Miyerkules, Agosto 15, 2007

Ang Yosi-Girl

Isa na namang ordinaryong (akala ko lang) paglalakbay papuntang opisina lulan ng isang jeepney. Malamig ang gabi. May kaunting hamog. Masarap ang simoy ng hangin. Ayos na ayos ang aking pwesto - sa may bintana. Medyo napapakanta pa ako habang bumabiyahe. Hindi naman gaanong puno ang sasakyan, marahil dahil lumalalim na ang gabi. Perpektong perpekto ang bawat sandali hanggang sa sumakay ang isang babae. Bata pa siya. Katamtaman ang katawan. Morena. Maayos at nakapusod ang kanyang buhok. Naka-make-up. Pormal ang kanyang kasuotan. Siguro ay galing siya sa trabaho, o sa paghahanap ng trabaho. Umupo siya sa aking tabi. Sa kanan ko. Sa kanang bahagi ng jeep ang aming pwesto (kung titingnan mula sa estribo o likuran ng jeep) kaya nakatalikod siya sa akin at nakaharap naman ako sa kanyang likuran. Gawi ko na kasi ang dumungaw sa bintana habang bumabiyahe. Normal naman ang sitwasyon hanggang sa may dinukot siya sa kanyang bag. Sigarilyo at lighter! O hinde! Nagsindi siya. Humithit. Bumuga. Lahat ng usok ay pumunta sa aking mukha. Ang mga abo ay dumikit sa aking polo shirt at sa aking kulay itim na bag. Nagsalubong ang aking kilay. Nabalot ako ng inis. Gusto ko siyang kalabitin at pagsabihan ngunit sa tingin ko, siya ang tipo ng babae na magsisigaw at mageeskandalo, kagaya ng pageeskandalo ng kaniyang tagihawat na humihiyaw ng "Paputok na 'ko!". Naubo ako nang hindi ko sinasadya. Lumingon siya sa akin, sabay irap! Hithit at buga ulit. Matapos ang halos kalahating oras ng pagtitiis, pumara na siya. Habang pababa, hindi ko alam kung sinadya niya ang pagtapak sa aking kaliwang paa sa kanyang pagdaan. Pinigilan ko ang aking sarili. Naniniwala ako na sa mga ganitong pagkakataon ko mapapatunayan ang halaga ng diplomatikong pagturing sa mga taong pasaway kagaya niya - na itatago ko sa pangalang Hellena. Hindi ko nasabi ang mga nais kong sabihin, kaya narito na lang ang aking ginawang liham para sa kanya:

Dear Hellena,

Isang mausok na gabi sa'yo. Ako ay lubos na nalulungkot sapagkat hindi naging maganda ang ating naging engkwentro sa jeepney kanina. Ngunit may karapatan naman siguro ako na mainis nang magsimula kang manigarilyo sa aking tabi, 'di ba? Ang usok na iyong ibinubuga ay dumidiretso sa aking kyut na kyut na mukha. Ang mga abo na iyong ikinalat ay nagmarka sa aking kulay itim na bag. Oo, ito ay magsisilbing marka ng mapait at mausok na ala-ala mo. Hindi mo ba alam na bawal ang iyong ginagawa dahil nasa pampublikong sasakyan ka? Hindi mo ba kami naisip? Ang iyong mga kasakay? Ang sanggol na ating kasakay? Hindi mo ba kayang pigilan man lamang ang tawag ng iyong baga kahit panandalian lamang? Naubo ako, totoo 'yun at hindi para magpapansin sa'yo. Bakit mo 'ko inirapan? Hindi ba dapat ako ang dumukot sa mga mata mo? At gawing ashtray ang mga ito? Bakit mo inapakan ang aking paa? Hindi mo ba alam na kalalaba lang ng aking rubber shoes? Sana naging masaya ka sa mga ginawa mo. Sana hindi ka makatyempo ng iyong katapat. Sana sa susunod na magyosi ka ulit sa jeep, kasing bait at kasing gwapo ko rin ang iyong makakatabi. Kyut ka rin sana, kaya lang manhid ka at walang pakisama. At dahil diyan, 'di kita bati!!


Always,

Lolo

P.S.
Sa susunod na mang-iirap ka, siguraduhin mong wala ka ng muta.


Paglilinaw: Hindi ko kinukutya ang mga taong naninigarilyo. Walang masamang tinapay sa akin ang mga taong ito. Ang punto ko lamang rito ay may kakambal na responsibilidad ang lahat ng bagay na ating nais gawin, lalung-lalo na kung gagawin ito sa mga pampublikong lugar, o sasakyan. Sana ay huwag natin isantabi ang kapakanan ng nakararami para lamang sa ating mga pansariling kagustuhan...please?


7 komento:

  1. HAHA! Oo nga, nakakainis ang mga taong nagyoyosi sa jeep. Respeto naman diba? LOL! Tapos bubugahan ka pa sa mukha, parang.. HELLER! LOL!

    Dapat, inubuhan mo siya sa mukha. Ganun yun e. LOL!

    Ang puso mo, Lolo. Ang puso mo. :))

    TumugonBurahin
  2. Kay Jhed: Siyang tunay! Sige sa susunod na mangyari ulit, uubuhan ko sa mukha tapos may kasama pang ple__ Ewww. LOL!

    Nagsisikip tuloy dibdib ko oo!

    TumugonBurahin
  3. Sa mga sitwasyong ganyan scripted na ang sinasabi ko, "Maam/Sir, pasensya na po kayo pero may hika po kasi ako. Sorry po." sabay takip ng ilong ng panyo. Okaya pag may kasama ka, siya ang idahilan mong may hika. Hehe.

    Smokers usually feel a lot of discrimination when you appeal to them straightly, nicely, or even through gestures (kagaya mong napa-ubo) that you don’t like second-hand smoke on your face. When you appeal to them on a sense that they are infringing somebody else’s health, they usually respond more positively. At definitely hindi naman siguro na siya mangiirap at magtatapak ng paa. Naku masakit yun lalo na kung naka stiletto shoes pa siya. Yikes!

    Smoking depletes 30% or more of our vitamin c. What more second hand smoke which is worse. So that explains why she has pimples and acne. Smokers usually have bad skin and heal slower because of that deficiency. May iba naman na sobrang alaga talaga. Even though they smoke, they intake double the ascorbic acid that usual people take and apply topical vita c rin creams sa kanilang face just to cope up.

    TumugonBurahin
  4. Oi Marc pwede ko ba mahiram ang script mo? weeeehh...

    Ang husay! Dagdag kaalaman 'yan para sa'kin ah. Salamats. :D

    TumugonBurahin
  5. may isa pa akong script. minsan kung may kasama akong girl, eto ang cnasabi ko, "Sir/maam, pasencya na no kayo talaga, pero buntis po kasi itong asawa ko, bawal po ang mausukan. sorry po tlaga."

    nagamit ko ito once, natawa ung friend kong girl and the script worked like a charm. sabi nung manong, "ay naku sorry ah, buntis din ang anak ko," sabay tapon ng yosi at tapak para patayin ang sindi.

    apparently, when it comes to their own health, ndi cla masyado nagaalala, pero when it come to the health of others, concerned naman sila. hope this works for you.

    TumugonBurahin
  6. nakakapag init ng dugo at nakakapagpalukso ng balon-balunan ko ang mga kupal na walang pakundangang bumubuga ng usok sa harap ng ibang tao. tama ka, may kaakibat na responsibilidad ang pag susunog ng baga. huwag na sanang gawin pa sa katabi. sa sarili na lang. kung tutuusin, medyo ma-diplomasya pa nga ang liham na sinulat mo. kung ako yan, baka ito lang ang naisulat ko:

    Mahal kong babaeng may yosi,

    Hoy, p***ng ina ka, wag mo kong bugahan kung ayaw mong bumakas ang swelas ng sapatos ko sa di kagandahan mong mukha!

    nagmamahal,
    pasahero

    TumugonBurahin
  7. Kay Marc: ahehe...sige gagamitin ko nga 'yan kapag nangyari ulit.

    Kay Slim Whale: Bwahaha. Brutal ito! Pero sweet pa rin ang dating ah, "nagmamahal" ang ending eh. HAHA.

    TumugonBurahin