May isa akong ugali na kina-iinis ng isa kong katropa. Ito ay ang hindi ko pagbibilang ng perang isinusukli sa akin. Kahit saan. Sa pampasaherong sasakyan, sa mga fast-food chains, sa nagpapataya ng ending at kung saan-saan pa, basta't may binabayaran. Hindi ko rin binibilang ang laman ng aking pitaka kapag ako ay aalis ng bahay. Hindi ko rin alam kung paano ko na-develop ang pag-uugaling ito. Nang tanungin ako ng aking kaibigan kung bakit hindi ko binibilang ang aking mga sukli, sabi ko sa kanya ay tiwala kasi ako sa mga tao (nakana!). Binatukan niya ako at sinabing "Kaya ka naloloko eh!".
Isang pangyayari sa aking buhay ang nagturo sa akin na lahat ng masama ay sobra. Lalo na ang sobrang katangahan...
Dear Tiyaro,
Itago niyo na lang po ako sa pangalang Leonido Q. Biglanghinga. Nangyari po ang aking kwento noong ako po ay nagta-trabaho sa isang malaking kompanya sa Makati, dalawang taon na ang nakalilipas. Araw-araw, tuwing alas dose ng tanghali, ay may ginaganap na misa sa aming gusali. Bago ako kumain ng tanghalian, sinisikap ko na makilahok dito. Pakiramdam ko kasi ay gumagaan ang aking mga pasanin sa buhay tuwing ako ay nagsisimba. Isang dahilan na rin ay ang aking kras na isa ring masugid na taga-attend ng misa.
Araw-araw, (ayoko na sanang banggitin ngunit importante ito sa aking istorya kaya kailangang malaman niyo (kung ayaw niyong malaman, i-shutdown niyo na ang inyong PC)) ako ay nagdo-donate sa aming simbahan. Maliit lamang na halaga ngunit galing ito sa kaibuturan ng aking puso. Kapag ako ay kumukuha ng pera sa aking pitaka, hindi ko rin binibilang kung magkano ang natirang laman. Pagkatapos ng misa, babalik na ako sa aking pwesto at kakain ng aking simpleng tanghalian (Kare-kare, Lengua Estofado, Morcon, Halabos na Hipon at marami pang iba). Pagkatapos ay balik na ulit sa trabaho. Araw-araw ganoon ang aking routine.
Hanggang dumating ang pinakamasaklap na araw sa aking buhay - February 15, 2006. Pauwi na ako noon. Sumakay ako ng service hanggang Magallanes MRT station. Umakyat ng hagdan. Binukas ang bag pagdating sa guwardiya. Tinusok-tusok niya iyon ng hawak niyang stick. Pagkatapos, pumila ako sa bilihan ng tiket. Inilabas ko ang aking wallet. Ako ay muntik ng mahimatay ng makita ko na onse pesos na lamang ang laman nito! Kinalkal ko ang aking bag at nagbakasakaling may mapupulot pa akong pera, ngunit ako'y bigo. Umalis muna ako sa pila at nagmuni-muni. Tiningnan ang mga tao sa paligid. Kasya lang ang pera ko hanggang Taft Station (10 pesos), ngunit pag dating doon - wala rin. Dahil sa Monumento ang aking punta, hindi rin ako makabibili ng tiket (15 pesos) papunta roon. Hindi ko na alam ang aking gagawin. Kinuha ko ang aking cellphone.Naghanap ng matatawagan. Si Jheng, isang kaibigan na nagta-trabaho rin sa Makati, ang una kong tinawagan. Unattended. Ang isa ko pang kaibigan ay tinawagan ko rin ngunit siya ay nasa Bulacan na. Habang nagtatawag ay may bigla akong nakita. Si Jeph! Ang bago kong kaopisina! Papunta siyang North Ave. kung saan rin ako papunta. Pumila sya sa bilihan ng tiket. Tinanong niya ako kung saan ako pupunta at siya na raw ang magbabayad! Para akong nananalo sa lotto nun! Hindi ko sinabi sa kanya ang aking sitwasyon sapagkat ako ay likas na mahiyain.
Sa loob ng tren, tinawagan ko si Odeth, katropa. Nasa EDSA raw siya bumibiyahe papauwi. Sinabi ko sa kanya ang aking sitwasyon. Nang malaman niya na hanggang SM North EDSA lang ang aking mararating, ay sinabi niya na babalikan niya ako upang sunduin.
Nang magkita kami ay parang siya na ang pinakamagandang babae sa mundo noong mga panahon na iyon!
Sinabi ko sa kanya na marahil ay nagkamali ako ng bigay sa simbahan at naiabot ko ang mas malaking halaga, o mali ang sukli sa akin sa canteen at hindi ko ito napansin. Hindi ko rin binilang ang dala kong pera bago ako umalis ng bahay noong araw na iyon.
Sana po ay may natutunan kayo sa aking kwento.
Love,
Nids
Ang aral ng istorya: Kaibiganin si Odeth.
Signs of Old Age
3 linggo ang nakalipas
Awww...ang saklap nga nun Nids...este Harry pala! Akalain mong maging sa pagiging "tanga" eh me pagkakapareho tayo! Nagkaroon na rin ako ng karanasang gaya ng sa iyo...tsk tsk tsk...sadyang maraming taong mapagsamantala...
TumugonBurahinTalaga?
TumugonBurahinSiyang tunay. Ngunit sa tingin ko ay nasa akin ang dahilan kung bakit nangyari ito sa akin...LOL
Uhuh...totoo yun...kwento ko sayo some other time.
TumugonBurahinTama rin maaaring nasa iyo (in my case sa akin din) ang dahilan ngunit gaya ng pagbibigay ng sukli...sana naman cguraduhin nilang tama ang binibigay nilang sukli dahil may mga kagaya natin na di marunong magbilang ng sukli dahil sa pagtitiwalang tama at sapat ang kanilang binibigay. :) :D