Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Ang Puso Ko. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Ang Puso Ko. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Enero 30, 2011

Isa. Dalawa. Tatlo...



Isa. Dalawa. Tatlo... Patuloy sa pagkurap ang cursor sa aking harapan habang aking iniisip kung ano ang ginagawa ko dito sa blog na ito. Bakit gusto kong magsulat ngayon? Sa sobrang dami ng mga pangyayari mula sa aking huling kwento, hindi ko na alam kung alin sa mga iyon ang kabaha-bahagi sa inyo.

Maraming dumating, at marami ring lumisan. May mga nanatili, at may mga pasulpot-sulpot lang. Kung minsan, nakakatakot na rin magpatuloy ng mga bagong cast members sa pelikula ng iyong buhay, lalo na kung malaking papel ang inatas mo sa kanila. Hindi mo naman kasi alam na hindi pala nila gustong maging bida. Ekstra. Mas gusto pala nila ang maging ekstra. Ekstra sa piling eksena sa buong pelikula. Isang mabilis na eksena. Sa sobrang bilis ay hindi mo dapat kurapan man lang, kung hindi ito ay hindi mo masasaksihan.

Sabi nga ng Lolo ng Lola ko, “Lahat ng bagay ay may dahilan”. Sabi naman ng kumpare ng Lolo ng Lola ko, “Maiintindihan mo rin sa takdang panahon”. Sabi naman ng kapitbahay ng Lolo ng Lola ko, "Ikaw bata ka, huwag mong pitasin ang Gumamela ko!". 


Sana nga tama sila. Gusto kong maintindihan ang kadahilanan ng mga pangyayari, kung kailan iyon, sana malapit na. Kasi nakakapagod na rin mag-isip. Lalo na kung hindi mo alam kung ano ang dapat mong isipin.

Sa iyo. Sa iyo na nagbabasa nito. Bakit ka nandito? Huwag mong aksayahin ang oras mo sa pagbabasa nito. Gugulin mo ang oras mo sa mga tao, bagay, hayop, paksa, at mga pangyayari sa paligid mo, na magpapasibol sa iyo. Hindi sa ganito – walang saysay, walang kabuluhan, at walang maidudulot na kapaki-pakinabang  sa iyong pagkatao.

Umalis ka na!

Umalis ka na?

Umalis ka na.

Isa. Dalawa. Tatlo. Nakakamangha kung paanong nagagawa ng tatlong munting simbolong ito (! ? .) na isalarawan ang saloobin ng isang tao.

Nakakapanibago. Ibang-iba na ang tema ng aking mga kwento kumpara noong ako’y nagsisimula pa lamang magsulat. Nais ko sana’ng ibalik ang saya sa blog na ito. Nais lang. Balakin. Plano. Walang kasiguraduhan kung magkakatotoo.

Sa ngayon, pagkabilang ko ng tatlo, nakaalis ka na sa blog na ito.

Isa. Dalawa… 




Huwebes, Marso 4, 2010

Sukli



Sa buhay, hindi lahat ay sakto. Hindi lahat ng pangyayari, humuhusto sa plano mo. Kung minsan ay sobra. Kung minsan ay kulang.

Ano nga ba ang mas mainam - ang makatanggap ka ng kapos, o ng higit sa iyong inaasahan? Alin man sa dalawa ay nakakadismaya pa rin, hindi ba? 

Kung sakaling hawak mo naman ang pagpili, ano ang iyong ibibigay kung hindi wasto?

Ang kulang kung kaya't kulang ay hindi sapat. Hindi nito kayang abutin ang tayog ng kanyang inaasahan. Hindi siya kailanman magiging kuntento. Uhaw at gutom ang magiging bunga nito pagtagal-tagal. Hindi ka dapat magbigay ng kulang sa inaasahan. Walang sinuman sa mundong ito ang magiging masaya sa kulang.

Kaya mo bang ibigay ang sobra pa sa kanyang inaasahan? Tama ba ang higitan mo ang kanyang hinihingi?

Sa una'y maaaring lubos nga ang kaligayahan ngunit, darating rin ang panahon na mapupudpod ka rin. Mapapagal ka rin sa pagbibigay ng labis. Lalo na kung hindi naman niya ito tinutumbasan.

Dahil hindi niya kayang tumbasan ang sobra. 'Pagkat pinili pala niya ang magbigay ng wasto - na kahit wasto ay kulang pa rin para sa'yo, kulang sapagkat labis ang iyong ibinigay.

Hindi lahat ng labis ay may sukli.


Martes, Marso 2, 2010

Ang Nakaraan



Ang nakaraan ay dapat nang kalimutan. Wala itong magandang maidudulot sa sitwastong nakapalibot sa iyo sa kasalukuyan.

Katanggap-tanggap nga ang magbalik-tanaw paminsan-minsan ngunit, kung ang pagsilip mong muli sa iyong nakalipas ay may kasamang panghihinayang at pagsisisi, anong buti ang iyong matatamo rito? Hindi mo maaaring pagsamahin ang iyong nakaraan sa buhay na mayroon ka na ngayon. Maguguluhan ka lamang at masisira ang iyong mga diskarte dahil sa multo ng mga nagdaang panahon.

Baunin mo na lamang ang mga aral na napulot mo mula sa iyong mga karanasan.  Ito na marahil ang pinakamainam na gampanin ng nakaraan sa buhay. Huwag mo nang tawirin pa ang tulay patungo sa nakalipas. Marupok na ito.

Ang paglalakbay sa buhay ay pasulong. Malimit ay napapalingon tayo sa ating likuran, ngunit hindi ibig sabihin nito ay ihihinto na natin ang paghakbang.


Sabado, Agosto 18, 2007

Gigil

Ang kwento kong ito ay hindi patungkol sa isang uri ng pelikula gaya ng iniisip mo.

Kung naglibot-libot ka sa PinoyBlogosphere noong mga nakaraang araw, paniguradong napansin mo na may isang kontrabida na pinanggigi-gilan ng sangkatauhan. Tama! Siya na nga ang tinutukoy ng Lolo mo. Ang mapanlait na nilalang na ang pangalan ay 'di ko kailanman babanggitin o itatayp man lamang. Hindi ko lubos maisip kung paanong ang isang Pilipino ay ganoon na lamang kung hamakin ang kanyang mga kapwa Pilipino (OFW's pa, tsk!), na wala namang ginagawang masama sa kanya. Ewan ko. Siguro kasi may mga kaibigan at kamag-anak ako na OFW kaya hindi ko maiwasang mainis sa mga isinulat niya. Pero syempre, bilang isang Pilipino, talagang maaasar ka. Ate (ewww), mangilabot ka nga sa iyong sarilli. Hindi mo kailanman maaaring ipagkaila at baguhin ang katotohanan na ikaw ay isang Pilipino kahit ilang imported na kagamitan pa ang ibaon mo sa iyong katawan. Kung ayaw mo sa amin, mas ayaw namin sa'yo! Para masuksok sa iyong kaisipan na ang dugong nananalantay sa iyong 'di kagandahang pangangatawan ay dugong Pilipino, narito ang mga dapat gawin sa'yo:

- pagapangin papanhik at pababa ng Banaue Rice Terraces
- ihulog mula sa itaas ng Mt. Apo
- ipakiliti sa isang daang Tarsiers
- padaganan sa limampung butanding
- paglaruan na parang pinball sa Chocolate Hills
- sigawan ni Regine Velasquez ng "I Don't Wanna Miss a Theeeeng..." sa tenga
- ipakain sa Monkey-eating eagle
- pagulungin mula sa crater ng bulkang Mayon
- tadtarin ng itak at buhusan ng patis pagkatapos
- ipahalik sa mga dugong
- ipabugbog kay Manny Pacquiao
- ipakagat sa Philippine Crocodile
- tuhugin ng sungay ng mga Tamaraw
- ipatuka ang mga mata sa mga Kalaw
- punuuin ng Sampaguita ang butas ng ilong
- batuhin ng white sands ng Boracay
- palu-paluin ng tako ni Efren "Bata" Reyes
- lunurin at ilublob sa bagoong

'Yan pa lamang ang mga naiisip kong epektibong mga paraan upang mapanatili sa 'yong kokote (kung mayroon man) ang pagka-Pilipino.

Saka may payo nga pala ako sa nilalang na ito: Hindi ba sosyal ka at ubod ng yaman? Bumili ka na lang ng sarili mong eroplano sa susunod na magbiyahe ka para hindi natatalo ng amoy ng Axe ang amoy ng mamahalin mong pabango. Hmmm...Can't afford ba?! Eroplano lang eh! Kaya mo 'yan!

Ano nga ulit 'un? Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa saan? Saka ang hindi marunong lumingon sa pinang-galingan ay ano?

Alam ko mas marami pang mahahalagang isyu ang bansa na 'to na dapat nating bigyang pansin, pero 'di ba ang malaking problema ay nagsisimula sa maliit? At talaga namang sila ay nakapupuwing.

At yeah, this is a funny article too. Gets?

Basahin ang buong istorya tungkol rito.

Miyerkules, Agosto 15, 2007

Ang Yosi-Girl

Isa na namang ordinaryong (akala ko lang) paglalakbay papuntang opisina lulan ng isang jeepney. Malamig ang gabi. May kaunting hamog. Masarap ang simoy ng hangin. Ayos na ayos ang aking pwesto - sa may bintana. Medyo napapakanta pa ako habang bumabiyahe. Hindi naman gaanong puno ang sasakyan, marahil dahil lumalalim na ang gabi. Perpektong perpekto ang bawat sandali hanggang sa sumakay ang isang babae. Bata pa siya. Katamtaman ang katawan. Morena. Maayos at nakapusod ang kanyang buhok. Naka-make-up. Pormal ang kanyang kasuotan. Siguro ay galing siya sa trabaho, o sa paghahanap ng trabaho. Umupo siya sa aking tabi. Sa kanan ko. Sa kanang bahagi ng jeep ang aming pwesto (kung titingnan mula sa estribo o likuran ng jeep) kaya nakatalikod siya sa akin at nakaharap naman ako sa kanyang likuran. Gawi ko na kasi ang dumungaw sa bintana habang bumabiyahe. Normal naman ang sitwasyon hanggang sa may dinukot siya sa kanyang bag. Sigarilyo at lighter! O hinde! Nagsindi siya. Humithit. Bumuga. Lahat ng usok ay pumunta sa aking mukha. Ang mga abo ay dumikit sa aking polo shirt at sa aking kulay itim na bag. Nagsalubong ang aking kilay. Nabalot ako ng inis. Gusto ko siyang kalabitin at pagsabihan ngunit sa tingin ko, siya ang tipo ng babae na magsisigaw at mageeskandalo, kagaya ng pageeskandalo ng kaniyang tagihawat na humihiyaw ng "Paputok na 'ko!". Naubo ako nang hindi ko sinasadya. Lumingon siya sa akin, sabay irap! Hithit at buga ulit. Matapos ang halos kalahating oras ng pagtitiis, pumara na siya. Habang pababa, hindi ko alam kung sinadya niya ang pagtapak sa aking kaliwang paa sa kanyang pagdaan. Pinigilan ko ang aking sarili. Naniniwala ako na sa mga ganitong pagkakataon ko mapapatunayan ang halaga ng diplomatikong pagturing sa mga taong pasaway kagaya niya - na itatago ko sa pangalang Hellena. Hindi ko nasabi ang mga nais kong sabihin, kaya narito na lang ang aking ginawang liham para sa kanya:

Dear Hellena,

Isang mausok na gabi sa'yo. Ako ay lubos na nalulungkot sapagkat hindi naging maganda ang ating naging engkwentro sa jeepney kanina. Ngunit may karapatan naman siguro ako na mainis nang magsimula kang manigarilyo sa aking tabi, 'di ba? Ang usok na iyong ibinubuga ay dumidiretso sa aking kyut na kyut na mukha. Ang mga abo na iyong ikinalat ay nagmarka sa aking kulay itim na bag. Oo, ito ay magsisilbing marka ng mapait at mausok na ala-ala mo. Hindi mo ba alam na bawal ang iyong ginagawa dahil nasa pampublikong sasakyan ka? Hindi mo ba kami naisip? Ang iyong mga kasakay? Ang sanggol na ating kasakay? Hindi mo ba kayang pigilan man lamang ang tawag ng iyong baga kahit panandalian lamang? Naubo ako, totoo 'yun at hindi para magpapansin sa'yo. Bakit mo 'ko inirapan? Hindi ba dapat ako ang dumukot sa mga mata mo? At gawing ashtray ang mga ito? Bakit mo inapakan ang aking paa? Hindi mo ba alam na kalalaba lang ng aking rubber shoes? Sana naging masaya ka sa mga ginawa mo. Sana hindi ka makatyempo ng iyong katapat. Sana sa susunod na magyosi ka ulit sa jeep, kasing bait at kasing gwapo ko rin ang iyong makakatabi. Kyut ka rin sana, kaya lang manhid ka at walang pakisama. At dahil diyan, 'di kita bati!!


Always,

Lolo

P.S.
Sa susunod na mang-iirap ka, siguraduhin mong wala ka ng muta.


Paglilinaw: Hindi ko kinukutya ang mga taong naninigarilyo. Walang masamang tinapay sa akin ang mga taong ito. Ang punto ko lamang rito ay may kakambal na responsibilidad ang lahat ng bagay na ating nais gawin, lalung-lalo na kung gagawin ito sa mga pampublikong lugar, o sasakyan. Sana ay huwag natin isantabi ang kapakanan ng nakararami para lamang sa ating mga pansariling kagustuhan...please?