Linggo, Hulyo 29, 2007

Huwebes, Hulyo 26, 2007

Panaginip

Panigurado, kagaya ko ay naranasan niyo na rin managinip - puwera na lamang 'yung mga hindi pa nararanasang matulog.

Bakit ba halos hindi natin matandaan ang mga napapanaginipan natin? Pagkagising mo, kung hindi wala, ay kaunting eksena na lamang ang 'yong natatandaan.

Naranasan niyo na rin bang managinip ng "black & white" pa? Eh 'yung nagising ka at pagtulog mo ulit ay nagkaroon ng Part II at naituloy mo ang 'yong panaginip? Totoo ba na kung may gusto kang mapanaginipan, ang dapat mong gawin ay paulit-ulit mo itong isipin bago ka matulog?

May isa akong panaginip na hindi ko pa rin makalimutan hanggang ngayon. Bata pa ang Lolo niyo n'un, mga siyam na taong gulang siguro. Napanaginipan ko ang aking nanay na nagtitiklop ng mga damit sa aming sala, habang ako naman ay nanunuod ng telebisyon sa kanyang tabi. Bigla na lang, may kaguluhan sa labas ng aming bahay. Sumilip ako sa bintana upang maki-usi kung ano'ng nangyayari. Nagulat na lamang ako nang makakita ako ng mga Indians. Pinapana nila ang aming mga kapitbahay na nagtatakbuhan naman sa sobrang takot. Nakita ako ng isang Indyan na nakasilip sa bintana kaya tumakbo siya patungo sa aming pintuan. Hindi na namin ito nagawang isara dahil masyado siyang mabilis kumilos. Pagpasok niya sa aming bahay, inasinta niya ng pana ang aking inay sa kanyang puso, at 'yun na nga ang masaklap na ending ng aking panaginip.

Nagising ako noon na umiiyak at takot na takot. Hinanap ko agad ang aking inay sa kwarto sa pagaakalang totoo ang aking napanaginipan. "Bakit?" tanong niya sa akin dahil tumutulo pa rin ang aking mga luha. Niyakap ko na lang siya at hindi ko na sinabi ang dahilan. (Awwww...)

Nanaginip rin ako dati ng dalawang numero noong ako ay nasa grade-4, "4" at "20". Sinabi ko ito sa aming kasambahay at sinabi niya na tayaan ko raw sa jueteng (uso pa 'to noon at hindi pa hinuhuli). Itinaya nga namin ang dalawang numerong ito at akalain niyo - nanalo ang Lolo niyo! Inilibre ko pa nga ang aking tropa kinabukasan.

Nabanggit ko rin sa isa kong post sa kabila kong blog na napanaginipan ko sila Loren at Chiz noong Mayo. Nangyari ito bago pa matapos at lumabas ang resulta ng eleksyon - isa ba 'tong pangitain kung sino ang dalawang magta-top sa bilangan? May pagka-psychic ba ako at dapat ko na ba itong gawing negosyo at pagkakakitaan?

Maraming kuro-kuro tungkol sa mga panaginip. Sabi ng iba, ito raw ay kabaliktaran ng tunay na mangyayari. Kung gayon, mas marami pa rin pala talagang magandang nangyayari sa mundo dahil ayon sa aking pagsasaliksik, mas madalas mapanaginipan ng mga tao ang mga negatibong bagay kaysa sa mga positibo.

Ang tsismis naman ng iba, ang lahat daw ng panaginip ay may kahulugan na dapat nating pagtuunan ng pansin.

Halimbawa, kung ikaw daw ay nanaginip na nahuhulog ka mula sa isang mataas na lugar, ang ibig sabihin raw nito ay may goal ka na hindi mo naabot, o hindi mo pa naaabot. Maaari rin namang may isang bagay ka na hindi mo mapanatili o napanatili kagaya ng isang responsibilidad, halimbawa ay ang posisyon mo sa trabaho.

Kung mala-Superman ka namang lumilipad sa isa mong panaginip, ito raw ay nangangahulugang nalagpasan mo ang isang unos sa iyong buhay at ikaw ay patuloy na sumusuong sa mga hamon nito.

Ahas ba ang ka-eksena mo sa iyong panaginip? Ibig sabihin raw nito ay may mangyayaring hindi masyadong kaaya-aya.

At kung sa panaginip mo ay wala kang saplot, dalawa raw ang ibig sabihin nito. Una, gusto mo ng kalayaan ng iyong kalooban. Pangalawa, ay nangangamba kang may maisiwalat na sikretong-malupit tungkol sa'yo.

Ang mga tao rin daw na iyong napanaginipan, ay pinapanaginipan o napanaginipan ka rin. Ito raw ang dahilan kung bakit minsan ay may mga tao tayong napapanaginipan na hindi naman natin kakilala sa totoong buhay (kilala nila tayo, ngunit hindi natin sila kilala). Ibig sabihin pala, lagi akong napapanaginipan ni Songbird?

*Isinulat ko ang post na ito dahil kagabi, napanaginipan ko na inihulog raw ng aking kapatid ang pinakamamahal kong cellphone. Wasak na wasak ito sa aking panaginip. Buti na lamang at panaginip lang (whew!) dahil kung hindi...

Subscribe in a reader

Ang Kabataan Ngayon

"Pamangkin ng bestfriend ng Lolo niyo"


Linggo, Hulyo 22, 2007

Blangkong Pag-iisip

Minsan, dumarating sa buhay ng isang manunulat o ng isang blogger ang isang pagkakataon kung saan wala siyang maisip na maisulat. Pagkagising niya na lang isang umaga, hindi na niya magawang makapagsulat. Gaya ngayon, kanina pa ako nakikipagtitigan sa monitor ngunit wala pa rin akong paksang maisip. Ang sitwasyong ito ay tinatawag na "Writer's Block". Alam niyo ba na may mga kaso kung saan tumatagal ito ng ilang buwan, at maaari ring bumilang ng mga taon?

Kaya ako naman ay nagsaliksik upang alamin kung ano nga ba ang mga dahilan ng "Writer's Block" at anu-ano ang mga paraan upang makaalis tayo sa sitwasyong ito.

Ang isa sa itinuturing na sanhi nito ay ang sobrang pagpuwersa sa iyong sarili na makapagsulat. Umuupo ka sa harap ng iyong kompyuter o ng isang papel, at sinasabi mo sa iyong sarili na "Kailangan may maisulat ako." Ang 'yong isip, imbis na magkaroon ng malawak na pang-unawa sa mga bagay-bagay, at makapagbigay ng magagandang ideya, ay nakakapag-focus lamang sa iyong kagustuhan na makapagsulat.

Ang pagiging perfectionist o self-conscious ay isa rin sa mga dahilan kung bakit hindi ka makapagsulat. May naisip ka ng ideya, o tapos na ang iyong draft ngunit sa tingin mo ay hindi ito sapat, o hindi ito pasado sa iyong "standards" ika nga. Masyado mong iniisip na kailangan maging maganda ang kalabasan ng iyong isusulat at kailangan maging perpekto ito.

Pagsusulat tungkol sa mga bagay na kailangan mong isulat, imbis na tungkol sa mga bagay na gusto mong isulat. Habang bumibisita ka sa mga blogs, o nagbabasa ng mga sulatin ng ibang tao, napansin mo na may mga bagay na kumbaga ay ang trend o uso sa ngayon at pakiramdam mo ay kailangang sumulat ka rin tungkol rito. Ang resulta, pinupuwersa mo ang iyong sarili sa isang bagay na hindi mo naman talaga gusto, o hindi ka naman talaga interesado kaya hindi mo ito tuluyang magawa.

Kawalan ng tiwala sa sarili. Kung sa tingin mo ay hindi mo naaabot ang mga expectations mo sa iyong sarili, at imposible na para sa iyo ang makabawi, hindi malayong mawala ang iyong tiwala sa sarili. Magmumukmok ka na lamang sa isang sulok at iisiping huwag na lang ituloy ang nasimulan mo nang pagsusulat sapagkat para sa'yo, hindi mo na kaya at wala naman rin itong patutunguhan.

Sobrang pagod. Sa sobrang dami ng iyong ginagawa sa araw-araw, ang isang bagay na dapat maging isang paraan ng pagre-relax o paglilibang gaya ng pagsusulat ay nagiging isang mabigat na gawain na rin para sa'yo. Iniisip mo na wala ka ng oras para rito, bagkus ay magpapahinga ka na lamang.

Iniisip mo na wala kang maisulat pero mayroon naman talaga at hindi mo pa lang ito napapansin at nabibigyan ng sapat na atensiyon. Akala mo lang wala, pero meron! Meron! Meron!

Sobrang kalungkutan at kawalan ng inspirasyon. Maaaring may mga bagong kaganapan sa iyong buhay na masyado mong dinaramdam kaya ka nagkakaganyan -naghiwalay kayo ng iyong sinisinta, nawalan ka ng trabaho, o pumanaw ang isang kaibigan o kapamilya. Ang mga ganitong sitwasyon na hindi mo inaasahan ay lubusang makaaapekto sa iyong abilidad na makapagsulat.

Pero ano nga ba ang mga dapat mong gawin upang masolusyunan ang problema mong ito?

Una, huwag isiping magsusulat ka dahil kailangan mo - isipin mong ginagawa mo ang bagay na ito dahil gusto mo.

Enjoy-in mo ang proseso ng pagsusulat. Isipin mong naglalaro ka. Huwag masyadong seryoso, kahit na ang paksang iyong tinatalakay ay isang seryosong bagay. Huwag mo itong ituring na trabaho. Ang iyong imahinasyon ay hindi makakakilos kung masyadong stiff ang iyong pag-iisip.

Ilagay ang iyong sarili bilang reader imbis na isang writer. Kung gagawin mo ito, malalaman mo kung tungkol ba sa anong bagay ang nais mong mabasa ngayon, at ito ang iyong simulang isulat.

Tanggapin sa iyong sarili na hindi mo magagawang makapagsulat ng perpekto sa lahat ng oras. Hindi man perpekto para sa'yo kung ano man ang nagawa mo sa isang pagkakataon, ngunit sa ibang tao, o sa mga makababasa nito, ay katanggap-tanggap na ito. Kapag ito ay iyong isina-isip, at tinanggap mo ito, magkakaroon lagi ng lugar para sa improvement sa iyong sarili.

Magsulat tungkol sa mga bagay at paraang gusto mo at hindi dahil ito ang uso. Ang bawat manunulat ay may kanya-kanyang paraan ng pagsusulat. May kanya-kanyang paraan upang ipahayag ang sarili. Tuklasin mo kung saan ka pinakakomportable at dito magsisimula ang iyong creativity. Hindi maaaring mangopya ka dahil iyon ang napapanahon. Tandaan na ang bawat sulating iyong ginagawa, at kung paano mo ito nilikha ay representasyon ng iyong pagkatao. Hindi ito maaaring makopya, o gayahin ng sino man.

Isa-isip na ano man ang iyong emosyon, ay maaaring makatulong sa iyong pagsusulat. Ang sobrang kalungkutan ay hindi hadlang upang ikaw ay hindi makapagsulat. Sa katunayan, may mga manunulat na mas ginaganahan makapagsulat kung sila ay depressed. Isang malaking patunay ang mga awiting makapagdamdamin, at mga pelikulang drama na itinuturing nating mga obra. Kung matututunan mong gawing instrumento ang iyong mga emosyon, at dito ka huhugot ng inspirasyon, may masusulat at masusulat ka ano man ang iyong nararamdaman.

Ibahin ang iyong environment. Kung matapos ang ilang oras at wala ka pa ring nasisimulang isulat, lumabas ka ng iyong kwarto o ng bahay. Maglakad-lakad at mamasyal. Makipag-usap sa mga kaibigan. Huwag magkulong sa isang lugar. May psychological effect ito na makakatulong upang palawakin ang iyong imahinasyon.

Tandaan na ang isang bagay na iyong nasimulan, ay kayang-kaya mo ring tapusin. Huwag mawawalan ng tiwala sa sarili. Alalahanin ang iyong mga mambabasa, kahit pa dalawa lang ito. Humugot ng lakas ng loob sa kanila at sa mga taong nagmamahal at nakapaligid sa iyo. Lahat ng bagay na iyong naiisip gawin ay magagawa mo kung magtitiwala kang kaya mo nga itong gawin.

At panghuli, mahalin ang lahat ng bagay na iyong ginagawa. Bakit kamo? Wala lang, parang magandang panghuling pananalita ito eh, hindi ba?

Subscribe in a reader

Huwebes, Hulyo 19, 2007

Atin-Atin Lang

Ako ay tinag ng aking apong si Aileen upang magbahagi ng walong sikreto (ang dami!) tungkol sa Lolo niyo. Bago ang lahat, narito muna ang mga patakaran sa meme na ito:

-Each player must post these rules first.

-Each player starts with eight random facts/habits about themselves.
-At the end of your blog, you need to choose eight people to get tagged and list their names.
-People who are tagged need to write on their own blog about their eight things and post these rules.
-Don’t forget to leave them a comment telling them they’re tagged, and to read your blog.

At dito ko na nga sisimulang ibulgar ang aking sarili...

1.) Takot ako sa gagamba. (Sige! Tawa!) Ahas na lang ang ipahawak mo sa akin huwag lamang ang nakakakilabot na insektong ito. Bakit?

2.) Siguro dahil ayoko ng kahit anong maraming paa. Kapag lumagpas sa apat ang paa ng insekto o hayop na dala mo, ilayo mo lang sila sa Lolo mo kung ayaw mong masaktan. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi ako kumakain ng alimasag, alimango, tatampal (alupihan), sugpo, at hipon. Talagang nagtataasan ang aking mga balahibo kapag sila ang nakahain sa lamesa.

3.) Suplado ako sa personal. Natural na siguro sa akin ang ugaling ito. Hindi kita papansinin o babatiin kung hindi ikaw ang mauuna. Sa umpisa lang naman ito. Kapag nagkakilala tayo ay siguradong maiiba na ang iyong pagkakakilala sa akin. Mas suplado pala ako kapag tumagal.

4.) Patay na patay ako kay Regine Velasquez. Hindi mo pwedeng ilipat ang channel kapag pinanunuod ko siya o huling araw mo na sa mundong ito. Nakikipagsiksikan talaga ang Lolo niyo kung nasaan siya (haha). Swerte ka lang Ogie at hindi kami nagkakilala ni Regine.

5.) Ako ay palagiang late. Hindi na siguro ito sikreto para sa mga barkada ko dahil madalas ko silang paghintayin kapag kami ay nagkikita-kita. Paminsan-minsan, ako ang nauuna dumating at umiinit agad ang ulo ko dahil...

6.) Ayoko ng pinaghihintay ako. LOL. Hindi patas ano? Ayoko ng nakatayo ako ng pagkatagal-tagal at naghihintay. Malamang ay paulanan kita ng SMS na "Nasaan ka na???" at tatawagan pa kita ng pagkarami-raming beses kapag hindi ka sumagot agad.

7.) Hindi ako makatulog kapag nakapatay ang ilaw. Kailangang maliwanag ang kwarto kapag ako ay matutulog na. Takot kasi ako sa mumu.

8.) Hindi ako kumakain ng pinya. Sa pizza, sa salad, sa ulam, aalisin at aalisin ko ang pinya na nakalagay rito at ibibigay sa'yo. Mas lalong hindi ako umiinom ng pineapple juice. Ang nakapagtataka ay sa pinya ako ipinaglihi ng nanay ko. Ngeeee!! Nagsawa na siguro ako sa pinya habang nasa loob pa ako ng kanyang sinapupunan.


At ngayon, tinatag ko ang aking mga apo na sila: Jhed, Marc, Claire, Ely, CokskiBlue, Paris, UtakGago, at Casket - maaari bang malaman ang walo sa inyong mga lihim? Huwag kayo mag-alala, atin-atin lang ito pwamis.

Subscribe in a reader

Martes, Hulyo 17, 2007

Ang Sampung Karapat-dapat

Narito ang aking listahan para sa Top 10 Emerging Influential Blogs ng taong kasalukuyan. Hindi pa gaanong nalilibot ng Lolo niyo ang PinoyBlogosphere, ngunit para sa akin, ang mga sumusunod ay karapat-dapat nating bisitahin at basahin kung hindi man palagian, ay kahit paminsan-minsan lang.




Ang mga papalaring manalo sa kahanga-hangang proyektong ito ni Bb. Janette Toral ay magwawagi ng US$100 bawat isa, na ipahahayag sa madla sa unang araw ng Agosto, sa Max's Restaurant, Park Square 1, Makati City, alas-sais hanggang alas-nuwebe ng gabi. Makilahok na! Siguradong isang gabi ito na hindi natin malilimutan. Pupunta ang Lolo niyo kahit pa atakihin ng rayuma.


Subscribe in a reader

Lunes, Hulyo 16, 2007

Trenenenentenen

Matapos ang isa na namang nakakabatong gabi sa opisina, kinailangan ko pang pumunta ng Makati kahapon ng umaga pag-out ko upang asikasuhin ang insurance ng lolo niyo - alam niyo na pag tumatanda na, dapat maging handa.

Galing opisina (QC), nilakad ko lang papuntang MRT North Avenue Station. Malapit lang naman kasi, at exercise na rin. Mag-a alas-siyete na ng umaga noon, kaya box office na naman sa MRT. Paakyat pa lang ng hagdanan ng istasyon, halos sakop na ng mga pasahero ang kalahati ng EDSA. Parang may namimigay ng libreng bigas sa dami ng tao. Nakisingit na rin ako, at sumabay sa daloy ng sambayanan. Naawa ako dun sa matandang babae na nasa harapan ko. Halatang nahihirapan siya sa nangyayaring gitgitan at tulakan.

Matapos ang ilang minutong paglalakad na parang sinaunang Chinese sa liit ng aming mga hakbang , nakarating na rin ako sa bilihan ng tiket:

Lolo : Isang Buendia (iniabot ang P50)
Mama : May four pesos ka?
Lolo : Ay, wala po eh..
Mama : (Ibinalibag ang sukli at tiket)

Pagpanhik sa itaas, whoah! Ang haba rin ng pila dun sa suksukan ng tiket (hehe...'di ko alam ang tawag). Hindi ko mahanap ang dulo ng pila, kaya sumunod na lang ako kung saan pumupunta ang mga tao. Matapos ang ilang pagsingit sa aking harapan at ilang minuto, nakapasok na rin ako sa main platform. Grabe talaga ang mga eksena sa MRT kapag umaga. Lalo na sa istasyon na ito kasi dulo ng linya. Habang nag-aabang ng tren, nagmasid-masid ako sa paligid. Naisip ko na buti na lang at hindi ko na kailangan pang sumakay ng MRT para makapasok sa opisina kagaya dun sa una kong trabaho. Mas tipid at bawas-hirap din sa biyahe.

Sa wakas dumating na ang tren. Saktong-sakto ang pwesto ko sa pintuan. Paghinto ng tren, di pa man bumubukas ang pintuan eh, hala...sige na sila manong sa pagtulak at pag-gitgit. Excited sila masyado - first time ata nila sa MRT. Pagbukas ng pinto takbuhan naman at unahan sa upuan ang eksena. Buti na lang at lagi akong champion sa Trip to Jerusalem noong kabataan ko, kaya nakakuha 'ko ng upuan.

Narito ang Top 5 sa mga narinig ko mula sa mga pasahero habang bumabiyahe:

5.) Tsk! Paa 'yun ah!
4.) Miss, upo ka oh.
3.) Wala na! 'Wag niyo na piliting makapasok!
2.) Excuse me.
1.) Aray! Ano ba 'yan!!

Buendia na. Tumayo na ako sa aking kinauupuan at siniksik ko ang aking sarili sa mga taong nakaharang sa daanan papalabas ng tren. Bigla akong nagtaka dahil parang na-stuck ako, ayun pala nasabit ang aking polo sa bag ni manong. Buti na lang naalis ko ito agad dahil muntik na 'kong masarhan ng pintuan.

Todo lakad ang lolo niyo, grabe init. Pawis na pawis na 'ko kaya naisipan kong ilabas ang aking panyo. Hmmm...'di ko ito makita. Sa bag, sa bulsa, sa isa pang bulsa...wala talaga. Nakapatong nga pala iyon sa hita ko habang nakaupo ako kaya malamang ay nahulog iyon pagtayo ko at hindi ko napansin. Isa na siyang ganap na basahan ngayon.

Jeep naman papuntang Ayala.

Lolo: Bayad po.
Drayber: Saan 'to?
Lolo: (Nag-isip muna dahil nakalimutan kung saan bababa) Diyan lang po!

Pagbaba, lakad ulit. Hay naka-iinggit ang mga taong may panyo. Pakiramdam ko ay ang dumi-dumi ko na dahil sa pawis at alikabok.

Narating ko na ang gusali ng aking pakay. Pagkatapos mag-iwan ng ID kay manong guard, pumunta na 'ko sa may elevator at pinindot ang up. Ilang sandali lamang ay nakapanhik na ako sa 19th floor. Wala pang alas-otso noon kaya sarado pa ang opisinang aking pupuntahan. Sinabihan ako ni manong guard#2 na maupo at maghintay ng oras. Nandoon na si ate receptionist noon.

Ate receptionist: Saan po kayo?
Lolo niyo: Sa cashier po.
Ate receptionist: Paantay na lang po muna. Closed pa po.
Lolo niyo: Okay. (Sabay upo sa sofa)

Habang naghihintay, inilabas ko ang aking cellphone at nagtext sa aking tito. Pagkatapos ay pinanuod kong mag-make-up si ate receptionist habang nagkikipag-usap siya kay manong guard#2:

Ate receptionist: Manong, dumating na 'yung crush ko?
Manong guard #2: Hindi pa po ma'am.
Ate receptionist: Sure ka manong ah, baka masayang lang make-up ko.
Manong guard #2: Opo. (Sabay tawa.)

8:03 AM. Sa wakas ay nagbukas na rin ang cashier.

Pagkatapos matapos ang lahat ng kailangan kong gawin ay sumakay ulit ako ng jeep papuntang LRT. Dahil umaga pa lamang ay halos wala itong sakay papuntang Monumento. Haaay...ginhawa sa wakas.

Masarap sumakay sa LRT at MRT kapag wala masyadong pasahero, ngunit parang wala ring thrill. Walang umaaray, walang nasasaktan, at walang nagtutulukan. Hindi masaya. Medyo boring tuloy ang aking biyahe pauwi:



Ang LRT train papuntang Monumento kapag umaga.

Subscribe in a reader

Huwebes, Hulyo 12, 2007

Ang Eks-Gitarista

Seeing your former guitarist is a lot like seeing your former girlfriend. Why?

Because you often see him when you are not prepared. When you are looking like trash and had no sleep at all.

You see him in the strangest places.
In the most awkward moments. Like in a mall's comfort room.

In a public vehicle wherein the only unoccupied sit is the one next to him. Coincidentally, all the songs that the DJ is playing are the songs that you used to play together. Yeah, and so that blows up the sadness inside your heart and reminds you of the good 'ol times.

He passed by your gig venue and he heard you sing when you are hoarse .

When you find it hard to have gigs at all and there he is with his new vocalist, having a hard time getting sleep at all because of every night performances.


And yes, seeing him with his new vocalist makes you feel a little drop of jealousy.

You see him when everything is cloudy with your current guitarist.

You see him when you feel like a waste of oxygen in this world.

But then again you know you have to move on. It is hard, but what makes it harder is the fact that there's this permanent connection between the both you - you are his son's godfather and that makes him your
kumpare. Oh, if only you could tell your godson why you didn't make it to his first birthday party.

There is a reason why your former band broke-up. Whatever it is, you will find it somewhere along your journey. But for now, you have to let go and move on.


Subscribe in a reader

Tatlo

Narito po ang mga sagot ko sa mga katanungan ng aking apo na si Aileen.


3 People Who Make Me Laugh. Russell, Athena, at si Karen Walker (Will & Grace).

3 Things I Love. Pag-awit. Zac. Internet.

3 Things on My Desk. Kompyuter. Bag. Cellphone.

3 Things I'm Doing Right Now. Nagpapatugtog. Nagta-trabaho. Sumasagot sa tag na ito.

3 Things I Want to Do Before I Die. Magkaroon ng pamilya. Makapagsimba. Makapagpasalamat

3 Things I Can Do. Umawit. Magsulat ng tula at kanta. Pagalawin ang aking tenga.

3 Things I Can't Do. Maglaro ng basketbol. Mag-dive sa swimming pool. Magmaneho.

3 People You Should Listen To. Mga magulang. Matatalik na kaibigan. Matatanda.

3 Things I'd Like to Learn. Tumugtog ng gitara. Magsalita sa wikang Pranses. Magluto.

3 Favorite Foods. Pizza. Kahit anong sinigang. Mashed Potato.

3 Shows I Watched as a Kid. X-Men. Teenage Mutant Ninja Turtles. Cedie.


Subscribe in a reader

Miyerkules, Hulyo 11, 2007

Gulaman

Gaya nga ng aking naipangako ko sa inyo (o "sa'yo" na lang dahil malamang ikaw lang naman ang nagbabasa nito) sa kwento kong Hamburgers, iku-kwento ko rin dito ang aking pagtitinda ng gulaman sa palengke...

Katorse anyos ako noon nung maisipan naming magkakapatid na magtayo ng gift shop malapit sa aming tahanan. Ang mga ate ko ang nagtitinda ng kung anu-anong items sa kanilang tindahan na talagang sobrang mahal dahil napakatataas ng patong nila sa presyo. Ako naman, nagtinda ng gulaman sa bungad ng palengke. Bukod sa mausok dahil sa mga sasakyan, at mainit dahil kadalasan ay tanghali ako nagsisimulang magtinda, talaga namang medyo nakahihiya sa umpisa dahil nakikita ako ng aking mga dating kaklase. Pero pagtagal-tagal, 'di ko na sila inintindi dahil malakas naman ang aking kita. Masarap ata ang aking gulaman. Black gulaman ang aking ginamit. HIndi ito pangkarinawang gulaman. Medyo mas mahal kesa dun sa karaniwang itinitinda ng mga wa-class na tinderang kalaban ko. Kadalasan, mga driver ng jeep, tricycle at trike ang bumibili sa akin. At mind you, purified water ang aking ginagamit noon. Kapag hindi naubos ang tinda ko, ititinda ko ulit ang mga tira kinabukasan...wahahaha. Joke lang po 'yun. Ang mga tira ay sapilitan kong pinapaubos sa aking mga kapatid (tagay pa!).

Para pandagdag-kita, bukod sa gulaman, nagtitinda rin ako noon ng pirated cd's. Kauuso pa lang ng mga cd (wala pa nga akong cd player) noon, kaya ang benta ko ay P150 ang isa. Talaga namang sulit na sulit hindi ba?

Kapag walang customer, kadalasan kapag patay na oras - bandang alas dos hanggang alas tres ng hapon, para malibang ay sa kalapit na videoke ang aking punta. Nambubulahaw ng mga taong natutulog sa tanghali upang sila ay magising at magmeryenda na - para bumili na aking sobrang sarap (as in) na gulaman.

Pasensya na kung maigsi at parang walang kwenta ang post na ito sapagkat sa opisina ko lang ito ginawa sa gitna ng kasagsagan ng trabaho. Papalapit na ang aking boss kaya hindi ko na matatapos ang pangungusap na

Subscribe in a reader


Lunes, Hulyo 9, 2007

Magsi-Upo Po Tayong Lahat.



Sa wakas nakapagsimba ulit ako matapos ang ilang daang taon. Hindi ko ipinagmamalaki na bihira akong makapagsimba ngayon dahil madalas ay may pasok rin ako kahit Linggo. Sabi ko na nga ba, ang trabaho ay nakasisira ng pagsisimba.

Maraming ala-ala ang nanumbalik habang ako ay nasa loob ng simbahan. Sa maniwala kayo't sa hindi, dating taong simbahan ang lolo niyo...

Isa akong choir member. Naalala ko pa kung paano ako ipinagtulakan ng aking itay na mag-audition pagkatapos na pagkatapos i-announce ni father na naghahanap sila ng mga bagong miyembro ng koro. Sa audition, ang aking inawit ay ang nakaiindak na "Isang Lahi". Natanggap naman ako, eleven years old ako nung masimula ako.

Naging Lector din ako o 'yung tagabasa ng First at Second reading. Madalas din akong gawing Psalmist o Song Leader kapag wala nang ibang pwedeng kumanta. Kinailangan pang lagyan ng maliit na upuan ang altar upang tungtungan ko dahil hindi ako makita ng mga tao. May katangkaran kasi ako eh.

Pero ang pinakamasaya sa lahat ay nung maging Commentator ako. Ako ang nagli-lead ng mga sagot kay father, at nagsasabi kung kailan tatayo, uupo at luluhod ang mga tao.

Ang hinding-hindi ko makalilimutan ay nung magkamali ako ^_^ . Nakatayo ang lahat. Matapos ang dasal ni father ay buong lakas at taas-noo kong sinabi ang "Magsi-upo po tayong lahat." Umupo naman ang mga tao siyempre. Nagulat na lang ako nang bigla na lang sabihin ni father na "Hindi pa, magsitayo ulit kayo." Tumayo ulit ang mga tao na parang na-rewind at lahat sila ay nakatingin sa akin. Ayun pala, nasa maling page ang aking kodigo! Haaayy... Parang gusto nila akong saktan ng mga panahong iyon. Talaga namang nanliit ako lalo nung mangyari 'yun at kinabahan na tuloy ako kada papa-tayuin, papa-upuin, at pa-luluhurin sila. Gusto ko ngang sabihin na "Kanya-kanya na lang! Kahit anong posisyon gusto niyo!" wehehe...'sensya na, tao lang po.

Subscribe in a reader


Sabado, Hulyo 7, 2007

Hamburgers


Kaninang umaga, pauwi galing opisina habang nasa biyahe, bigla ko na lang naalala 'yung mga ginawa ko sa eskwelahan noon para kumita. haha.. Pangdagdag sa allowance siyempre. Ang hindi ko siguro makakalimutan eh nung nagtinda ako ng hamburger sa classroom nung grade six ako..

Una, barkada ko lang ang bumibili sakin. Tatlo, apat, hanggang sa lahat na ng mga kaklase ko umoorder na. Tito ko ang nagluluto nun. Siya rin ang nagbubuhat papunta sa school. Kasi ang laki ng dala kong bag, at dalawang plastic bag ng hamburgers ‘yun.

Sais pesos ang isa, may kamatis at pipino pa ‘yun. Mas mura kumpara sa tinda sa canteen. Kung gusto mo ng cheese, magdagdag ka ng dalawang piso. hehe.. Siyempre, para dumami ang customers, dapat may gimik ka. Kaya may isang burger dun na nilagyan ko ng "star" na mark 'yung tissue. Kung sino makakuha nun, may libre syang burger kinabukasan.. hahaha. Ayun, pati galing ibang sections, bumibili na sakin.

Pero di nagtagal, kinausap ako ng adviser ko. Pinapatawag daw ako ng principal. Nung nagpunta ko sa principal's office, sinabihan ako na bawal daw 'yun. Siyempre, ganun na nga ang ginawa ko - tumigil sa pagtitinda sa school. Nakakalungkot pero okay na na-experience ko 'yun. Natatawa ko 'pag naalala ko ngayon.

Next, kwento ko naman 'yung time na nagtinda ako ng gulaman sa palengke. hehehe..


Subscribe in a reader

Huwebes, Hulyo 5, 2007

Ako'y May Alaga...

...asong mabuhok.




'Yan ang aking anak na si Zac, isang taong gulang na lalaking Shih-Tzu. Kinuha ko ang kanyang pangalan mula sa bida ng pelikulang "Highschool Musical". 'Di siya pinalad na mapunta sa mayamang amo kaya naman nagtitiis siya sa hirap ng buhay. Ang mga kagamitan niya ay mumurahin lamang, 'di gaya ng sa mga kapatid niya. Kung makakapagsalita lamang siya ay malamang na itanong niya 'to sa akin: "Itay, bakit mo ako pinababayaan?".


Vitamin C, Shampoo, Powder, Conditioner at Kikay kit


Kung may balak kang mag-alaga ng aso, siguraduhing may sapat kang oras para rito. Hindi ito parang kaning isusubo mo at kapag napaso ka ay iyong iluluwa. Mahirap lalo na sa umpisa. Pabalik-balik ka sa beterinaryo upang makumpleto ang lahat ng bakuna na kailangan niya. Ingat din sa iyong mga ipapakain. Kausapin rin sila paminsan-minsan (gawin lang ito kapag walang ibang tao). Dalhin rin siya sa mga grooming station para masaya.

Ngayon pa lang ay marami nang nakapila na mapangasawa ng aking anak (buti pa siya). Ngunit hindi pa ako pumapayag, dahil parang balak ko na pagpariin siya.

Subscribe in a reader

Miyerkules, Hulyo 4, 2007

Pinoy Transformer

The strongest and mightiest transformer is here!

Ipinakikilala...







Astig diba?



Natanggap ko ito sa pamamagitan ng e-mail at talaga namang sobra akong natawa nang makita ko 'yan.
Tyrone salamat sa letrato. Isa kang tunay na huwaran ng mga kabataan.


Subscribe in a reader

Martes, Hulyo 3, 2007

Jeepney

Sadyang traffic kaninang papasok ako sa opisina. Wala akong magawa sa jeep na sinasakyan ko kaya kung anu-ano ang aking naiisip: gaya nang kung ilang beses na ako sumakay ng jeep sa buong buhay ko at kung kailan ako unang sumakay ng jeep na mag-isa?

At naalala ko na minsan, nakalimutan ko magbayad sa jeep. Naalala ko na lang noong nakababa na ako. Nakakakonsensya talaga...hamak mo naghahanap-buhay 'yung mama tapos...

Hmmmm...tama na at baka maiyak pa po ako.

Sa sobrang inip, pinanuod ko na lang ang aking mga kasakay. Kanya-kanyang eksena. May natutulog na lalaki sa aking harapan. Ang kanyang kamay ay nakasabit pa sa hawakan at ito'y bigla na lamang bumabagsak paminsan-minsan na siyang ikinagigising niya. Matutulog siya ulit at hahawak muli sa bakal. Maghe-head bang, at magigising ulit pagkatapos ng ilang minuto dahil nakabitaw na naman siya. Sana huwag na lang siya humawak para tuloy-tuloy na lang ang kanyang pagtulog. Ang sakit sa ulo ng ginagawa niyang pagising-gising.

May katabi akong babae na nakikinig sa kanyang ipod. Wala naman kaso roon kaso malakas pa niyang sinasabayan ang kanyang pinakikinggan kaya naman parang lahat kaming nakasakay ay nakikikinig na rin...'yun nga lang, nasa maling key na ang kantang naririnig namin.

Ang mga pasahero sa bandang likod ng drayber ay nagsisitulog lahat, kaya lahat ng nagbabayad ay kailangan pang mag-ala-lastikman para maiabot sa drayber ang kanilang mga bayad. Nakakainis talaga 'yung mga taong kunwari ay walang naririnig at halos mabali na ang leeg sa sobrang pag-isnab nila sa iyong pina-aabot na bayad. Sana huwag na lang sila umupo roon kung ganoon. O kaya magsipag-taxi na lang sila diba?

Hindi ko rin inaabot ang mga bayad minsan pero hindi dahil sa ayaw ko. Inaantay ko lang marinig ang "Paki-abot" o "Paki-suyo". Wala lang. Maarte lang ako.

May babae rin na walang ginawa sa jeep kundi magsuklay ng magsuklay. Halos makain na tuloy ng lalaking katabi niya ang kaniyang buhok. Ayon sa aking propesor sa Sociology, ang pagsusuklay ay hindi dapat ginagawa sa mga pampublikong lugar. Hindi rin dapat mag-usap ng pagkalakas-lakas na parang kayo lang ang pasahero. At lalong hindi ka rin dapat manigarilyo rito. O anong sarap ipalunok sa mga nagyoyosi sa jeep ang kanilang sigarilyo. Nakaka-inis sila lalo na kung bagong ligo ka at sa'yo lahat napupunta ang usok na kanilang ibinubuga. People can be really insensitive sometimes (naks!).

Pagkarating sa terminal unahan naman sa pagbaba. Haaaay... kahit late na ako ay pina-una ko na sila at hindi na 'ko sumabay sa pakikipag-gitgitan.

Buhay jeepney talaga oo...

Subscribe in a reader