Martes, Marso 31, 2009

Bloggers Breakaway Bash



Matapos ang ilang dekada ay muli akong nakaattend sa isang blogger event. Ito ay ginanap noong ika-28 ng Marso, taong kasalukuyan, sa SM City San Lazaro, Manila. Nakatutuwa makilala ang mga gaya kong bagito sa blogging world, at ang mga nagnanais pa lamang magblog. Nawa'y maituloy ninyo ang inyong binabalak. Maraming salamat sa mga sumusunod na isponsors:




Informatics Dapitan-Sampaloc, Digital Walker, at Manila Bulletin Travel.



At palakpakan din natin ang mga nag-ayos ng kaganapang ito. Kami'y lubusang nagalak at natuwa. (At may napanalunan ako sa wakas! In fairness!)



Hanggang sa muli...hiiiii...hiiiii...yaaaaaaaaaah... (Insert saxophone here.)

Biyernes, Marso 27, 2009

I Love Lumba-Lumba

Batid ng karamihan sa mga nakakikilala sa akin na ako ay lubos na nahuhumaling sa mga lumba-lumba. Kung isang uri ng tao ang nasa isip mo ay nagkakamali ka...

Lumba-lumba o mas kilala sa tawag na dolphin sa ingles ang aking tinutukoy. Ako'y talaga namang humahanga sa mga katangian ng nilikhang ito kaya naman isa ako sa mga sumusuporta upang sila'y mapangalagaan ng husto.

Hinding-hindi ko makalilimutan ang panahong ako'y nagkaroon ng pagkakataon upang makadaupang-palad ang mga lumba-lumba. Isang natupad na pangarap ika nga.



Wala pang Digicam nung aking kabataan.


Marami-rami na rin akong nakolekta na mga abubot na puro anyong lumba-lumba. Karamihan ay mga donasyon mula sa 'king mga mababait na kaibigan at kamag-anak. Hindi na nga sila nag-iisip kapag panahon ng bigayan ng mga regalo.



Ilan sa aking koleksyon...at ako'y tumatanggap pa ng mga donasyon.


Ako nga'y isang lumba-lumba adik na maituturing. Kaya naman nang marinig ko at mabasa ang balita tungkol kay
Ronnie Dabal, isang 35-anyos na mangingisda ng tuna (magtutuna?) sa Palawan, ay hindi ko naiwasang matuwa sa galak.

Habang nangingisda siya isang umaga noong Desyembre ng nakaraang taon, nabangga ang kanyang sinasakyang bangka at tumaob ito. Nasa malalim na parte siya ng laot noon kaya naman todo panik si kuya. Pinilit niyang languyin ang pampang ngunit masyadong malakas ang alon, at siya ay tinatangay papalayo. Inabot na siya ng dilim na palutang-lutang sa karagatan. Lubusan siyang napagod at nalupaypay dahil sa kakalangoy maghapon. Nakiepal pa ang maliliit na mga nilalang na tinatawag na "bugto", ito ay magalamay na something at kumakain ng laman ng tao. Duguan na siya kaya naman nangamba siya na baka ilang sandali lamang ay lapitan siya ng mga pating at gawing dinner ng bonggang-bonnga.

Wala na siyang nagawa kundi magdasal na lamang ng todo at magpaubaya sa mga alon.

Halos mawalan na siya ng pag-asa noon hanggang sa may napansin siyang lumalangoy-langoy papalapit sa kanya - (halos) tatlumpung lumba-lumba at dalawang balyena ang to the rescue kay kuya. Inalalayan daw siya ng dalawang balyena to the left to the left at kanan niya. Ang mga lumba-lumba naman ang siyang humihila at tumutulak sa kanya papuntang pampang. Ang iba sa mga lumba-lumba ay pumalibot sa kanya ng ilang metro na para bang mga nagbabantay at handang-handa kung may eeksenang masamang-loob.

Nawalan na siya ng malay sa portion na iyon at nagising na lamang noong nasa pampang na siya.

Huwaw. Lalo akong nainlab sa mga lumba-lumba.

Ang galing. Hindi ko maiwasang mainggit kay kuya. Sana magkaroon din ako ng pagkakataon na palibutan ng mga lumba-lumba, pero huwag na lang 'yung mga bugto - ewwness!

Mapapanuod ang istoryang ito sa Rated K,
ABS-CBN, Linggo (Marso 29, 2009).


Martes, Marso 24, 2009

David

Tuloy na rin sa wakas!

Matapos ang matagal na paghihintay...


Ang dalawa sa pinakasikat na Idol na sina David Cook at David Archuleta ay magtatanghal na para sa kanilang mga Pilipinong tagahanga sa ika-16 ng Mayo, sa Mall of Asia Open Ground, taong kasalukuyan.

Ipinahayag nila ang balitang ito sa pamamagitan ng kanilang mga vlogs. Narito't inyong panuorin:











Bonggang-bongga!

P.S.
Mas gusto ko ang kamera ni Cook.


Lunes, Marso 23, 2009

Bloggers Breakaway Bash

Matagal-tagal na rin akong hindi nakapupunta sa mga salu-salo ng mga kapwa blogger ko. Miss ko na ang tsikahan, tsismisan, pwibis, at syempre ang handaan.

May magaganap na blogger event...

Klik mo 'to para makasali.


Libre. Masaya. Andun pa 'ko. Punta na.

Martes, Marso 17, 2009

May Asim Pa Ang Lolo Niyo

Hindi Chocolate Hills o kung ano mang mabahong bagay gaya ng nasa isip mo ngayon ang nasa larawang ito...


Sapagkat ako'y naiinis at 'di mapakali kapag wala akong ginagawa, umisip ako ng isang gawain na maaaring maging libangan ko at syempre, sa hirap ng buhay ngayon, dapat pagkakakitaan rin.


Sa tulong ng aking inang, tinuruan niya ako kung paanong gumawa ng Sampalok candies. Opkors, hindi ko sasabihin dito kung paano ang proseso ng paggawa, maliban na lamang kung babayaran mo 'ko ng bonggang-bongga para ibunyag ang sikreto na kanyang pinagkatago-tago simula pa noong unang panahon.

Hindi naman ako mahilig sa Sampalok. Naging interesado lang ako kung paano ito ginagawa, at dala na rin nang pagkabato kapag walang pasok.


Pinis Pradak


Naging matagumpay naman ang aking pagluluto, at ngayon ay pinagkakaguluhan na ito ng aking mga kamag-anak at mga kaibigan. Kusang-loob at walang pamimilit na naganap sa kanilang pagbili. Wala talaga. ;)

Pero hindi pa rin ako marunong magluto ng kahit anong ulam, ni magsaing. Haha.

Bili na! Dali!

Huwebes, Marso 5, 2009

Kol Sener

Aba! Akalain mo ‘yun? May blog pala ako!

Muntik-muntikan nang mabaon sa limot ang blog kong ito. ‘Di ko rin alam kung bakit ba hindi ko magawang magkwento noong mga nakaraang buwan. Hindi naman dahil wala akong maiikwento. Marami ngang nangyari sa Lolo niyo at kapag sinipag-sipag at ‘di umatake ang rayuma eh isusulat kong lahat rito.

Unahin natin ang isa sa mga pinagkaabalahan ko noong Nobyembre at Disyembre.

Dahil ako’y nakabakasyon nang mahaba-haba mula sa aking trabaho, ako’y nainip ng todo. Hindi kasi ako mapakali ‘pag ako’y nakatunganga lamang at walang ginagawa. Sa aking pamamasyal sa internet, nakatagpo ako ng isang gawain na hindi ko pa nasusubukan, at maaaring pumawi sa aking pagka-inip…

38-day Call Center Employment

Marahil sa karamihan ay kabaliwan ang pagkakaroon ng trabaho sa loob lamang ng napaka-igsing panahon, pero iba ang dating nito sa Lolo niyo. Dahilan nga na wala naman akong ginagawa, at kailangan ko ng pagkakaabalahan, sinubukan kong pasukin ang trabahong ito.

Kaarawan ko pa noong ako’y pumunta sa nakasaad na opisina sa patalastas. Magara ang gusali at pati na rin ang mismong opisina. Lumantad sa ‘king harapan ang napakaraming aplikante kahit napakaaga pa. Tanda na marami pa rin ang naghahanap ng trabaho gaya ng kahit anong panahon.

Lumapit ako sa isang babae na medyo suplada. Sa kanya ipinapasa ang mga resume ng mga aplikante. Matapos kong makipagplastikan sa kanya ng ilang minuto ay umupo ako sa isang tabi at naghintay.

Makaraan ang ilang beses kong pagbalik-balik sa C.R., at dalawang oras, tinawag ako ng isang matabang lalaki, at ininterview. Pagtapos noon ay exam naman. Pagtapos ay interview ulit. Nakapag-Enervon Prime ata ako noon at naipasa kong lahat ito. Pinapirma na ako kaagad ng kontrata para sa aking napaka-igsing trabaho.

Nagsimula ang training ng Nobyembre. Ang tatlong linggong ito ay kasama na rin sa tatlumput-walong araw ng pagtatrabaho. Bayad ka na, ngunit nakikinig, naglalaro, at nakatanga ka lang naman magdamag. Magdamag. Mula alas-diyes ng gabi hanggang alas-siyete ng umaga. Wala namang problema sa akin ito sapagkat sanay naman ako sa puyatan, bagay na natutunan ko sa pagkanta sa mga lamay noong aking kabataan.

Pagkatapos ng training period, ay sabak na sa aktwal na trabaho. May mga natanggal at hindi nakapasa, ngunit sa tulong ng mga halamang gamot na iniinom ko, nakalusot ang Lolo niyo.

Naalala ko pa ang unang tawag na aking natanggap. Isang matandang babae. Mabait siya at nakatutuwa. Bagay na akin din namang ikinasiya. Ngunit paglaon, napagtanto ko na hindi lahat ng caller ay ganoon. Sa katunayan, napakaliit na porsiyento ang makatanggap ka ng tawag mula sa ganoong klaseng nilalang. Sa aking eksperiyensa, mas marami ang mga hinayupak na customer. Na talaga namang nagpa-highblood sa akin nung mga panahong iyon.

May mga sumisigaw, nag-iinit, nagmumura, nanlalait, at kung anu-ano pa. Mga eksena na dapat iyong intindihin at sikmurain. Ito, sa aking pananaw, ang nagpapahirap sa ganitong klaseng trabaho.

Isa pang medyo hindi ko nagustuhan ay ang de-minutong pagkilos mo sa araw-araw. Ang pagpunta sa C.R. o restroom o washroom o john o jane (ang pagtawag ay depende sa iyong kaartehan) ay kailangang tumagal lamang ng sampung minuto sa buong araw. Isang parte kung saan ako’y nahirapan. Ang layo mula sa aking upuan papunta doon ay dalawang minuto nang paglalakad. Babalik ka pa diba?

Masuwerte ka rin kung matatapat ka sa bonggang-bonggang kompyuter. Kung hindi, mas agahan mo pa kinabukasan upang mauna ka sa pagpili.

Isang magandang balita ay ang libreng pagkain. Dahilan ng aking pagtaba ay ang tatlong kanin, tatlong ulam at panghimagas araw-araw.

At mas malaki rin ang sweldo namin kumpara sa mga regular na empleyado doon. Dahilan ng paulit-ulit nilang pagsabi ng “Genen?! Grebe! Kekeengget nemen!”

Suma total, naging isang magandang yugto ng aking buhay ang pagpasok ko sa isang kol sener. Marami akong nakilala. Kumita ako ng malaki. Tumaba ako. At mas naging compiden ako sa aking Inglis.

Aaminin ko na minsan ay nakatataas ng kilay ang kakonyohan ng ilan sa mga nagtratrabaho sa ganitong industriya. Sana tandaan nating Pilipino pa rin tayo kahit na kadalasan ay nasa ibang panig ng mundo and isa o dalawa nating tenga.

Pero dahil din dito, natutunan ko na hindi para sa akin ang ganitong trabaho. Marami akong inaway at sinigawang kostomer. Hindi kasi kaya ng aking damdamin na sigaw-sigawan na lamang ang aking pagkatao you know.

Pero saludo ako sa mga kol sener eydiyents diyan, at ipagpatuloy niyo ang gawaing iyan kahit na mahirap at stressful ika nga. Basta nakatutulong naman sa ating sarili at pamilya, go! Go! Go!