakomportable at dito magsisimula ang iyong creativity. Hindi maaaring mangopya ka dahil iyon ang napapanahon. Tandaan na ang bawat sulating iyong ginagawa, at kung paano mo ito nilikha ay representasyon ng iyong pagkatao. Hindi ito maaaring makopya, o gayahin ng sino man.

Isa-isip na ano man ang iyong emosyon, ay maaaring makatulong sa iyong pagsusulat. Ang sobrang kalungkutan ay hindi hadlang upang ikaw ay hindi makapagsulat. Sa katunayan, may mga manunulat na mas ginaganahan makapagsulat kung sila ay depressed. Isang malaking patunay ang mga awiting makapagdamdamin, at mga pelikulang drama na itinuturing nating mga obra. Kung matututunan mong gawing instrumento ang iyong mga emosyon, at dito ka huhugot ng inspirasyon, may masusulat at masusulat ka ano man ang iyong nararamdaman.

Ibahin ang iyong environment. Kung matapos ang ilang oras at wala ka pa ring nasisimulang isulat, lumabas ka ng iyong kwarto o ng bahay. Maglakad-lakad at mamasyal. Makipag-usap sa mga kaibigan. Huwag magkulong sa isang lugar. May psychological effect ito na makakatulong upang palawakin ang iyong imahinasyon.

Tandaan na ang isang bagay na iyong nasimulan, ay kayang-kaya mo ring tapusin. Huwag mawawalan ng tiwala sa sarili. Alalahanin ang iyong mga mambabasa, kahit pa dalawa lang ito. Humugot ng lakas ng loob sa kanila at sa mga taong nagmamahal at nakapaligid sa iyo. Lahat ng bagay na iyong naiisip gawin ay magagawa mo kung magtitiwala kang kaya mo nga itong gawin.

At panghuli, mahalin ang lahat ng bagay na iyong ginagawa. Bakit kamo? Wala lang, parang magandang panghuling pananalita ito eh, hindi ba?

Subscribe in a reader

16 (na) komento:

  1. Haha!

    Ano ba yan, guilty ako sa maraming bagay dito. LOL. Una na dun ay yung pagiging perfectionist. Nakakahiya kasi sa aking mga readers kung walang consistency sa aking mga sinusulat.

    Pati na rin ang pagod at kawalan ng inspirasyon. Wah! Baka kailangan ko lang ng lovelife. Wahahahaha!

    TumugonBurahin
  2. Kay Jhed: LOL. Huwag masyadong conscious apo dahil natural na sa iyo ang pagiging isang writer. Walang effort na kailangan. ;P

    Lovelife? Naku 'di kita matutulungan diyan, bokya din ang lolo mo eh. Haha

    TumugonBurahin
  3. minsan naman simpleng katamaran na lang ang dahilan pero hindi na "writer's block" and tawag dun.

    naaalala ko pa nung kelangan ko magsulat para pumasa o para may maisubmit sa tamang oras, nakakabagot magsulat. "there's no rushing inspiration," sabi nga nila.

    ang madalas kong gawain ay nirerecord ko ang aking mga opinion o ideyang sa tingin ko'y nakakatawa o kapansin pansin o 'di kaya'y kabagabagabag na pwedeng "read worthy." ginagawa ko ito para makapag sulat ng mga bukod tanging kwento o tula hango mismo saaking mga karanasan na di hamak na masmadali kaysa sa wala kang paghuhugutan.

    kaya kung mawawala o maubusan ng memory space ang aking cellphone, matatagalan pa bago ako makapagsulat.

    TumugonBurahin
  4. Sobrang pagod.
    ^ Me Me ^
    I stressed myself too much. Nakakfrustrate kapag may ibang bagay na gusto kang gawin pero di mo magawa.

    TumugonBurahin
  5. sa tingin ko, yung kawalan ng tiwala sa sarili ang dahilan ko lately kaya nagkakawriter's block ako.. ewan ko ba.. sabi ng boss ko, naapektuhan na rin pati trabaho ko kasi lagi kong dina-down ang sarili ko.. basta ang alam ko, may mali sa akin lagi.. kaya siguro ganun..:(

    TumugonBurahin
  6. Kay Marc: Siyang tunay! haha

    Aba magandang pamamaraan 'yang ginagawa mo iho ah...masubukan nga.

    TumugonBurahin
  7. Kay Paris: Naku, ang iyong trabaho ay talagang nakakapagod ng isip. Kung maiisingit, magpahinga ng husto.

    TumugonBurahin
  8. Kay Claire: Huwag mong isipin na palagiang may mali sa mga ginagawa o gagawin mo dahil mas hindi ka makakapag-focus dito. Makinig sa mga taong nagbibigay sa'yo ng mga positibong komento, at itapon sa basurahan ang masasakit na puna upang maibalik ang bilib mo sa iyong sarili. Lahat naman ng tao ay dumaraan sa ganyang "stage". Malalagpasan mo rin 'yan iha.

    TumugonBurahin
  9. Lahat ng tao nawawalan ng maisusulat paminsan-minsan. Diyan mo makikita kung tunay mahilig sumulat ang isang tao. Kung kahit paminsan-minsan e walang gana, tutuloy pa din. Nag-umpisa akong magsulat nung bata pa ako. Sa pilitan ng eskuwela at ng nanay ko. Kuwarenta na ko ngayon. Nagsusulat pa din. =)

    TumugonBurahin
  10. lolo, mahirap talaga kapag merong 'creative/writer's block' kahit nga pinapadugo na ang ulo wala talagang lumalabas.

    dapat din kasi nirerelax ang utak para makapag-isip ng maayos. kailangan nila ng yoga lessons para maging matiwasay at maayos mga isipan nila.

    TumugonBurahin
  11. maraming salamat sa payo mo lolo.. kahit paano ay gumagaan ang pakiramdam ko dahil alam ko na meron pa ring naniniwala sa aking kakayahan. kailangan ko lang talagang magtiwala sa sarili ko at sa mga ginagawa ko..

    mabuhay ka, Lolo :)

    TumugonBurahin
  12. Kay Angel: Wow...magaling magaling. Nakatutuwa namang malaman 'yan at sana maging ganun din ang aking kapalaran.

    TumugonBurahin
  13. Kay Billycoy: Sinabi mo pa iho, minsan wala talagang lumalabas kahit anong pilit mo.

    Yoga lessons? Aba iba naman ang style mo ah. May kilala ka bang instructor? Pakilala mo sa 'min.

    TumugonBurahin
  14. Kay claire: Walang anuman apo, at nakatataba ng pusong malaman na kahit sa maliit na paraan ay nakatutulong akong pagaanin ang iyong pakiramdamam.

    Ang gaan ng feeling! ^_^

    TumugonBurahin
  15. pweding pafollow din po....un lng poh...salamat

    TumugonBurahin
  16. ganda...pa follow din poh ung blog ko...salamat po

    TumugonBurahin