Nagsimula akong sumama sa banda noong ako ay nasa kolehiyo pa lamang. Marami na rin akong lugar na napuntahan dahil dito. Naiimbitahan kaming tumugtog kung saan-saan. Kung mayroon mang isang lugar na hindi ko makakalimutan, 'yun na siguro ang Bulacan Provincial Jail.
Tama. Isang kulungan, Kami ay tumugtog sa pinakamalaking kulungan sa buong Bulacan. Dito nakakulong ang mga may pinakamabibigat na kaso. Noong una ay parang ayokong tumuloy. Natatakot ako na baka habang ako ay kumakanta sa entablado ay bigla na lang may lumipad na kutsilyo papunta sa akin. Pero nakiusap talaga ang mga organizer at nangakong sisiguraduhin nila ang aming kaligtasan. "Family Day" daw kasi ng mga preso kaya mayroon silang inihandang programa.
At ayun, tinanggap na nga namin ang kanilang imbitasyon.
Pagdating namin doon, kami ay kinapkapan ng husto ng mga bantay. Pagkatapos ay sinamahan sa gate. Hindi nila binubuksan ng buo ang gate. Halos bata lang ang kasya sa nakabukas na parte nito, kaya kailangan naming yumuko papasok. Napansin ko na may mga preso na may hawak na mga kahoy - sila daw ang mga tanod kumbaga. Kakaiba ang simoy na hangin sa loob ng kanilang quadrangle. Mainit at may kung anung amoy. May nadaanan pa kaming naglalaba sa gilid.
Sa opisina kami ng hepe tumuloy. Ito ang magsisilbing aming dressing room. Lahat daw ng kailangan namin ay sabihin lang namin doon sa magbabantay sa amin. Isang preso na parang lider sa isang selda. Sinilip ko sa bintana ang stage. Nakita ko na may mga preso na abot na abot ang sahig nito. Mayroon pa nga na halos nasa stage na mismo. Nakakakaba. Naisip ko na ang mga klase ng tao na iniiwasan kong makasalubong kapag ako ay naglalakad sa kalsada ay haharapin ko ngayon, at kakantahan ko pa...kumusta naman?
Paglabas namin sa opisina ni hepe papunta sa entablado, hinatid kami ng mga apat na pulis siguro. Hinawi ng mga "pamalo boys" ang mga preso na nasa daraanan namin. Pagakyat sa entablado, mas lalo akong kinabahan. Ang dami pala talaga nila doon. Mayroon pa sa mga terrace ng mga gusali. Inaantay ko na lang na may lumipad na kung anung matalim na bagay papunta sa amin.
Unang kanta. Pangalawa. Pangatlo. Habang tumatagal ay nagiging palagay na ang loob ko. Lalo na pag nakikita mong nakikinig talaga sila. Minsan nga ay sumasabay pa sa kanta namin. Masaya sila dahil nakalabas sila ng kanilang mga selda kahit isang gabi lang. At syempre, kasama nilang nanunuod ang kanilang mga pamilya. Nakakatuwa silang tingnan.
"Where is the Love?" para sa Selda 19. Nakalagay sa isang papel na iniabot sa amin. Ano kaya ang nasa isip ng nag-request nito?
Mayroon pang "Larawang Kupas" para sa "Palakpak Gang".
Nagpabati rin ang lahat ng miyembro ng "Akyat-Bahay" at "Salisi" gang. Hindi ko alam kung matutuwa ako o matatakot nung nabasa ko ang kanilang mga pangalan. Talaga pala na nandoon nga sila sa harap ko.
Ang huli naming tinugtog ay ang kantang "Happy" ng Jackson 5. Dahil nga sa patapos na ang programa, ibig sabihin ay uuwi na ang kanilang mga asawa't-anak. Medyo emosyonal na ang mga sandaling iyon. Marami akong nakita na nagiiyakan. Nakakaantig ng puso ang mga eksenang iyon.
Kalayaan. Madalas hindi natin napapansin ang halaga nito. Pero nung mga oras na iyon, nasabi ko sa sarili ko na napakaswerte ko at malaya ako. Tayo. Buti na lang at tumuloy kaming tumugtog doon.
Marami akong natutunan.
Vet Day: Eye Check and Vaccination
2 linggo ang nakalipas
touching... what an extraordinary experience! makes me think if i had done / something like this had happen in my life.. hehehe..
TumugonBurahinYes it is. mmmmm...maybe you have... brood over it and let me know ma friend. ;P
TumugonBurahinwow! bilib na talaga ko sayo ah! sa kabila ng takot at kaba you managed to entertain them...i'm proud of you! touching nga talaga...pero dko mapigilan ang sarili ko sa pagtawa habang binabasa ko ito...ang kulet mo kasi eh! good sense of humor...
TumugonBurahinTo Eilanna: Yep, somehow nakakatuwa na-experience ko 'yun. Thank you po daming compliments. ;P
TumugonBurahinTo Harry...
TumugonBurahinWala naman pong anuman!
atleast u had the chance na mapasaya sila kahit na sandali lang! malaking bagay yun for them!