Minsan, dumarating sa buhay ng isang manunulat o ng isang
blogger ang isang pagkakataon kung saan wala siyang maisip na maisulat. Pagkagising niya na lang isang umaga, hindi na niya magawang makapagsulat. Gaya ngayon, kanina pa ako nakikipagtitigan sa
monitor ngunit wala pa rin akong paksang maisip. Ang sitwasyong ito ay tinatawag na "
Writer's Block". Alam niyo ba na may mga kaso kung saan tumatagal ito ng ilang buwan, at maaari ring bumilang ng mga taon?
Kaya ako naman ay nagsaliksik upang alamin kung ano nga ba ang mga dahilan ng "
Writer's Block" at anu-ano ang mga paraan upang makaalis tayo sa sitwasyong ito.
Ang isa sa itinuturing na sanhi nito ay ang
sobrang pagpuwersa sa iyong sarili na makapagsulat. Umuupo ka sa harap ng iyong kompyuter o ng isang papel, at sinasabi mo sa iyong sarili na "Kailangan may maisulat ako." Ang 'yong isip, imbis na magkaroon ng malawak na pang-unawa sa mga bagay-bagay, at makapagbigay ng magagandang ideya, ay nakakapag-
focus lamang sa iyong kagustuhan na makapagsulat.
Ang pagiging perfectionist o self-conscious ay isa rin sa mga dahilan kung bakit hindi ka makapagsulat. May naisip ka ng ideya, o tapos na ang iyong
draft ngunit sa tingin mo ay hindi ito sapat, o hindi ito pasado sa iyong "
standards" ika nga. Masyado mong iniisip na kailangan maging maganda ang kalabasan ng iyong isusulat at kailangan maging perpekto ito.
Pagsusulat tungkol sa mga bagay na kailangan mong isulat, imbis na tungkol sa mga bagay na gusto mong isulat. Habang bumibisita ka sa mga
blogs, o nagbabasa ng mga sulatin ng ibang tao, napansin mo na may mga bagay na kumbaga ay ang
trend o uso sa ngayon at pakiramdam mo ay kailangang sumulat ka rin tungkol rito. Ang resulta, pinupuwersa mo ang iyong sarili sa isang bagay na hindi mo naman talaga gusto, o hindi ka naman talaga interesado kaya hindi mo ito tuluyang magawa.
Kawalan ng tiwala sa sarili. Kung sa tingin mo ay hindi mo naaabot ang mga
expectations mo sa iyong sarili, at imposible na para sa iyo ang makabawi, hindi malayong mawala ang iyong tiwala sa sarili. Magmumukmok ka na lamang sa isang sulok at iisiping huwag na lang ituloy ang nasimulan mo nang pagsusulat sapagkat para sa'yo, hindi mo na kaya at wala naman rin itong patutunguhan.
Sobrang pagod. Sa sobrang dami ng iyong ginagawa sa araw-araw, ang isang bagay na dapat maging isang paraan ng pagre-
relax o paglilibang gaya ng pagsusulat ay nagiging isang mabigat na gawain na rin para sa'yo. Iniisip mo na wala ka ng oras para rito, bagkus ay magpapahinga ka na lamang.
Iniisip mo na wala kang maisulat pero mayroon naman talaga at hindi mo pa lang ito napapansin at nabibigyan ng sapat na atensiyon. Akala mo lang wala, pero meron! Meron! Meron!
Sobrang kalungkutan at kawalan ng inspirasyon. Maaaring may mga bagong kaganapan sa iyong buhay na masyado mong dinaramdam kaya ka nagkakaganyan -naghiwalay kayo ng iyong sinisinta, nawalan ka ng trabaho, o pumanaw ang isang kaibigan o kapamilya. Ang mga ganitong sitwasyon na hindi mo inaasahan ay lubusang makaaapekto sa iyong abilidad na makapagsulat.
Pero ano nga ba ang mga dapat mong gawin upang masolusyunan ang problema mong ito?
Una,
huwag isiping magsusulat ka dahil kailangan mo - isipin mong ginagawa mo ang bagay na ito dahil gusto mo.
Enjoy-in mo ang proseso ng pagsusulat. Isipin mong naglalaro ka. Huwag masyadong seryoso, kahit na ang paksang iyong tinatalakay ay isang seryosong bagay. Huwag mo itong ituring na trabaho. Ang iyong imahinasyon ay hindi makakakilos kung masyadong
stiff ang iyong pag-iisip.
Ilagay ang iyong sarili bilang reader imbis na isang writer. Kung gagawin mo ito, malalaman mo kung tungkol ba sa anong bagay ang nais mong mabasa ngayon, at ito ang iyong simulang isulat.
Tanggapin sa iyong sarili na hindi mo magagawang makapagsulat ng perpekto sa lahat ng oras. Hindi man perpekto para sa'yo kung ano man ang nagawa mo sa isang pagkakataon, ngunit sa ibang tao, o sa mga makababasa nito, ay katanggap-tanggap na ito. Kapag ito ay iyong isina-isip, at tinanggap mo ito, magkakaroon lagi ng lugar para sa
improvement sa iyong sarili.
Magsulat tungkol sa mga bagay at paraang gusto mo at hindi dahil ito ang uso. Ang bawat manunulat ay may kanya-kanyang paraan ng pagsusulat. May kanya-kanyang paraan upang ipahayag ang sarili. Tuklasin mo kung saan ka pinakakomportable at dito magsisimula ang iyong
creativity. Hindi maaaring mangopya ka dahil iyon ang napapanahon. Tandaan na ang bawat sulating iyong ginagawa, at kung paano mo ito nilikha ay representasyon ng iyong pagkatao. Hindi ito maaaring makopya, o gayahin ng sino man.
Isa-isip na ano man ang iyong emosyon, ay maaaring makatulong sa iyong pagsusulat. Ang sobrang kalungkutan ay hindi hadlang upang ikaw ay hindi makapagsulat. Sa katunayan, may mga manunulat na mas ginaganahan makapagsulat kung sila ay
depressed. Isang malaking patunay ang mga awiting makapagdamdamin, at mga pelikulang drama na itinuturing nating mga obra. Kung matututunan mong gawing instrumento ang iyong mga emosyon, at dito ka huhugot ng inspirasyon, may masusulat at masusulat ka ano man ang iyong nararamdaman.
Ibahin ang iyong environment. Kung matapos ang ilang oras at wala ka pa ring nasisimulang isulat, lumabas ka ng iyong kwarto o ng bahay. Maglakad-lakad at mamasyal. Makipag-usap sa mga kaibigan. Huwag magkulong sa isang lugar. May
psychological effect ito na makakatulong upang palawakin ang iyong imahinasyon.
Tandaan na ang isang bagay na iyong nasimulan, ay kayang-kaya mo ring tapusin.
Huwag mawawalan ng tiwala sa sarili. Alalahanin ang iyong mga mambabasa, kahit pa dalawa lang ito. Humugot ng lakas ng loob sa kanila at sa mga taong nagmamahal at nakapaligid sa iyo. Lahat ng bagay na iyong naiisip gawin ay magagawa mo kung magtitiwala kang kaya mo nga itong gawin.
At panghuli, mahalin ang lahat ng bagay na iyong ginagawa. Bakit kamo? Wala lang, parang magandang panghuling pananalita ito eh, hindi ba?
Subscribe in a reader