Biyernes, Hunyo 29, 2007

Boy Bakal

Ano ang iyong gagawin kung ang mga dating pinananabikan at pinakahi-hintay mo na mga sandali araw-araw ay maging mala-bangungot na pangyayari sa iyong buhay?

Ang dating mga simpleng gawain ay biglang naging masasalimuot...

Ang dating mga bagay na nagbibigay saya sa akin, ngayon ay walang naidudulot kundi hapdi at kirot na kailangan kong tanggapin, at tiisin.


Gaya ng oras ng pagkain. Tama. Ngayon, pagkatapos na ako ay maoperahan, bunutan at kabitan ng braces, ang bawat meal sa araw-araw ay hindi na sing-sigla noong isang linggo. Kinakatakutan ko ang bawat butil ng kanin na aking isinusubo. Ang bawat karne o gulay na dati-rati'y anung bilis kung nguyain, at lunukin. Ngunit ngayon ay parang naninirahan muna sila sa aking bibig bago ko sila tuluyang pahintulutan na makapaglakbay sa aking lalamunan. Tinititigan ko na lamang ang aking mga kapatid habang sila ay kumakain. Naiinggit sa bawat pagsubo na kanilang ginagawa. Matutunog ang kanilang mga pag-nguya. Humihigop na lang ako ng sabaw at nilalakasan ko rin ang tunog nito.

At siyempre, hindi pa natatapos ang aking kalbaryo sa kusina. Pagdating sa aking kuwarto, sa oras ng paghimlay, mararamdaman ko ang pagsakit ng aking mga gilagid. Ang mga singaw na nagrerebolusyon, at galit na galit sa kanilang bawat paghiyaw. Upang gumaling sila agad, at lumisan agad sa aking bibig, papahiran ko sila ng gamot na siya namang mas nagpapatindi ng sakit na aking nararamdaman. Ang sakit na siyang hindi magpapatulog sa akin buong magdamag.

Pag-gising sa umaga ay ganoon na naman ang tema. O hindi. O anung saklap ng aking kapalaran - sa pagkain, sa pagtulog at maging ang pag-ngiti at pagsasalita ay hindi ko na magawa kagaya dati.

O ang hirap, ang hirap talagang magpapogi.


Subscribe in a reader

Huwebes, Hunyo 21, 2007

Tagihawat

Salamat kay UtakGago sapagkat ako ay wala talagang maisip na isulat kanina hanggang sa nabasa ko ang kanyang bagong istorya.

Tagihawat o Pimple sa wikang Ingles. Karamihan sa atin ay pinagdaanan, o pinagdaraanan ang nakaka-inis na yugto na ito ng buhay. May iba na sadyang pinagpala at hindi nila naranasan ang magkaroon nito, na talaga namang naka-iinggit.

Natatandaan mo ba kung saan tumubo ang iyong kauna-unahang tagihawat?

Bata pa lang ako ay takot na ako magkaroon nito. Banidoso at saksakan kasi ng arte ang lolo niyo. Kaya noong malaman ko kung ano ang sikreto ng mga gwapo, bumili ako agad nito. Nasa Grade-5 lang ako noon. Wala pa akong tagihawat noon, pero sinimulan ko nang magkuskos ng mukha pagdating ng bahay galing eskwelahan. Patago ko itong ginagawa sapagkat baka mapagalitan ako.

Hayskul. Ang teenage years. Saan ka man mapalingon sa eskwelahan, ay tiyak na makakakita ka ng taghiwayat. Iba-iba ang kanilang hugis at laki. May mapula-pula, may maitim-itim, at meron ding kulay yellow-green. Dahil nga sa ako ay naging maagap, wala akong tagihawat noon. Bihirang-bihira at kung magkaroon man, sila ay napakaliliit lamang. Hindi tulad ng sa katabi ko sa klase, ang mga tagihawat niya ay talagang proud na proud sa kanilang mga sarili. Sila ay parang mga sundalo sa giyera na handang magpaputok ano mang oras. Madalas akong tanungin ng ilan sa aking mga kaklase noon kung ano ang aking ginagamit. Siyempre, hindi ko ito sinasabi sa kanila. "Wala, naghihilamos lang ako lagi." sagot ko, sabay talikod sa kanila na may ngiti na pangkontrabida sa teleserye. Sa makatuwid, nakaraos ako ng hayskul na walang problema sa tagihawat.

Hanggang sa ako ay magkolehiyo. Akala ko ay nalagpasan ko na ang pinangangambahang stage na iyon. Ngunit ako pala ay mali. Isa-isa kong napansin ang pagusbong ng maliliit na butlig sa aking mukha. Agad kong sinimulan ang pagkuskos sa kanila gabi-gabi, at hindi ko sila tinitigilan hangga't hindi pa humahapdi ang balat ko. Nawala naman sila agad, salamat sa mga nakaimbento ng mga produkto para dito. Nawala silang lahat matapos ang ilang araw, maliban sa isa. Isang makulit na tagihawat sa aking kaliwang pisngi. Kahit anong gawin kong pang-gigigil sa kanya, patuloy pa rin siya sa paglaki. Biglang may lumitaw na bombilya sa aking ulunan. Isang magandang ideya ang aking naisip. Bago ako matulog isang gabi, kumuha ako ng cotton ball. Nilagyan ko iyon ng sikreto namin. Kumuha ako ng scotch tape. Dinikit ko ang bulak sa aking tagihawat sa pisngi sa pamamagitan nito, at sinabi sa kanya "Ayaw mong umalis ah, tingnan natin!".

Kinabukasan. Pagkagising, tinanggal ko na ang bulak sa aking pisngi. Pagkaligo ay umakyat na ako sa aking kwarto upang magbihis. Pagtingin ko sa salamin ay mayroon akong napansin sa aking pisngi. Akala ko ay Geology class na sapagkat mayroong mapa sa aking pisngi! Kahugis nito ang Luzon! Hinawakan ko iyon upang suriin at nalaman ko na nasunog pala ang aking balat. Ginising ko ang lahat ng tao upang damayan ako sa aking pinagdaraanang krisis. Nagbihis na ulit ako ng pambahay dahil ayaw ko nang pumasok. Nagpapanic ako at sinabi sa aking ate na dalhin niya ako sa kaibigan niyang derma. Nagpunta kami sa isang klinik sa Megamall at doon nga ako nagpatingin. Sinabi ng doktor na medyo matatagalan ang paggaling nito, na siya namang lubos kong ikinalungkot.

Kinabukasan ay nagulat ang aking mga kaklase at kaibigan sa kanilang nakita. Parang may bago akong pinapauso. Talaga namang yukong-yuko ako kapag naglalakad ako sa aming kampus. Ilang linggo rin ang aking tiniis kasama na diyan ang aming field-trip.

Matapos ang maraming gastos, at ilang linggo ng pagpapahid ng kung anu-anong gamot, gumaling na rin ang sunog sa aking pisngi.

Kung may isang tagihawat na mananatiling espesyal para sa akin, siya na iyon. Hinding-hindi ko siya makalilimutan.


Subscribe in a reader

Lunes, Hunyo 18, 2007

Isang Masaklap na Araw

May isa akong ugali na kina-iinis ng isa kong katropa. Ito ay ang hindi ko pagbibilang ng perang isinusukli sa akin. Kahit saan. Sa pampasaherong sasakyan, sa mga fast-food chains, sa nagpapataya ng ending at kung saan-saan pa, basta't may binabayaran. Hindi ko rin binibilang ang laman ng aking pitaka kapag ako ay aalis ng bahay. Hindi ko rin alam kung paano ko na-develop ang pag-uugaling ito. Nang tanungin ako ng aking kaibigan kung bakit hindi ko binibilang ang aking mga sukli, sabi ko sa kanya ay tiwala kasi ako sa mga tao (nakana!). Binatukan niya ako at sinabing "Kaya ka naloloko eh!".

Isang pangyayari sa aking buhay ang nagturo sa akin na lahat ng masama ay sobra. Lalo na ang sobrang katangahan...

Dear Tiyaro,

Itago niyo na lang po ako sa pangalang Leonido Q. Biglanghinga. Nangyari po ang aking kwento noong ako po ay nagta-trabaho sa isang malaking kompanya sa Makati, dalawang taon na ang nakalilipas. Araw-araw, tuwing alas dose ng tanghali, ay may ginaganap na misa sa aming gusali. Bago ako kumain ng tanghalian, sinisikap ko na makilahok dito. Pakiramdam ko kasi ay gumagaan ang aking mga pasanin sa buhay tuwing ako ay nagsisimba. Isang dahilan na rin ay ang aking kras na isa ring masugid na taga-attend ng misa.

Araw-araw, (ayoko na sanang banggitin ngunit importante ito sa aking istorya kaya kailangang malaman niyo (kung ayaw niyong malaman, i-shutdown niyo na ang inyong PC)) ako ay nagdo-donate sa aming simbahan. Maliit lamang na halaga ngunit galing ito sa kaibuturan ng aking puso. Kapag ako ay kumukuha ng pera sa aking pitaka, hindi ko rin binibilang kung magkano ang natirang laman. Pagkatapos ng misa, babalik na ako sa aking pwesto at kakain ng aking simpleng tanghalian (Kare-kare, Lengua Estofado, Morcon, Halabos na Hipon at marami pang iba). Pagkatapos ay balik na ulit sa trabaho. Araw-araw ganoon ang aking routine.

Hanggang dumating ang pinakamasaklap na araw sa aking buhay - February 15, 2006. Pauwi na ako noon. Sumakay ako ng service hanggang Magallanes MRT station. Umakyat ng hagdan. Binukas ang bag pagdating sa guwardiya. Tinusok-tusok niya iyon ng hawak niyang stick. Pagkatapos, pumila ako sa bilihan ng tiket. Inilabas ko ang aking wallet. Ako ay muntik ng mahimatay ng makita ko na onse pesos na lamang ang laman nito! Kinalkal ko ang aking bag at nagbakasakaling may mapupulot pa akong pera, ngunit ako'y bigo. Umalis muna ako sa pila at nagmuni-muni. Tiningnan ang mga tao sa paligid. Kasya lang ang pera ko hanggang Taft Station (10 pesos), ngunit pag dating doon - wala rin. Dahil sa Monumento ang aking punta, hindi rin ako makabibili ng tiket (15 pesos) papunta roon. Hindi ko na alam ang aking gagawin. Kinuha ko ang aking cellphone.Naghanap ng matatawagan. Si Jheng, isang kaibigan na nagta-trabaho rin sa Makati, ang una kong tinawagan. Unattended. Ang isa ko pang kaibigan ay tinawagan ko rin ngunit siya ay nasa Bulacan na. Habang nagtatawag ay may bigla akong nakita. Si Jeph! Ang bago kong kaopisina! Papunta siyang North Ave. kung saan rin ako papunta. Pumila sya sa bilihan ng tiket. Tinanong niya ako kung saan ako pupunta at siya na raw ang magbabayad! Para akong nananalo sa lotto nun! Hindi ko sinabi sa kanya ang aking sitwasyon sapagkat ako ay likas na mahiyain.

Sa loob ng tren, tinawagan ko si Odeth, katropa. Nasa EDSA raw siya bumibiyahe papauwi. Sinabi ko sa kanya ang aking sitwasyon. Nang malaman niya na hanggang SM North EDSA lang ang aking mararating, ay sinabi niya na babalikan niya ako upang sunduin.

Nang magkita kami ay parang siya na ang pinakamagandang babae
sa mundo noong mga panahon na iyon!

Sinabi ko sa kanya na marahil ay nagkamali ako ng bigay sa simbahan at naiabot ko ang mas malaking halaga, o mali ang sukli sa akin sa canteen at hindi ko ito napansin. Hindi ko rin binilang ang dala kong pera bago ako umalis ng bahay noong araw na iyon.

Sana po ay may natutunan kayo sa aking kwento.

Love,

Nids

Ang aral ng istorya: Kaibiganin si Odeth.

Subscribe in a reader

Sabado, Hunyo 16, 2007

Buhay Empleyado: Kaya Mo Pa Ba?

Sa wakas! Tapos na naman ang isang linggo ng pagpapanggap bilang isang aliping-sagigilid sa opisina. Nakapapagod man ang mga nagdaang araw, mas mabuti na iyon kaysa tumambay sa kanto at magpaka-busy sa pagbibilang ng mga kawad ng kuryente ng Meralco.

Maraming beses ko na rin naisipan na umalis sa aking kasalukuyang trabaho. Ano nga ba ang mga bagay-bagay na dapat timbangin upang malaman mo na talagang kailangan mo nang lisanin ang iyong pinapasukan? Ang mga sumusunod ay ang mga itinatanong ko sa aking sarili kapag ako ay naaaning-aning tungkol sa trabaho:

1.) Masaya ka pa ba? Para sa akin, napakahalaga na nag-eenjoy ka sa iyong ginagawa, at siyempre, sa iyong mga kasama. Napakahirap manatili sa isang lugar kung saan hindi ka na tumatawa, hindi ka na ngumingiti, at hindi mo na kasundo ang iyong mga katrabaho. Malalaman mo na hindi ka na masaya kung sa bawat araw na papasok ka ay hindi ka na excited, tinatamad ka nang bumangon sa iyong pagkakahiga, at mukha ka ng eighty-two. Kung ang oras sa opisina ay sadyang napakabagal na para sa iyo, at hindi mo na mahintay ang lunchbreak, miryenda at uwian. Bakit mo pa ipagpapatuloy gawin ang isang bagay kung hindi ka na masaya rito? Adik ka ba?

2.) Anu-ano nga ba ang mga dahilan kung bakit gusto mong umalis? Naliliitan ka ba sa iyong kinikita? Sa tingin mo ba ay dapat mas mataas ang iyong sweldo dahil mahirap ang iyong trabaho? Ang mga benepisyo ba ng iyong opisina ay sadyang hindi mo nararamdaman?
Malayo ba ang iyong opisina at nahihirapan ka nang makipagsipaan sa mga pasahero sa MRT at LRT? O baka naman mahirap ang schedule mo? Madumi ba ang inyong pantry? Pasaway ba ang mga utility at hindi nila nililinis ang pwesto mo? May mga ka-opisina ka ba na walang ibang ginawa kundi siraan ka at sabihin sa iyong boss na hindi ka naliligo? Kung tumango ka sa lahat ng ito ay dapat ka na ngang umalis diyan kung...

3.) May lilipatan ka na ba?
Napaka-hirap umalis sa isang trabaho kung wala ka pa namang lilipatan, maliban na lang kung trip mong maging isang ganap na mangga at magpapakaburo ka sa inyong bahay. Maaari kang magbakasyon sandali upang makapag-relax ngunit kahit ito ay nakaka-inip rin, lalo na kung nasanay ka na maraming ginagawa palagi. Tandaan mo na walang opisinang perpekto. Sa umpisa lang. Makikita mo rin ang mga pagkukulang nito pagtagal-tagal. Nasa sa iyo ang paraan upang maging perpekto ang iyong trabaho sa paningin mo. Banggitin ang "Ang ganda-ganda ng trabaho ko!" ng isang daang beses araw-araw, ngunit hindi rin ito makakatulong.

'Yan ang mga importanteng katanungan (sa aking palagay) na dapat mong isipin bago ka magdesisyon na umalis sa iyong trabaho. Sinagot ko ang lahat ng iyan at pagkatapos, tinimbang ang mga bagay-bagay. Ako ay nagdesisyon na manatili MUNA sa aking trabaho. Bakit? Bukod sa mag-iisang taon na ako dito (Batiin niyo ko, dali!), at madali lang ang byahe ko papunta sa opisina, ay masaya pa rin ako sa aking trabaho, at mga katrabaho. Mahalaga iyon' para sa akin. Kahit
na laging sira ang elevator, at muntik na akong pumanaw kanina lamang dahil biglang bumagsak ang wallfan sa aking ulunan, nag-eenjoy pa rin ang lolo niyo...

Subscribe in a reader

Huwebes, Hunyo 14, 2007

Gusto Kong Maging...

Bumbero!

'Yan ang sinasagot ko kapag ako ay tinatanong noong bata pa ako, kung ano ang gusto ko na maging trabaho paglaki ko. Wala pa naman ako masyadong alam tungkol sa pagiging bumbero noon. Nagustuhan ko lang ang trabaho nila kasi parang ang sarap bumaba doon sa pole na bakal kapag ipinapakita sila sa Batibot.

Tiningnan ko ang aming yearbook noong highschool kahapon. Bukod sa napansin ko na napakaraming estudyante na may paborito sa kasabihan na "Time is Gold", ay napaisip ako. Ano na kaya ang nangyari sa kanila? Natupad kaya nila ang kanilang mga "I wanna be a _______
someday"? Ilan nga ba ang talagang nagsikap at ginawa ang lahat upang matupad ang kanilang inaasam-asam na propesyon noon?

Aminado ako na isa ako sa mga hindi nakatupad ng sinabi kong pangarap sa aming yearbook. To be a Computer Engineer ang nakalagay sa ilalim ng pangalan ng lolo niyo dahil hilig ko na ang PC kahit noong DOS-based pa lang. Pero medyo malapit naman ang aking kurso dito - Computer Science. Sabi kasi noong nag-eenrol ako sa kolehiyo ay ito ang in-demand. Pero noong taon na ng pagtatapos namin ay Nursing na! Saya! Magdiwang tayo!

Marami akong kakilala na kumuha ng gusto nilang kurso, ngunit hindi nila ito ginagamit sa kanilang trabaho. Medyo nakalulungkot ngunit ganoon talaga siguro. May kanya-kanya naman silang dahilan na katanggap-tanggap naman. Pero sana, huwag tuluyang masayang ang mga hirap na naranasan nila noong sila'y nag-aaral.

Darating ang panahon at magkikita-kita ulit tayo ng mga kaklase natin. Umaatikabong kwentuhan ang tiyak na mangyayari.

Na-miss ko tuloy ang tropa ko:

Athena (Apo daw siya ni Ka Tino),
Odeth (Ang babaeng walang bahid),
Jheng (Ang aming financer),
Dino (Ang munti naming kaibigan),
Leo (Cute - sabi niya),
Tin (Ang payat na raw ngayon),
Ria (Uwi ko galing Singapore?),
K8 (Kakosa habambuhay),
Chelot (Ang kaibigan kong di kaputian),
Joyce (Kaibigan at kasosyo),
Mike (Kumpare),
Rommel (Ang bihira magparamdam)


Kumusta na kayo?


Subscribe in a reader

Miyerkules, Hunyo 13, 2007

Isang Malaking Kalokohan

Isang advertisement ang aking napansin sa isang poste malapit sa aming bahay kahapon. Isang bagong eskwelahan na nanghihikayat ng mga estudyante upang sa kanila magsipag-enrol :

Hurry! Enroll now and get up to 30% discount, or even more!

Kung sa kanila ka raw mag-eenrol, makakadiskwento ka hanggang tatlumpung porsyento, o higit pa. Ibig sabihin walang katiyakan kung magkano nga ang mababawas sa kabuuan ng dapat mong bayaran! Hindi ba't nakaka-inis 'yun? Isang malinaw na panlilinlang sa publiko. Eskwelahan pa naman ang kanilang itinataguyod, isang lugar kung saan hinuhulma ang kaisipan ng mga mag-aaral.

Sana ay makaharap ko kung sino man ang nag-isip nito nang makita niya ang kanyang hinahanap.

Hindi naman ako galit nito?

Hindi naman, inis lang.


Subscribe in a reader

Martes, Hunyo 12, 2007

Unang Trabaho - Part 1

Sigurado ang mga karanasan ninyo sa una niyong trabaho ay hinding-hindi niyo makalilimutan. Dalawa ang tinuturing kong unang trabaho. Dalawa kasi ang career ng lolo niyo.

Ang una ay nang magkaroon ako ng singing engagements. Nagsimula 'yun nung ako ay nasa highschool pa lamang. Naiimbitahan akong umawit sa mga kasal, birthday parties, at syempre ang pinakamasaya sa lahat - sa mga libing. Magandang experience. Kaso lang kapag kamag-anak namin ang nang-imbita ay shake-hands na lang at walang bayad. "Ayos lang 'yun, exposure din 'yun." ang pang-uuto ng aking daddy. Pagtagal-tagal ay hindi na 'ko pumapayag ng walang bayad (haha). Ganun talaga, trabaho lang walang personalan. Nagkaro'n ako ng unang regular na gig nung ako ay nasa kolehiyo na. Hindi banda ang kasama ko. Isang babae na nagngangalang Cherry. Siya ay kumakanta sa mga hotels sa Malaysia. Kaming dalawa ay mga videoke masters tuwing sabado sa isang bar sa Bulacan. Tuwang-tuwa na ko noon kasi siyempre, nagagawa ko na ang gusto ko at kumikita pa ako. Nagsisimula kami ng alas-otso ng gabi, at natatapos kami ng alas-dos ng madaling-araw. Walang break 'yun. Ang pinakapahinga lang namin ay kapag may nakiki-jam. Kahit nakakapagod ay na
batak ako ng husto. Kaya naman ngayong sa banda ay tatlong sets lamang at may pahinga pa sa pagitan ay madali lang para sa akin (yabang!).

Susunod na ikukwento ko ay ang unang trabaho ng lolo niyo sa opisina...

Sabado, Hunyo 9, 2007

Nang Mapahiya si Totoy

Ako ay pinalad na mapasama sa listahan ng aking apo na si Aileen kung saan kailangan kong maglahad sa madla ng isa sa pinaka-nakatutuwa at pinaka-nakahihiyang karanasan ko nung ako ay bata pa... at ito na nga ang aking kwento.

Ang aming mga bintana sa itaas ng aming dating bahay ay malalaki. Dito ako umuupo habang nagsusulat o nagbabasa. Nakalilibang tumambay dito dahil tanaw ang mga tao sa kalsada. Kami ng aking kapatid na lalaki ay umuupo rito minsan upang magbilang ng mga jeep at mamintas ng mga taong nagdaraan. Madalas rin ay tumatayo kami roon para tanaw na tanaw talaga ang lahat ng gusto naming makita sa labas.

Mga pitong-taon siguro ako noon. Kasalukuyang ako'y nagmumuni-muni sa bintana ng dumaan ang aking crush. Tinawag ko siya at kumaway-kaway. Kumaway rin siya. Kinilig ako. May sinasabi siya ngunit hindi ko ito maintindihan kaya tumayo ako sa bintana. Natatakpan kasi siya ng mga halaman. Habang kausap ko siya at ako ay todo pa-cute ay bigla ko na lang naramdaman na nahubad ang aking shorts! Hinubuan pala ako ng aking ate! Wala pa naman akong underwear noon! Tumawa ng pagkalakas-lakas ang aking crush at ang aking ate habang ako naman ay kulay kamatis na bumaba ng bintana at nagkulong sa kwarto, nagtalukbong ng kumot at hindi na muling lumabas buong araw.

Tuwing magkakasalubong tuloy kami ng crush ko ay nakangisi siya, at gusto ko na lang lumubog sa lupa noong mga panahon na iyon. Hindi ko na siya matingnan ulit kagaya nung dati.

Salamat sa ate ko. Kung hindi dahil sa kanya ay wala akong makukwento sa inyo ngayon.

Miyerkules, Hunyo 6, 2007

Pasukan


Umpisa na naman ng klase. Iba't-ibang eksena ang nagaganap sa unang araw sa eskwelahan. Ito ang mga natatandaan ko na mga kaganapan noong unang panahon.

Kindergarten. Todo iyak ako nung ako ay iwanan ng aking mommy sa gate ng school. Parang hindi na kami ulit magkikita - 'yun ang pakiramdam ko. Pagtahan, pinilit na makinig sa sinasabi ng matandang babae sa aking harapan. Siya pala ang principal. Hindi ko alam kung bakit ako pa ang napili na taga-taas ng ating mahal na watawat tuwing umaga gayung ako ang pinakamaliit sa klase. Lugaw, champurado, pansit, sopas ang ilan lamang sa mga pinakaaantay naming kainin kapag recess, at lahat 'yon ay libre at pwede pang bumalikbalik kung ikaw ay talaga namang gutom na gutom. Ang pinaka hindi ko malilimutan ay nang ako ay makatapos na 1st honor. Hindi ako nagyayabang. Normal ko 'to.

Gradeschool. Lumipat ako sa mas malaking eskwelahan. Gaya ng dati, umiyak ulit sa unang araw. Todo tucked-in pa ang polo ko noon, katulad nung kinder ako. 'Yun pala eh hindi dapat ganoon kaya inayos ng adviser ko. Siyempre, una na naman ako sa pila. Taga sigaw ng "arms forward!" sa buong kapilahan. Taga-pantay kung kiling ang direksyon ng pila. Taga-lista ako ng noisy sa classroom. Dito ko rin unang naranasan na sumali sa singing competition. Una pa lang, talo na agad ang lolo niyo. Pero di pa rin nadala ang aking mga guro at sinali ulit ako nang paulit-ulit. Medyo nananalo na nung bandang huli. Naawa na siguro ang mga judges sa akin dahil taon-taon ay sumasali ako.

Highschool. Hindi na ko umiyak nung unang araw. Tuwang-tuwa pa nga dahil sa wakas may pasok na ulit. Ibig sabihin may allowance na ulit. Hiwalay na ang mga babae sa aming mga lalaki. Malisyoso kasi ang mga madre sa aming eskwelahan kaya ganoon. Pangalawa na ko sa pila. Minsan pangatlo kapag natakot ko nang husto ang aking kaklase at utusan siya na siya ang lumugar sa pangalawa. Ako ang taga-awit ng Lupang Hinirang tuwing umaga kaya naman ito ang nilalagay ko na favorite song sa mga slam books na pinasasagutan sa akin.

College. Ang antas ng pag-aaral na muntik ko nang hindi marating. Ako ay desidido na talagang pumasok sa seminaryo noong mga panahong iyon, pero pinagbigyan ko ang aking mga magulang at kumuha ng mga exam sa iba't-ibang kolehiyo. Ang galing ko talaga dahil sa dami nang na-applyan ko, isa ang tumanggap sa akin. Nakakatamad ang unang araw. Pagpasok sa room mukha agad ng isang dating schoolmate ang bumungad sa akin. Ngiting-ngiti dahil nakakita rin siya ng kakilala na mahihingan ng extra rice at ulam kapag sabay kami kumain. Walang pumasok na prof noong umaga kaya tumambay na lang ako sa canteen. Mag-isa at nakahiwalay sa mga estudyanteng napakaiingay at akala mo matagal nang magkakakilala, kumain ako ng oreo at iced tea - heavy meal. Hindi na ako umattend pa ng mga sumunod na klase dahil kailangan ko pang magdeliver ng mga pirated cd's na aking binebenta noon, sa halagang P100 ang isa. Talaga namang sulit na sulit.

Ang sarap maging estudyante. Kung ikaw na nagbabasa nito ay isang estudyante, pahalagahan mo ang bawat araw habang ikaw ay nag-aaral. Darating ang araw at babalikan mo ang lahat ng iyan at ipo-post mo rin sa blog mo.

Lunes, Hunyo 4, 2007

Gimik Sa Kulungan

Nagsimula akong sumama sa banda noong ako ay nasa kolehiyo pa lamang. Marami na rin akong lugar na napuntahan dahil dito. Naiimbitahan kaming tumugtog kung saan-saan. Kung mayroon mang isang lugar na hindi ko makakalimutan, 'yun na siguro ang Bulacan Provincial Jail.

Tama. Isang kulungan, Kami ay tumugtog sa pinakamalaking kulungan sa buong Bulacan. Dito nakakulong ang mga may pinakamabibigat na kaso. Noong una ay parang ayokong tumuloy. Natatakot ako na baka habang ako ay kumakanta sa entablado ay bigla na lang may lumipad na kutsilyo papunta sa akin. Pero nakiusap talaga ang mga organizer at nangakong sisiguraduhin nila ang aming kaligtasan. "Family Day" daw kasi ng mga preso kaya mayroon silang inihandang programa.

At ayun, tinanggap na nga namin ang kanilang imbitasyon.

Pagdating namin doon, kami ay kinapkapan ng husto ng mga bantay. Pagkatapos ay sinamahan sa gate. Hindi nila binubuksan ng buo ang gate. Halos bata lang ang kasya sa nakabukas na parte nito, kaya kailangan naming yumuko papasok. Napansin ko na may mga preso na may hawak na mga kahoy - sila daw ang mga tanod kumbaga. Kakaiba ang simoy na hangin sa loob ng kanilang quadrangle. Mainit at may kung anung amoy. May nadaanan pa kaming naglalaba sa gilid.

Sa opisina kami ng hepe tumuloy. Ito ang magsisilbing aming dressing room. Lahat daw ng kailangan namin ay sabihin lang namin doon sa magbabantay sa amin. Isang preso na parang lider sa isang selda. Sinilip ko sa bintana ang stage. Nakita ko na may mga preso na abot na abot ang sahig nito. Mayroon pa nga na halos nasa stage na mismo. Nakakakaba. Naisip ko na ang mga klase ng tao na iniiwasan kong makasalubong kapag ako ay naglalakad sa kalsada ay haharapin ko ngayon, at kakantahan ko pa...kumusta naman?


Paglabas namin sa opisina ni hepe papunta sa entablado, hinatid kami ng mga apat na pulis siguro. Hinawi ng mga "pamalo boys" ang mga preso na nasa daraanan namin. Pagakyat sa entablado, mas lalo akong kinabahan. Ang dami pala talaga nila doon. Mayroon pa sa mga terrace ng mga gusali. Inaantay ko na lang na may lumipad na kung anung matalim na bagay papunta sa amin.


Unang kanta. Pangalawa. Pangatlo. Habang tumatagal ay nagiging palagay na ang loob ko. Lalo na pag nakikita mong nakikinig talaga sila. Minsan nga ay sumasabay pa sa kanta namin. Masaya sila dahil nakalabas sila ng kanilang mga selda kahit isang gabi lang. At syempre, kasama nilang nanunuod ang kanilang mga pamilya. Nakakatuwa silang tingnan.

"Where is the Love?" para sa Selda 19. Nakalagay sa isang papel na iniabot sa amin. Ano kaya ang nasa isip ng nag-request nito?

Mayroon pang "Larawang Kupas" para sa "Palakpak Gang".

Nagpabati rin ang lahat ng miyembro ng "Akyat-Bahay" at "Salisi" gang. Hindi ko alam kung matutuwa ako o matatakot nung nabasa ko ang kanilang mga pangalan. Talaga pala na nandoon nga sila sa harap ko.

Ang huli naming tinugtog ay ang kantang "Happy" ng Jackson 5. Dahil nga sa patapos na ang programa, ibig sabihin ay uuwi na ang kanilang mga asawa't-anak. Medyo emosyonal na ang mga sandaling iyon. Marami akong nakita na nagiiyakan. Nakakaantig ng puso ang mga eksenang iyon.

Kalayaan. Madalas hindi natin napapansin ang halaga nito. Pero nung mga oras na iyon, nasabi ko sa sarili ko na napakaswerte ko at malaya ako. Tayo. Buti na lang at tumuloy kaming tumugtog doon.

Marami akong natutunan.

Linggo, Hunyo 3, 2007

Ordinaryong Bus



Pauwi galing sa isang mall kasama ang aking kaibigan, habang nag-aabang kami ng bus na masasakyan, bigla niyang naitanong sa akin kung nakasakay na daw ako sa ordinaryong bus. Sabi ko "Siyempre naman!". Nagulat ako dahil siya pala ay hindi pa. Natatakot daw kasi siya sumakay sa ganoon. Mukha raw kasing delikado, at talaga namang kaskasero ang mga drayber.

Bakit nga ba minsan mas pinipinili kong sumakay sa bus na ganito kesa sa
aircon na bus?

1. )
Mas mabilis. Dahil sa laging nakabukas ang pinto ng mga ganitong bus, madaling nakakasakay at nakabababa ang mga pasahero. Hindi rin sila tumitigil at nagpupuno ng matagal sa kalsada. Minsan nga ay hindi talaga tumitigil ng husto kahit may sumasakay at bumababa. Siguraduhin lamang na mahigpit ang iyong pagkakakapit, at marunong tyumempo kung kailan tatalon kung ayaw mong gumulong sa kalsada.

2. )
Mas mura ang pamasahe. Hindi ko na 'to kailangan pang ipaliwanag sa iyo.

3.)
Walang air-freshener na nakakahilo. Ako ay inis na inis kapag nakasakay ako sa bus na may mga "pine tree" na air freshener. Ang amoy nito ay talaga naman nanunuot sa aking ilong diretso sa aking utak, at nagiging dahilan upang sumama ang aking pakiramdam - lalo na 'yung kulay dilaw! Ang mga ordinaryong bus ay siguradong wala nito.

4.)
Kahoy na upuan. Kung minsan nakakasakit na rin sa likuran ang palagiang pagsandal sa mga malalambot na upuan. Halos lahat ng ordinaryong bus ay kahoy ang mga upuan. Sa bilis ng pagpapatakbo ng drayber, siguradong lapat na lapat ang iyong likod sa sandalan.

5.)
Walang tumutulong tubig. Siyempre dahil wala ngang aircon, wala nang iiwasan pang upuan kung saan may tumutulong tubig, na kung siniswerte ka nung araw na 'yun ay dun ka matatapat at paniguradong tunaw ang gel sa iyong buhok na napakatagal mo pa namang inayos bago ka umalis ng bahay.

6.)
Walang insekto. Base sa aking obserbasyon, mas madalas akong makakita ng kung anu-anong gumagapang sa mga aircon bus, at wala pa sa mga ordinaryong bus. Marahil sila kasi ay natatangay ng malakas na hangin papalabas ng bintana kaya ganoon.

Ah basta, kung ako ay mahuhuli na at hindi naman mainit masyado ang panahon, at kung iyon ang unang dumaan sa aking harapan, sasakay na ako. Mas mahirap naman na tumayo at maghintay ng pagkatagal tagal.