Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Trabaho. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Trabaho. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Abril 2, 2009

NBI Clearance 101



Panahon na naman kung kailan pinakamaraming naghahanap ng trabaho. At kakambal ng pag-aapply ay ang pagkumpleto ng mga kinakailangang dokumento at iba pang anik-anik. Isa na rito ang NBI clearance. Ang NBI clearance ay isang dokumento na nagpapatunay na ika'y wala o wala nang bahid ng kahit anung kriminal na kaso kaya nararapat kang tanggapin sa isang trabaho.

Ang main branch kung saan ka maaaring kumuha ng NBI clearance ay ang kanilang opisina sa Carriedo (
Carriedo Plaza Building, Carriedo St. cor Estero Cegado and Sales St. Quiapo, Manila) malapit lang ito sa LRT1 Carriedo station. Bukas ang kanilang tanggapan mula alas-otso ng umaga, hanggang alas-singko ng hapon, Lunes hanggang Biyernes. Para sa akin, mas maganda kung umagang-umaga ka pupunta upang kakaunti pa lamang ang tao. Iwasan ding pumunta ng Lunes dahil paniguradong box office ito.

Siguraduhing may dala kang ballpen (black), ID, at siyempre perang pambayad sa clearance na nagkakahalaga ng P115.00 hangggang P415.00 depende sa iyong pakay. (Narito ang kanilang price list.
)

Hindi totoong kailangan ng cedula gaya ng tsika ng mga mapagsamantala sa labas ng tanggapang ito.

Pagpanhik mo sa itaas ay makakikita ka ng cashier kung saan may nakapaskil na "Pay P20 for renewal and new applicants". Matapos mo magbayad ay mapapansin mong parang entrance ticket ito. Hindi ko mawari kung para saan ang bayad na ito ngunit mukhang hindi ka papapasukin sa opisina nila hangga't hindi ka nakababayad. Bongga! Parang sinehan lang may entrance fee!




Pagpasok mo naman ay diretso ka na sa "NBI Application Forms Here " window. Dito ka kukuha ng application form at kung wala ka ring ballpen, ay may tinitinda din sila rito. Saya!




Pagtapos mong masagutan ang papel na ito ay pila ka na sa Step 1 upang magbayad para sa clearance. Kung may sakto kang pera gaya ng isang isang-daan at tatlong limang-piso para sa P115.00, doon ka na magbayad sa mga machine. Mas mabilis at mas susyal.


'Pag may resibo ka na ay dahan-dahan ka nang umaykat sa susunod na palapag. Tandaan: Dahan-dahan. Nasa palapag na ito ang Steps 2, 3 at 4. Sa step 2, titingnan kung tama at kumpleto ang mga pinaglalalagay mo sa form. Tititigan lang ito ni manong ng ilang sandali at sasabihan ka niyang go go go
na sa next step (kapag wala kang kulang o mali) kung saan hahanapin naman sa kanilang talaan ang iyong pangalan. Dito nila nalalaman kung ikaw ay may kaso o may kapangalang mayroong kaso (kagaya ko).




Ang susunod ay ang piktyur-piktyur. Bawal ang may nakasukbit na bag. Magagalit si kuya. Payuko rin ang gagawin mong pose sapagkat mababa ang kamera. Siguradong doble ang 'yong baba, o kitang-kita ang 'yong mga eyebags. Ang letrato sa NBI clearance ay maituturing natin na pinakamasagwang kuha natin sa ating buong buhay. Hindi ko alam kung anong mayroon sa kamera na iyon at magmumukha kang masamang-loob.

Pagkatapos mong magpakuha ng letrato ay panhik ka ulit ng dahan-dahan sa susunod na palapag para sa Steps 5, 6, at 7. Sa step 5, lalapirutin ni manong ang 'yong mga daliri at ididiin sa tinta at sa form mo para sa finger prints. Mamamangha ka na lamang at para bang may sariling buhay ang iyong mga daliri. Maghanda rin ng dalawang-piso. Dalawang-piso para sa ink remover chenes ni manong o mas kilala natin sa tawag na wet tissue. Hindi naman sapilitan ang pagbili nito gaya ng mga nakapaskil sa paligid - "Kung sino lang ang may gusto." Siyempre, dahil puno ng tinta ang iyong mga kamay, bibili ka na rin kung ayaw mong umuwi bilang isang ganap na taong grasa.


Matapos ang masinsinang pagpapahid ng kamay ay lipat ka na sa step 6 kung saan malalaman mo na kung makukuha mo na kaagad ang iyong clearance at didiretso ka na sa step 7, o mamalasin ka sapagkat may kapangalan ka na mayroong kaso at babalik ka na lamang sa petsang itatatak ni kuya sa resibo mo.


Sa mga swerte't pinagpala, diretso na sa releasing, at pagkatapos ay pila na sa thumb printing para sa nakuha mo nang clearance. Siyempre pa, may mga negosyante rin sa step na ito - envelope para nga naman 'di malukot ang pinagpaguran mo, at may photocopy na rin. Yehey!

Para sa ilan pang karagdagang impormasyon tungkol sa NBI Clearance, klik mo 'to now na!

Sana sa hinaharap ay mas mapadali pa ang proseso nito (online, phone, etc.) daba?

Bow.


Huwebes, Marso 5, 2009

Kol Sener

Aba! Akalain mo ‘yun? May blog pala ako!

Muntik-muntikan nang mabaon sa limot ang blog kong ito. ‘Di ko rin alam kung bakit ba hindi ko magawang magkwento noong mga nakaraang buwan. Hindi naman dahil wala akong maiikwento. Marami ngang nangyari sa Lolo niyo at kapag sinipag-sipag at ‘di umatake ang rayuma eh isusulat kong lahat rito.

Unahin natin ang isa sa mga pinagkaabalahan ko noong Nobyembre at Disyembre.

Dahil ako’y nakabakasyon nang mahaba-haba mula sa aking trabaho, ako’y nainip ng todo. Hindi kasi ako mapakali ‘pag ako’y nakatunganga lamang at walang ginagawa. Sa aking pamamasyal sa internet, nakatagpo ako ng isang gawain na hindi ko pa nasusubukan, at maaaring pumawi sa aking pagka-inip…

38-day Call Center Employment

Marahil sa karamihan ay kabaliwan ang pagkakaroon ng trabaho sa loob lamang ng napaka-igsing panahon, pero iba ang dating nito sa Lolo niyo. Dahilan nga na wala naman akong ginagawa, at kailangan ko ng pagkakaabalahan, sinubukan kong pasukin ang trabahong ito.

Kaarawan ko pa noong ako’y pumunta sa nakasaad na opisina sa patalastas. Magara ang gusali at pati na rin ang mismong opisina. Lumantad sa ‘king harapan ang napakaraming aplikante kahit napakaaga pa. Tanda na marami pa rin ang naghahanap ng trabaho gaya ng kahit anong panahon.

Lumapit ako sa isang babae na medyo suplada. Sa kanya ipinapasa ang mga resume ng mga aplikante. Matapos kong makipagplastikan sa kanya ng ilang minuto ay umupo ako sa isang tabi at naghintay.

Makaraan ang ilang beses kong pagbalik-balik sa C.R., at dalawang oras, tinawag ako ng isang matabang lalaki, at ininterview. Pagtapos noon ay exam naman. Pagtapos ay interview ulit. Nakapag-Enervon Prime ata ako noon at naipasa kong lahat ito. Pinapirma na ako kaagad ng kontrata para sa aking napaka-igsing trabaho.

Nagsimula ang training ng Nobyembre. Ang tatlong linggong ito ay kasama na rin sa tatlumput-walong araw ng pagtatrabaho. Bayad ka na, ngunit nakikinig, naglalaro, at nakatanga ka lang naman magdamag. Magdamag. Mula alas-diyes ng gabi hanggang alas-siyete ng umaga. Wala namang problema sa akin ito sapagkat sanay naman ako sa puyatan, bagay na natutunan ko sa pagkanta sa mga lamay noong aking kabataan.

Pagkatapos ng training period, ay sabak na sa aktwal na trabaho. May mga natanggal at hindi nakapasa, ngunit sa tulong ng mga halamang gamot na iniinom ko, nakalusot ang Lolo niyo.

Naalala ko pa ang unang tawag na aking natanggap. Isang matandang babae. Mabait siya at nakatutuwa. Bagay na akin din namang ikinasiya. Ngunit paglaon, napagtanto ko na hindi lahat ng caller ay ganoon. Sa katunayan, napakaliit na porsiyento ang makatanggap ka ng tawag mula sa ganoong klaseng nilalang. Sa aking eksperiyensa, mas marami ang mga hinayupak na customer. Na talaga namang nagpa-highblood sa akin nung mga panahong iyon.

May mga sumisigaw, nag-iinit, nagmumura, nanlalait, at kung anu-ano pa. Mga eksena na dapat iyong intindihin at sikmurain. Ito, sa aking pananaw, ang nagpapahirap sa ganitong klaseng trabaho.

Isa pang medyo hindi ko nagustuhan ay ang de-minutong pagkilos mo sa araw-araw. Ang pagpunta sa C.R. o restroom o washroom o john o jane (ang pagtawag ay depende sa iyong kaartehan) ay kailangang tumagal lamang ng sampung minuto sa buong araw. Isang parte kung saan ako’y nahirapan. Ang layo mula sa aking upuan papunta doon ay dalawang minuto nang paglalakad. Babalik ka pa diba?

Masuwerte ka rin kung matatapat ka sa bonggang-bonggang kompyuter. Kung hindi, mas agahan mo pa kinabukasan upang mauna ka sa pagpili.

Isang magandang balita ay ang libreng pagkain. Dahilan ng aking pagtaba ay ang tatlong kanin, tatlong ulam at panghimagas araw-araw.

At mas malaki rin ang sweldo namin kumpara sa mga regular na empleyado doon. Dahilan ng paulit-ulit nilang pagsabi ng “Genen?! Grebe! Kekeengget nemen!”

Suma total, naging isang magandang yugto ng aking buhay ang pagpasok ko sa isang kol sener. Marami akong nakilala. Kumita ako ng malaki. Tumaba ako. At mas naging compiden ako sa aking Inglis.

Aaminin ko na minsan ay nakatataas ng kilay ang kakonyohan ng ilan sa mga nagtratrabaho sa ganitong industriya. Sana tandaan nating Pilipino pa rin tayo kahit na kadalasan ay nasa ibang panig ng mundo and isa o dalawa nating tenga.

Pero dahil din dito, natutunan ko na hindi para sa akin ang ganitong trabaho. Marami akong inaway at sinigawang kostomer. Hindi kasi kaya ng aking damdamin na sigaw-sigawan na lamang ang aking pagkatao you know.

Pero saludo ako sa mga kol sener eydiyents diyan, at ipagpatuloy niyo ang gawaing iyan kahit na mahirap at stressful ika nga. Basta nakatutulong naman sa ating sarili at pamilya, go! Go! Go!

Lunes, Setyembre 24, 2007

Pisara

Babala: Ang kwentong ito ay aking isinulat sa panahong wala akong tulog at mayroong karamdamang iniinda. Patawarin niyo sana ang kababawan ng konteksto nito.

Halos mauntog ako sa aming kisame sa pagtalon dahil sa lubos na kagalakan nang ibili ako ng aking tatay ng maliit na pisara, noong ako ay musmos pa lamang. Palagian ko kasi siyang kinukulit kapag may naglalako nito sa tapat ng aming bahay. Tulad ng pangkaraniwang pambatang pisara, ang aking blackboard ay may mga titik ng alpabeto at mga numero sa lahat ng apat na gilid, may nakalarawang mga hayop, at laruang orasan sa itaas na kaliwang bahagi nito. Siyempre, kasama na rin sa set ni manong ang
pambura at makukulay na yeso.

Talagang hilig ko na kasi magtitser-titseran noon pa man. Kaysa magpatuloy sa pananakit ang ulo ng aking inay dahil sa pagbubura ng mga lectures ko sa aming pader, ay binilan na nga nila ako ng totoong pisara. Ipinagmalaki ko kaagad ito sa mga kalaro ko - ang aking mga estudyante. Kumpleto kami mula upuan hanggang sa mga papel at kuwaderno, mayroon din akong class-record at kasali rin sa laro pati pagpapa-iskuwat at pagpapa-face-the-wall, para gurong-guro talaga ang dating ko.

Iba't-ibang klase ng guro ang ating nakasama noong tayo ay nagsisipag-aral. Mayroong parang nanay o tatay mo lang, mayroon din namang nangangatog ang iyong tuhod sa tuwing kaharap mo sila dahil sa sobrang sungit - ang mga kontrabida ng buhay natin noon ika nga. May malakas ang boses na talaga namang nakakatakot. May napakahinang magsalita, na halos pisara na lang ang kausap. Nakakainis kapag ganoon 'di ba? Lalo na kung Math pa ang kanyang itinuturo na hindi mo na nga lalong maintindihan dahil sa pabulong niyang pagtalakay. Mayroon ding parang umuulan lang 'pag nagsasalita siya. Aba! libreng hilamos sa klase!

Kapag may libre, siyempre mayroon ding may bayad - mawawala ba naman ang mga gurong negosyante?! Sandwiches, Yakult, lapis at ballpen, pambura, pantasa, y
ema, espasol, chocolate crunchies, tosino, longganisa, at napakarami pang iba. Kung gusto mong magpasikat ay bumili ka lang sa kanila, tiyak na medyo tataas ang grado mo. Siguro ngayon, may mga guro ring nagbebenta ng cellphone load ano? Hmmm...

Bakit may mga guro na parang hindi tumatanda? Parang kung ano ang hitsura nila noon sa class picture niyo, ay ganoon din kapag nakasalubong mo sila sa kalsada? Pansin mo? Who touches their skin kaya?

Talagang malaki ang naging impluwensya ng mga guro sa ating buhay. Kadikit o hindi man natin masyadong nakasama ang ilan sa kanila ng pangmatalagan (maliban na lang kung paulit-ulit ka sa ilang baytang), talagang nag-iiwan sila ng marka sa ating puso't isipan. Naks!

Naisip ko lang ang tungkol sa pagtuturo at mga guro, dahil ilang araw mula ngayon, magkakaroon muli ako ng pisara. Hindi nga lang katulad ng dati na maliit, kulay berde at may mga kung anu-ano sa gilid. Mas malaki ito ngayon, kulay puti, at mas makinis.

Magka-iba man ang mga katangian ng dalawang pisarang ito, iisa lang ang kanilang layunin - ang maging daan upang madaling maibahagi ang mga produkto ng aking kaisipan na walang bahid ng kung ano sa mga estudyante. Ngayon ako mas lalong naniwala na kung may nais kang abutin, tumungtong ka lang sa silya magtiwala ka lang talaga...

...kaso, ano kaya ang magandang ibenta?


Linggo, Setyembre 2, 2007

Buhay Empleyado: Kaya Mo Pa Ba? Ha?

Isinulat ko ang sumusunod na kwento noong ika-17 ng Hunyo, taong kasalakuyan. Nakamamangha na habang binabasa ko ito ngayon matapos ang dalawang buwan at labing-anim na araw, may ilan sa aking mga katanungan noon ay nasasagot ko na ngayon. Ang ibang kasagutan ko naman noon ay iba na sa mga kasagutan ko ngayon.

"Sa wakas! Tapos na naman ang isang linggo ng pagpapanggap bilang isang aliping-sagigilid sa opisina. Yep, ganito pa rin naman ang eksena hanggang ngayon. Nakapapagod man ang mga nagdaang araw, mas mabuti na iyon kaysa tumambay sa kanto at magpaka-busy sa pagbibilang ng mga kawad ng kuryente ng Meralco. Apir tayo d'yan!

Maraming beses ko na rin naisipan na umalis sa aking kasalukuyang trabaho. Uhuh. Ano nga ba ang mga bagay-bagay na dapat timbangin upang malaman mo na talagang kailangan mo nang lisanin ang iyong pinapasukan? Ang mga sumusunod ay ang mga itinatanong ko sa aking sarili kapag ako ay naaaning-aning tungkol sa trabaho:

1.) Masaya ka pa ba? Hmmm. Para sa akin, napakahalaga na nag-eenjoy ka sa iyong ginagawa, at siyempre, sa iyong mga kasama. Tama, tama. Napakahirap manatili sa isang lugar kung saan hindi ka na tumatawa, hindi ka na ngumingiti, at hindi mo na kasundo ang iyong mga katrabaho. Korekek. Malalaman mo na hindi ka na masaya kung sa bawat araw na papasok ka ay hindi ka na excited, Excited pa rin naman. tinatamad ka nang bumangon sa iyong pagkakahiga, Medyo. at mukha ka ng eighty-two. Mali ka dito, eighty-one lang. Kung ang oras sa opisina ay sadyang napakabagal na para sa iyo, at hindi mo na mahintay ang lunchbreak, miryenda at uwian. Tama, tama ka ulit. Bakit mo pa ipagpapatuloy gawin ang isang bagay kung hindi ka na masaya rito? Adik ka ba? Oo. Masaya pa rin naman ako - sa mga katrabaho, lalo na sa aking mga kagrupo. Sila na lamang ang dahilan kung bakit nagpapatuloy pa ako gayung kung ibabase ang kasiyahan sa ginagawa kong trabaho, marahil ay "Hindi na." ang aking maisasagot. Malaki ang pasasalamat ko sa kanila sa pagtanggap, at patuloy na pag-unawa nila sa akin. Tissue! Tissue!

2.) Anu-ano nga ba ang mga dahilan kung bakit gusto mong umalis? Naliliitan ka ba sa iyong kinikita? Hindi naman. Sa tingin mo ba ay dapat mas mataas ang iyong sweldo dahil mahirap ang iyong trabaho? Hindi naman rin. Ang mga benepisyo ba ng iyong opisina ay sadyang hindi mo nararamdaman? Medyo? Malayo ba ang iyong opisina at nahihirapan ka nang makipagsipaan sa mga pasahero sa MRT at LRT? Hindi rin. O baka naman mahirap ang schedule mo? Nahuli mo parekoy! Madumi ba ang inyong pantry? Bwahaha. Pasaway ba ang mga utility at hindi nila nililinis ang pwesto mo? Eksakto! May mga ka-opisina ka ba na walang ibang ginawa kundi siraan ka at sabihin sa iyong boss na hindi ka naliligo? Ah, 'yan ang wala. Sa laki kong 'to? Takot lang nila.

Kung tumango ka sa lahat ng ito ay dapat ka na ngang umalis diyan kung...Ayun na nga...

3.) May lilipatan ka na ba? Oo. Napaka-hirap umalis sa isang trabaho kung wala ka pa namang lilipatan, maliban na lang kung trip mong maging isang ganap na mangga at magpapakaburo ka sa inyong bahay. Meron na nga. Maaari kang magbakasyon sandali upang makapag-relax ngunit kahit ito ay nakaka-inip rin, lalo na kung nasanay ka na maraming ginagawa palagi. Korekted bay. Tandaan mo na walang opisinang perpekto. Okay. Sa umpisa lang. Kokey. Makikita mo rin ang mga pagkukulang nito pagtagal-tagal. Ganun? Nasa sa iyo ang paraan upang maging perpekto ang iyong trabaho sa paningin mo. Paano? Banggitin ang "Ang ganda-ganda ng trabaho ko!" ng isang daang beses araw-araw, ngunit hindi rin ito makakatulong. Korni. Mayroon nang (ata) naghihintay sa akin. Napakalaki ng porsyento na ako ay magsisimula na sa aking bagong papasukan anumang araw ngayong buwan na ito. Ngunit gagampanan ko pa rin ang aking mga tungkulin, hanggang sa maipasa ko na lahat ito sa aking mga maiiwanan, o mauulila? Huwag po! Huwag po!

'Yan ang mga importanteng katanungan (sa aking palagay) na dapat mong isipin bago ka magdesisyon na umalis sa iyong trabaho. Salamat, salamat. Sinagot ko ang lahat ng iyan at pagkatapos, tinimbang ang mga bagay-bagay. Ako ay nagdesisyon na manatili MUNA sa aking trabaho. Hanggang matapos ang buwang ito. Bakit? Buburahin ko pa lahat ng mga nilagay ko sa PC. Bukod sa mag-iisang taon na ako dito (Batiin niyo ko, dali!), at madali lang ang byahe ko papunta sa opisina, ay masaya pa rin ako sa aking trabaho, Hindi na ata. at mga katrabaho Eto pwede pa. Mahalaga iyon' para sa akin. Sa akin rin, 'kala mo sa'yo lang? Kahit na laging sira ang elevator, at muntik na akong pumanaw kanina lamang dahil biglang bumagsak ang wallfan sa aking ulunan, nag-eenjoy pa rin ang lolo niyo...ngunit kailangan nating maging bukas sa mga oportunidad na dumarating sa ating buhay. Ayon nga kay pareng Lex Luthor - "There is nothing worse than a missed opportunity.".

Itutuloy...


Sabado, Hunyo 16, 2007

Buhay Empleyado: Kaya Mo Pa Ba?

Sa wakas! Tapos na naman ang isang linggo ng pagpapanggap bilang isang aliping-sagigilid sa opisina. Nakapapagod man ang mga nagdaang araw, mas mabuti na iyon kaysa tumambay sa kanto at magpaka-busy sa pagbibilang ng mga kawad ng kuryente ng Meralco.

Maraming beses ko na rin naisipan na umalis sa aking kasalukuyang trabaho. Ano nga ba ang mga bagay-bagay na dapat timbangin upang malaman mo na talagang kailangan mo nang lisanin ang iyong pinapasukan? Ang mga sumusunod ay ang mga itinatanong ko sa aking sarili kapag ako ay naaaning-aning tungkol sa trabaho:

1.) Masaya ka pa ba? Para sa akin, napakahalaga na nag-eenjoy ka sa iyong ginagawa, at siyempre, sa iyong mga kasama. Napakahirap manatili sa isang lugar kung saan hindi ka na tumatawa, hindi ka na ngumingiti, at hindi mo na kasundo ang iyong mga katrabaho. Malalaman mo na hindi ka na masaya kung sa bawat araw na papasok ka ay hindi ka na excited, tinatamad ka nang bumangon sa iyong pagkakahiga, at mukha ka ng eighty-two. Kung ang oras sa opisina ay sadyang napakabagal na para sa iyo, at hindi mo na mahintay ang lunchbreak, miryenda at uwian. Bakit mo pa ipagpapatuloy gawin ang isang bagay kung hindi ka na masaya rito? Adik ka ba?

2.) Anu-ano nga ba ang mga dahilan kung bakit gusto mong umalis? Naliliitan ka ba sa iyong kinikita? Sa tingin mo ba ay dapat mas mataas ang iyong sweldo dahil mahirap ang iyong trabaho? Ang mga benepisyo ba ng iyong opisina ay sadyang hindi mo nararamdaman?
Malayo ba ang iyong opisina at nahihirapan ka nang makipagsipaan sa mga pasahero sa MRT at LRT? O baka naman mahirap ang schedule mo? Madumi ba ang inyong pantry? Pasaway ba ang mga utility at hindi nila nililinis ang pwesto mo? May mga ka-opisina ka ba na walang ibang ginawa kundi siraan ka at sabihin sa iyong boss na hindi ka naliligo? Kung tumango ka sa lahat ng ito ay dapat ka na ngang umalis diyan kung...

3.) May lilipatan ka na ba?
Napaka-hirap umalis sa isang trabaho kung wala ka pa namang lilipatan, maliban na lang kung trip mong maging isang ganap na mangga at magpapakaburo ka sa inyong bahay. Maaari kang magbakasyon sandali upang makapag-relax ngunit kahit ito ay nakaka-inip rin, lalo na kung nasanay ka na maraming ginagawa palagi. Tandaan mo na walang opisinang perpekto. Sa umpisa lang. Makikita mo rin ang mga pagkukulang nito pagtagal-tagal. Nasa sa iyo ang paraan upang maging perpekto ang iyong trabaho sa paningin mo. Banggitin ang "Ang ganda-ganda ng trabaho ko!" ng isang daang beses araw-araw, ngunit hindi rin ito makakatulong.

'Yan ang mga importanteng katanungan (sa aking palagay) na dapat mong isipin bago ka magdesisyon na umalis sa iyong trabaho. Sinagot ko ang lahat ng iyan at pagkatapos, tinimbang ang mga bagay-bagay. Ako ay nagdesisyon na manatili MUNA sa aking trabaho. Bakit? Bukod sa mag-iisang taon na ako dito (Batiin niyo ko, dali!), at madali lang ang byahe ko papunta sa opisina, ay masaya pa rin ako sa aking trabaho, at mga katrabaho. Mahalaga iyon' para sa akin. Kahit
na laging sira ang elevator, at muntik na akong pumanaw kanina lamang dahil biglang bumagsak ang wallfan sa aking ulunan, nag-eenjoy pa rin ang lolo niyo...

Subscribe in a reader