Biyernes, Hunyo 10, 2011

Paglisan. Pagtanggap. Pagsulong. Pagalala.



Paglisan. 
Kung bukas paggising ko at wala ka na sa tabi ko
Kung bukas makita ko na hindi na ako ang kapiling mo
Maiintindihan ko
Pipilitin kong maging masaya
Na natagpuan mo na ang hinahanap mo


Pagtanggap.
Pagdating ng panahon kung kailan limot mo na ako
Na kahit kaunting alaala ko ay burado na sa isip mo
Hindi sasama ang loob ko
Hindi ako magtatampo
Dahil alam ko na hindi sa lahat ng oras 
Mapapanatili kita sa buhay ko


Pagsulong.
Kung sakali mang
Magkaroon ng sandali at maisip mo ako
Sana ay mapangiti ka sa pagalaala
Ng pinagsamahan natin
Kahit na hindi
Ito naging perpekto


Pagalala.
Ang mga ngiti at saya ang iyong baunin
Mga lugar na nakita, at musikang pinakinggan natin
Ang mga araw na iyon
Ang iyong sariwain
Huwag ang mga bagay
Na pinanghihinayangan natin

Lunes, Pebrero 21, 2011

Sa Entablado



Doon kung saan makislap ang mga ilaw. Doon kung saan ang bawat kilos at galaw ay minamasdan at kinapapanabikan. Doon kung saan ang bawat sandali ay pawang kay bilis at kapwa kay tagal.

Sa Entablado.

Hating-gabi at halos sumapit na ang madaling araw. Ang unang pagtuntong ng isang limang-taong gulang sa entablado. Mainit ang mga ilaw. Nagbubulungan ang mga tao sa kanyang harapan. Sa kabila ng takot at kaba ay kailangan niyang maging matapang. 

Sa pagpasok ng musika ay tila mas tumahimik ang paligid. Dinig ang pagtibok ng puso at dama ang paghinga ng dibdib.

Sa pagbuka ng kanyang bibig ay sinimulan niyang umawit. 

Sinimulan niyang umawit. Sinimulan niyang umawit…



Linggo, Enero 30, 2011

Isa. Dalawa. Tatlo...



Isa. Dalawa. Tatlo... Patuloy sa pagkurap ang cursor sa aking harapan habang aking iniisip kung ano ang ginagawa ko dito sa blog na ito. Bakit gusto kong magsulat ngayon? Sa sobrang dami ng mga pangyayari mula sa aking huling kwento, hindi ko na alam kung alin sa mga iyon ang kabaha-bahagi sa inyo.

Maraming dumating, at marami ring lumisan. May mga nanatili, at may mga pasulpot-sulpot lang. Kung minsan, nakakatakot na rin magpatuloy ng mga bagong cast members sa pelikula ng iyong buhay, lalo na kung malaking papel ang inatas mo sa kanila. Hindi mo naman kasi alam na hindi pala nila gustong maging bida. Ekstra. Mas gusto pala nila ang maging ekstra. Ekstra sa piling eksena sa buong pelikula. Isang mabilis na eksena. Sa sobrang bilis ay hindi mo dapat kurapan man lang, kung hindi ito ay hindi mo masasaksihan.

Sabi nga ng Lolo ng Lola ko, “Lahat ng bagay ay may dahilan”. Sabi naman ng kumpare ng Lolo ng Lola ko, “Maiintindihan mo rin sa takdang panahon”. Sabi naman ng kapitbahay ng Lolo ng Lola ko, "Ikaw bata ka, huwag mong pitasin ang Gumamela ko!". 


Sana nga tama sila. Gusto kong maintindihan ang kadahilanan ng mga pangyayari, kung kailan iyon, sana malapit na. Kasi nakakapagod na rin mag-isip. Lalo na kung hindi mo alam kung ano ang dapat mong isipin.

Sa iyo. Sa iyo na nagbabasa nito. Bakit ka nandito? Huwag mong aksayahin ang oras mo sa pagbabasa nito. Gugulin mo ang oras mo sa mga tao, bagay, hayop, paksa, at mga pangyayari sa paligid mo, na magpapasibol sa iyo. Hindi sa ganito – walang saysay, walang kabuluhan, at walang maidudulot na kapaki-pakinabang  sa iyong pagkatao.

Umalis ka na!

Umalis ka na?

Umalis ka na.

Isa. Dalawa. Tatlo. Nakakamangha kung paanong nagagawa ng tatlong munting simbolong ito (! ? .) na isalarawan ang saloobin ng isang tao.

Nakakapanibago. Ibang-iba na ang tema ng aking mga kwento kumpara noong ako’y nagsisimula pa lamang magsulat. Nais ko sana’ng ibalik ang saya sa blog na ito. Nais lang. Balakin. Plano. Walang kasiguraduhan kung magkakatotoo.

Sa ngayon, pagkabilang ko ng tatlo, nakaalis ka na sa blog na ito.

Isa. Dalawa… 




Sabado, Agosto 28, 2010

Nakaw



Dapat mong maunawaan na ang mga bagay na hindi mo pansin, ay maaaring mahalaga sa iba at dahil dito, mas madaling mawala ang mga ito sa iyo..

Karaniwan nating iniingatan ang mga bagay na pinakamahalaga para sa atin, ngunit hindi ba't dapat nating mas ingatan ang ating pag-aari na mas mahalaga sa iba?

Kung ano ang mahalaga para sa'yo ang karaniwan mong iniingatan. Ang atensyon mo ay ukol lamang rito at wala nang iba pa. Nangangamba ka na maaring ito'y mawala sa'yo sakaling malinga ka at panandaliang magpabaya.

Ngunit hindi ba't mas madaling nakawin ang mga bagay na kinaliligtaan? Mas madaling nakawin ang mga bagay na hindi binabantayan. Mas madaling nakawin at sa katotohanan, ang pangyayari ay hindi mo man lamang mapapansin.

Kung pagdaka'y ikaw ay mapalingon, maiisip mo ba na ikaw ay ninakawan nga kung ang nawala ay hindi naman mahalaga para sa'yo sa umpisa pa lamang?

Magiging kawalan ba kapag ang isang bagay na walang halaga para sa'yo ay ninakaw ng iba?

Ngayon, ano nga ba ang dapat bigyan ng wastong pagpapahalaga? Ang mahalaga sa iyo o ang mahalaga sa iba?

Huwebes, Marso 4, 2010

Sukli



Sa buhay, hindi lahat ay sakto. Hindi lahat ng pangyayari, humuhusto sa plano mo. Kung minsan ay sobra. Kung minsan ay kulang.

Ano nga ba ang mas mainam - ang makatanggap ka ng kapos, o ng higit sa iyong inaasahan? Alin man sa dalawa ay nakakadismaya pa rin, hindi ba? 

Kung sakaling hawak mo naman ang pagpili, ano ang iyong ibibigay kung hindi wasto?

Ang kulang kung kaya't kulang ay hindi sapat. Hindi nito kayang abutin ang tayog ng kanyang inaasahan. Hindi siya kailanman magiging kuntento. Uhaw at gutom ang magiging bunga nito pagtagal-tagal. Hindi ka dapat magbigay ng kulang sa inaasahan. Walang sinuman sa mundong ito ang magiging masaya sa kulang.

Kaya mo bang ibigay ang sobra pa sa kanyang inaasahan? Tama ba ang higitan mo ang kanyang hinihingi?

Sa una'y maaaring lubos nga ang kaligayahan ngunit, darating rin ang panahon na mapupudpod ka rin. Mapapagal ka rin sa pagbibigay ng labis. Lalo na kung hindi naman niya ito tinutumbasan.

Dahil hindi niya kayang tumbasan ang sobra. 'Pagkat pinili pala niya ang magbigay ng wasto - na kahit wasto ay kulang pa rin para sa'yo, kulang sapagkat labis ang iyong ibinigay.

Hindi lahat ng labis ay may sukli.


Martes, Marso 2, 2010

Ang Nakaraan



Ang nakaraan ay dapat nang kalimutan. Wala itong magandang maidudulot sa sitwastong nakapalibot sa iyo sa kasalukuyan.

Katanggap-tanggap nga ang magbalik-tanaw paminsan-minsan ngunit, kung ang pagsilip mong muli sa iyong nakalipas ay may kasamang panghihinayang at pagsisisi, anong buti ang iyong matatamo rito? Hindi mo maaaring pagsamahin ang iyong nakaraan sa buhay na mayroon ka na ngayon. Maguguluhan ka lamang at masisira ang iyong mga diskarte dahil sa multo ng mga nagdaang panahon.

Baunin mo na lamang ang mga aral na napulot mo mula sa iyong mga karanasan.  Ito na marahil ang pinakamainam na gampanin ng nakaraan sa buhay. Huwag mo nang tawirin pa ang tulay patungo sa nakalipas. Marupok na ito.

Ang paglalakbay sa buhay ay pasulong. Malimit ay napapalingon tayo sa ating likuran, ngunit hindi ibig sabihin nito ay ihihinto na natin ang paghakbang.


Biyernes, Hunyo 12, 2009

Ang Mga Nominado



Nakatutuwang malaman na mayroon ulit Top 10 Emerging Influential Blogs ngayong taong ito. Simula noong 2007, ako ay buong pusong sumusuporta sa proyektong ito ni Bb. Janet Toral. Naniniwala kasi ako na malaking bagay ang naitutulong nito upang kundi man maipakilala, ay maimpluwensiyahan ang mga baguhang blagero.

Narito ang unang bahagi ng aking mga nominado para sa taong ito:

1.) Patay Gutom - mahilig sa kainan ang Lolo niyo. Kaya naman nakatutuwang malaman na mayroong isang grupo ng mga Patay Gutom na nagbuo ng isang blog para sa mga pagkain. Talagang matatakam ka at nanaisin mong kumain ng kung ano mang ikinukuwento nila, at sa mga letrato pa lamang, magugutom ka na!

2.) Kelvinonian Ideas - potograpiya, teknolohiya, hanggang sa mga PSP wallpapers...naaaliw ako sa blog na ito at sa gawi ng pagsusulat ng may-akda - at siya ay 17 taong gulang pa lamang!

3.) Father Blogger Dot Com - may sense ang mga nakasulat sa blog na ito. Mga paksang pangkarinawan na nating naririnig, ngunit naisulat sa kakaibang angulo at pang-unawa. Ito ay isa sa mga blogs ngayon na maituturing kong may puso. (Kala mo saging lang ha?)

4.) Batang Lakwatsero - dahil sa rayuma ay hindi pala-alis ang Lolo niyo. Kaya naman sa mga travel blogs na gaya nito na lamang ako nakapapasyal. Lay-out, paraan ng pagsusulat, at pagkuha ng letrato ang nagustuhan ko sa lakwatserong ito.

5.) Tunay na Lalake - aliw na aliw ako sa mga nakasulat rito. May sense of humor. Mga importanteng katangian daw ng isang tunay na lalake.
UPDATE:

6.) WritingToExhale - malikhaing pagsusulat at wastong pagtalakay sa paksa ang naging basehan ko upang isama ang blog na ito sa aking listahan. Dalawang posts pa lamang ang aking nababasa sa blog na ito ay napa-oo na ako.
7.) VideoChops - bibihira na ang mga video blogs kaya naman hanga ako sa makulay na blog na ito. Naniniwala rin ako sa kakayahan at talento ng may-akda pero hindi pa niya ako sinuhulan para mapasama siya rito.
UPDATE:
8.) Zorlone - Hindi madaling sumulat ng isang post, at lalong hindi madaling lumikha ng isang magandang tula. Kaya naman matapos kong mabasa ang ilan sa mga tula sa blog na ito, ako ay humanga at 'di na nagdalawang-isip pa na isama ito sa aking mga nominado.
9.) Through the Focal Glass - Gusto ko ang layout, and titulo ng blog, at ang gawi ng pagtalakay sa iba't-ibang paksa. Gusto ko rin pumwesto sa kaliwang bahagi ng header nito.
10.) I Love/Hate America - kakaibang paksa ang tinatalakay sa blog na ito. Kakaibang paksa sa blogging world, ngunit maituturing nating pangkaraniwan para sa ating mga Filipino. Anu nga ba ang mga bagay-bagay na gusto at ayaw natin sa bansang itinuturing ng marami na ating kakampi? Maipagmumuni-muni mo ang lahat ng 'yan sa pamamagitan ng blog na ito.

Sa wakas ay natapos ko rin ang aking listahan. Masasabi kong mas nabigyan ko ng panahon ang aking pagdedesisyon ngayong taon na ito, kumpara sa mga nakaraang taon. Naway walang sumama ang loob, sapagkat kung ako lang ang masusunod ay lampas ng sampu ang aking isasama.


Ang mga magwawagi ay ipagsisigawan sa taumbayan sa ika-8 ng Agosto, alas-sais hanggang alas-onse ng gabi sa Forum Hall, Casino Filipino, PIRC Bldg. Ninoy Aquino Avenue, Parañaque City.


Pindot lang dito para sa mga karagdagang detalye.



Ang proyektong ito ay inihahatid sa atin ng mga bonggang-bonggang isponsors:





Binabati ko na ngayon pa lamang ang lahat ng mga nominado, at ang mga bumubuo sa kaganapang ito!




Huwebes, Abril 2, 2009

NBI Clearance 101



Panahon na naman kung kailan pinakamaraming naghahanap ng trabaho. At kakambal ng pag-aapply ay ang pagkumpleto ng mga kinakailangang dokumento at iba pang anik-anik. Isa na rito ang NBI clearance. Ang NBI clearance ay isang dokumento na nagpapatunay na ika'y wala o wala nang bahid ng kahit anung kriminal na kaso kaya nararapat kang tanggapin sa isang trabaho.

Ang main branch kung saan ka maaaring kumuha ng NBI clearance ay ang kanilang opisina sa Carriedo (
Carriedo Plaza Building, Carriedo St. cor Estero Cegado and Sales St. Quiapo, Manila) malapit lang ito sa LRT1 Carriedo station. Bukas ang kanilang tanggapan mula alas-otso ng umaga, hanggang alas-singko ng hapon, Lunes hanggang Biyernes. Para sa akin, mas maganda kung umagang-umaga ka pupunta upang kakaunti pa lamang ang tao. Iwasan ding pumunta ng Lunes dahil paniguradong box office ito.

Siguraduhing may dala kang ballpen (black), ID, at siyempre perang pambayad sa clearance na nagkakahalaga ng P115.00 hangggang P415.00 depende sa iyong pakay. (Narito ang kanilang price list.
)

Hindi totoong kailangan ng cedula gaya ng tsika ng mga mapagsamantala sa labas ng tanggapang ito.

Pagpanhik mo sa itaas ay makakikita ka ng cashier kung saan may nakapaskil na "Pay P20 for renewal and new applicants". Matapos mo magbayad ay mapapansin mong parang entrance ticket ito. Hindi ko mawari kung para saan ang bayad na ito ngunit mukhang hindi ka papapasukin sa opisina nila hangga't hindi ka nakababayad. Bongga! Parang sinehan lang may entrance fee!




Pagpasok mo naman ay diretso ka na sa "NBI Application Forms Here " window. Dito ka kukuha ng application form at kung wala ka ring ballpen, ay may tinitinda din sila rito. Saya!




Pagtapos mong masagutan ang papel na ito ay pila ka na sa Step 1 upang magbayad para sa clearance. Kung may sakto kang pera gaya ng isang isang-daan at tatlong limang-piso para sa P115.00, doon ka na magbayad sa mga machine. Mas mabilis at mas susyal.


'Pag may resibo ka na ay dahan-dahan ka nang umaykat sa susunod na palapag. Tandaan: Dahan-dahan. Nasa palapag na ito ang Steps 2, 3 at 4. Sa step 2, titingnan kung tama at kumpleto ang mga pinaglalalagay mo sa form. Tititigan lang ito ni manong ng ilang sandali at sasabihan ka niyang go go go
na sa next step (kapag wala kang kulang o mali) kung saan hahanapin naman sa kanilang talaan ang iyong pangalan. Dito nila nalalaman kung ikaw ay may kaso o may kapangalang mayroong kaso (kagaya ko).




Ang susunod ay ang piktyur-piktyur. Bawal ang may nakasukbit na bag. Magagalit si kuya. Payuko rin ang gagawin mong pose sapagkat mababa ang kamera. Siguradong doble ang 'yong baba, o kitang-kita ang 'yong mga eyebags. Ang letrato sa NBI clearance ay maituturing natin na pinakamasagwang kuha natin sa ating buong buhay. Hindi ko alam kung anong mayroon sa kamera na iyon at magmumukha kang masamang-loob.

Pagkatapos mong magpakuha ng letrato ay panhik ka ulit ng dahan-dahan sa susunod na palapag para sa Steps 5, 6, at 7. Sa step 5, lalapirutin ni manong ang 'yong mga daliri at ididiin sa tinta at sa form mo para sa finger prints. Mamamangha ka na lamang at para bang may sariling buhay ang iyong mga daliri. Maghanda rin ng dalawang-piso. Dalawang-piso para sa ink remover chenes ni manong o mas kilala natin sa tawag na wet tissue. Hindi naman sapilitan ang pagbili nito gaya ng mga nakapaskil sa paligid - "Kung sino lang ang may gusto." Siyempre, dahil puno ng tinta ang iyong mga kamay, bibili ka na rin kung ayaw mong umuwi bilang isang ganap na taong grasa.


Matapos ang masinsinang pagpapahid ng kamay ay lipat ka na sa step 6 kung saan malalaman mo na kung makukuha mo na kaagad ang iyong clearance at didiretso ka na sa step 7, o mamalasin ka sapagkat may kapangalan ka na mayroong kaso at babalik ka na lamang sa petsang itatatak ni kuya sa resibo mo.


Sa mga swerte't pinagpala, diretso na sa releasing, at pagkatapos ay pila na sa thumb printing para sa nakuha mo nang clearance. Siyempre pa, may mga negosyante rin sa step na ito - envelope para nga naman 'di malukot ang pinagpaguran mo, at may photocopy na rin. Yehey!

Para sa ilan pang karagdagang impormasyon tungkol sa NBI Clearance, klik mo 'to now na!

Sana sa hinaharap ay mas mapadali pa ang proseso nito (online, phone, etc.) daba?

Bow.


Martes, Marso 31, 2009

Bloggers Breakaway Bash



Matapos ang ilang dekada ay muli akong nakaattend sa isang blogger event. Ito ay ginanap noong ika-28 ng Marso, taong kasalukuyan, sa SM City San Lazaro, Manila. Nakatutuwa makilala ang mga gaya kong bagito sa blogging world, at ang mga nagnanais pa lamang magblog. Nawa'y maituloy ninyo ang inyong binabalak. Maraming salamat sa mga sumusunod na isponsors:




Informatics Dapitan-Sampaloc, Digital Walker, at Manila Bulletin Travel.



At palakpakan din natin ang mga nag-ayos ng kaganapang ito. Kami'y lubusang nagalak at natuwa. (At may napanalunan ako sa wakas! In fairness!)



Hanggang sa muli...hiiiii...hiiiii...yaaaaaaaaaah... (Insert saxophone here.)

Biyernes, Marso 27, 2009

I Love Lumba-Lumba

Batid ng karamihan sa mga nakakikilala sa akin na ako ay lubos na nahuhumaling sa mga lumba-lumba. Kung isang uri ng tao ang nasa isip mo ay nagkakamali ka...

Lumba-lumba o mas kilala sa tawag na dolphin sa ingles ang aking tinutukoy. Ako'y talaga namang humahanga sa mga katangian ng nilikhang ito kaya naman isa ako sa mga sumusuporta upang sila'y mapangalagaan ng husto.

Hinding-hindi ko makalilimutan ang panahong ako'y nagkaroon ng pagkakataon upang makadaupang-palad ang mga lumba-lumba. Isang natupad na pangarap ika nga.



Wala pang Digicam nung aking kabataan.


Marami-rami na rin akong nakolekta na mga abubot na puro anyong lumba-lumba. Karamihan ay mga donasyon mula sa 'king mga mababait na kaibigan at kamag-anak. Hindi na nga sila nag-iisip kapag panahon ng bigayan ng mga regalo.



Ilan sa aking koleksyon...at ako'y tumatanggap pa ng mga donasyon.


Ako nga'y isang lumba-lumba adik na maituturing. Kaya naman nang marinig ko at mabasa ang balita tungkol kay
Ronnie Dabal, isang 35-anyos na mangingisda ng tuna (magtutuna?) sa Palawan, ay hindi ko naiwasang matuwa sa galak.

Habang nangingisda siya isang umaga noong Desyembre ng nakaraang taon, nabangga ang kanyang sinasakyang bangka at tumaob ito. Nasa malalim na parte siya ng laot noon kaya naman todo panik si kuya. Pinilit niyang languyin ang pampang ngunit masyadong malakas ang alon, at siya ay tinatangay papalayo. Inabot na siya ng dilim na palutang-lutang sa karagatan. Lubusan siyang napagod at nalupaypay dahil sa kakalangoy maghapon. Nakiepal pa ang maliliit na mga nilalang na tinatawag na "bugto", ito ay magalamay na something at kumakain ng laman ng tao. Duguan na siya kaya naman nangamba siya na baka ilang sandali lamang ay lapitan siya ng mga pating at gawing dinner ng bonggang-bonnga.

Wala na siyang nagawa kundi magdasal na lamang ng todo at magpaubaya sa mga alon.

Halos mawalan na siya ng pag-asa noon hanggang sa may napansin siyang lumalangoy-langoy papalapit sa kanya - (halos) tatlumpung lumba-lumba at dalawang balyena ang to the rescue kay kuya. Inalalayan daw siya ng dalawang balyena to the left to the left at kanan niya. Ang mga lumba-lumba naman ang siyang humihila at tumutulak sa kanya papuntang pampang. Ang iba sa mga lumba-lumba ay pumalibot sa kanya ng ilang metro na para bang mga nagbabantay at handang-handa kung may eeksenang masamang-loob.

Nawalan na siya ng malay sa portion na iyon at nagising na lamang noong nasa pampang na siya.

Huwaw. Lalo akong nainlab sa mga lumba-lumba.

Ang galing. Hindi ko maiwasang mainggit kay kuya. Sana magkaroon din ako ng pagkakataon na palibutan ng mga lumba-lumba, pero huwag na lang 'yung mga bugto - ewwness!

Mapapanuod ang istoryang ito sa Rated K,
ABS-CBN, Linggo (Marso 29, 2009).


Martes, Marso 24, 2009

David

Tuloy na rin sa wakas!

Matapos ang matagal na paghihintay...


Ang dalawa sa pinakasikat na Idol na sina David Cook at David Archuleta ay magtatanghal na para sa kanilang mga Pilipinong tagahanga sa ika-16 ng Mayo, sa Mall of Asia Open Ground, taong kasalukuyan.

Ipinahayag nila ang balitang ito sa pamamagitan ng kanilang mga vlogs. Narito't inyong panuorin:











Bonggang-bongga!

P.S.
Mas gusto ko ang kamera ni Cook.


Lunes, Marso 23, 2009

Bloggers Breakaway Bash

Matagal-tagal na rin akong hindi nakapupunta sa mga salu-salo ng mga kapwa blogger ko. Miss ko na ang tsikahan, tsismisan, pwibis, at syempre ang handaan.

May magaganap na blogger event...

Klik mo 'to para makasali.


Libre. Masaya. Andun pa 'ko. Punta na.

Martes, Marso 17, 2009

May Asim Pa Ang Lolo Niyo

Hindi Chocolate Hills o kung ano mang mabahong bagay gaya ng nasa isip mo ngayon ang nasa larawang ito...


Sapagkat ako'y naiinis at 'di mapakali kapag wala akong ginagawa, umisip ako ng isang gawain na maaaring maging libangan ko at syempre, sa hirap ng buhay ngayon, dapat pagkakakitaan rin.


Sa tulong ng aking inang, tinuruan niya ako kung paanong gumawa ng Sampalok candies. Opkors, hindi ko sasabihin dito kung paano ang proseso ng paggawa, maliban na lamang kung babayaran mo 'ko ng bonggang-bongga para ibunyag ang sikreto na kanyang pinagkatago-tago simula pa noong unang panahon.

Hindi naman ako mahilig sa Sampalok. Naging interesado lang ako kung paano ito ginagawa, at dala na rin nang pagkabato kapag walang pasok.


Pinis Pradak


Naging matagumpay naman ang aking pagluluto, at ngayon ay pinagkakaguluhan na ito ng aking mga kamag-anak at mga kaibigan. Kusang-loob at walang pamimilit na naganap sa kanilang pagbili. Wala talaga. ;)

Pero hindi pa rin ako marunong magluto ng kahit anong ulam, ni magsaing. Haha.

Bili na! Dali!

Huwebes, Marso 5, 2009

Kol Sener

Aba! Akalain mo ‘yun? May blog pala ako!

Muntik-muntikan nang mabaon sa limot ang blog kong ito. ‘Di ko rin alam kung bakit ba hindi ko magawang magkwento noong mga nakaraang buwan. Hindi naman dahil wala akong maiikwento. Marami ngang nangyari sa Lolo niyo at kapag sinipag-sipag at ‘di umatake ang rayuma eh isusulat kong lahat rito.

Unahin natin ang isa sa mga pinagkaabalahan ko noong Nobyembre at Disyembre.

Dahil ako’y nakabakasyon nang mahaba-haba mula sa aking trabaho, ako’y nainip ng todo. Hindi kasi ako mapakali ‘pag ako’y nakatunganga lamang at walang ginagawa. Sa aking pamamasyal sa internet, nakatagpo ako ng isang gawain na hindi ko pa nasusubukan, at maaaring pumawi sa aking pagka-inip…

38-day Call Center Employment

Marahil sa karamihan ay kabaliwan ang pagkakaroon ng trabaho sa loob lamang ng napaka-igsing panahon, pero iba ang dating nito sa Lolo niyo. Dahilan nga na wala naman akong ginagawa, at kailangan ko ng pagkakaabalahan, sinubukan kong pasukin ang trabahong ito.

Kaarawan ko pa noong ako’y pumunta sa nakasaad na opisina sa patalastas. Magara ang gusali at pati na rin ang mismong opisina. Lumantad sa ‘king harapan ang napakaraming aplikante kahit napakaaga pa. Tanda na marami pa rin ang naghahanap ng trabaho gaya ng kahit anong panahon.

Lumapit ako sa isang babae na medyo suplada. Sa kanya ipinapasa ang mga resume ng mga aplikante. Matapos kong makipagplastikan sa kanya ng ilang minuto ay umupo ako sa isang tabi at naghintay.

Makaraan ang ilang beses kong pagbalik-balik sa C.R., at dalawang oras, tinawag ako ng isang matabang lalaki, at ininterview. Pagtapos noon ay exam naman. Pagtapos ay interview ulit. Nakapag-Enervon Prime ata ako noon at naipasa kong lahat ito. Pinapirma na ako kaagad ng kontrata para sa aking napaka-igsing trabaho.

Nagsimula ang training ng Nobyembre. Ang tatlong linggong ito ay kasama na rin sa tatlumput-walong araw ng pagtatrabaho. Bayad ka na, ngunit nakikinig, naglalaro, at nakatanga ka lang naman magdamag. Magdamag. Mula alas-diyes ng gabi hanggang alas-siyete ng umaga. Wala namang problema sa akin ito sapagkat sanay naman ako sa puyatan, bagay na natutunan ko sa pagkanta sa mga lamay noong aking kabataan.

Pagkatapos ng training period, ay sabak na sa aktwal na trabaho. May mga natanggal at hindi nakapasa, ngunit sa tulong ng mga halamang gamot na iniinom ko, nakalusot ang Lolo niyo.

Naalala ko pa ang unang tawag na aking natanggap. Isang matandang babae. Mabait siya at nakatutuwa. Bagay na akin din namang ikinasiya. Ngunit paglaon, napagtanto ko na hindi lahat ng caller ay ganoon. Sa katunayan, napakaliit na porsiyento ang makatanggap ka ng tawag mula sa ganoong klaseng nilalang. Sa aking eksperiyensa, mas marami ang mga hinayupak na customer. Na talaga namang nagpa-highblood sa akin nung mga panahong iyon.

May mga sumisigaw, nag-iinit, nagmumura, nanlalait, at kung anu-ano pa. Mga eksena na dapat iyong intindihin at sikmurain. Ito, sa aking pananaw, ang nagpapahirap sa ganitong klaseng trabaho.

Isa pang medyo hindi ko nagustuhan ay ang de-minutong pagkilos mo sa araw-araw. Ang pagpunta sa C.R. o restroom o washroom o john o jane (ang pagtawag ay depende sa iyong kaartehan) ay kailangang tumagal lamang ng sampung minuto sa buong araw. Isang parte kung saan ako’y nahirapan. Ang layo mula sa aking upuan papunta doon ay dalawang minuto nang paglalakad. Babalik ka pa diba?

Masuwerte ka rin kung matatapat ka sa bonggang-bonggang kompyuter. Kung hindi, mas agahan mo pa kinabukasan upang mauna ka sa pagpili.

Isang magandang balita ay ang libreng pagkain. Dahilan ng aking pagtaba ay ang tatlong kanin, tatlong ulam at panghimagas araw-araw.

At mas malaki rin ang sweldo namin kumpara sa mga regular na empleyado doon. Dahilan ng paulit-ulit nilang pagsabi ng “Genen?! Grebe! Kekeengget nemen!”

Suma total, naging isang magandang yugto ng aking buhay ang pagpasok ko sa isang kol sener. Marami akong nakilala. Kumita ako ng malaki. Tumaba ako. At mas naging compiden ako sa aking Inglis.

Aaminin ko na minsan ay nakatataas ng kilay ang kakonyohan ng ilan sa mga nagtratrabaho sa ganitong industriya. Sana tandaan nating Pilipino pa rin tayo kahit na kadalasan ay nasa ibang panig ng mundo and isa o dalawa nating tenga.

Pero dahil din dito, natutunan ko na hindi para sa akin ang ganitong trabaho. Marami akong inaway at sinigawang kostomer. Hindi kasi kaya ng aking damdamin na sigaw-sigawan na lamang ang aking pagkatao you know.

Pero saludo ako sa mga kol sener eydiyents diyan, at ipagpatuloy niyo ang gawaing iyan kahit na mahirap at stressful ika nga. Basta nakatutulong naman sa ating sarili at pamilya, go! Go! Go!

Sabado, Agosto 2, 2008

Lolo's Payo's

Natagpuan ko ang post kong ito na mula pa sa panahong ako'y medyo nakakapag-ingles pa. Nakatutuwa lang isipin na hindi pa ako nagtuturo noong isinulat ko ito, at ngayong nagtuturo na ako, [ang gulo! hahahah] ito pa rin ang karaniwang ipinapayo ko sa aking mga estudyante. Narito at baka sakaling may matutunan kayo.


According to my dad, I started singing even before I started talking. He used to be in a band too…cool ei? He taught me some tips on how to take care and improve my voice. I’ve been researching about this these past few days and here is list of what I have found, and accept as true.


1. Maintain adequate hydration. Drinking plenty of water allows vocal cords to vibrate with less “push” from the lungs, especially when reaching high pitches. Also, well-hydrated vocal cords resist injury than dry cords. I always make it a point that I have bottled-water with me during gigs. Drinking water after two or three songs is really necessary for me.


2. Always warm-up and cool-down. Warming-up your voice is important before prolonged singing engagements. I do this by humming songs that are easy to sing (for me). This helps me to have my voice in good shape when I step on stage. It is much easier to “blow it all out” after doing this. Though it is often ignored, vocal cool-downs may also be used to prevent damage to vocal cords. Again, the simple practice of gentle and relaxed humming can serve as one excellent, easy form of cooling-down.


3. Know your range. Avoid singing pieces at the extremes of your vocal range. Or songs with high or low pitch that you can’t reach constantly. This could really damage your vocal cords. To determine your range, perform light glides or lip trills to your highest and lowest notes. Record these notes by checking them on a piano. Make sure that pieces in your repertoire fall above the lowest and below the highest extremes of your range. To view average vocal ranges for soprano, mezzo soprano, alto, tenor, baritone, and bass voices, click here.


4. Know the potential side effects of your medications. Many commonly prescribed medications can have significant effects on your voice. I’ve learned this one from experience. A certain ascorbic acid that I’ve taken not so long ago made my voice hoarse for days. Good thing my guitarist back then can sing. He sang more songs than me during those nights…haha.. For a listing of medications and potential adverse effects on your voice, click here.


5. When singing with a band, use monitors. Have some small speakers facing you on stage so you can hear yourself adequately and modify your volume accordingly. It is pretty hard to sing without these monitors, especially when performing in an open spot. If these are not really accessible for some reason, I suggest that you stay clear from the instruments – especially the drums. You can also try placing one finger in your ear but this should be done in an “artful” manner. ;P


6. Avoid vocally abusive behaviors.

- Decrease overall volume.

- No shouting/ yelling.

- Don’t whisper! It may actually make your voice worse.

- Don’t talk in the presence of a lot of background noise!

- Don’t try to talk or sing when you have a bad cold or laryngitis.


7. And lastly, Don't smoke! Don't smoke! Don't smoke! I can't say it enough.


I’ll try to look for more tips on voice improvement, and post it here. If you also have some, feel free to contact me and I’ll add it here too.

Thank you and happy singing!


Martes, Hulyo 29, 2008

At ang mga nominado...

Narito na ang aking listahan ng mga bagong blogs na aking binibisita sa tuwi-tuwina, at sa tingin ko ay may karapatang mapasama sa Top 10 Emerging Influential Blogs of 2008:



Sabado, Hulyo 26, 2008

Perya

Natatandaan ko pa kung gaano ako kasaya nang magpunta kami ng aking pamilya sa peryahan noong aking kabataan. Isang paikot-ikot na helicopter ang pumukaw sa paningin namin ng aking nakababatang kapatid.

Isang mama ang umalalay sa amin sa pagsakay. Pagsara ng bakal na pintuan, makikita talaga sa pagmumukha naming magkapatid ang lubos na kasiyahan - hanggang bagang ba naman ang laki ng aming mga ngiti.

Habang unti-unti na kaming umaandar papataas, parang nag-iba ang aking pakiramdam. Nabalutan ng kaba at takot ang aking kasiyahan habang nakikita ko na lumiliit na paunti-unti ang aking mga magulang. Tumingin ako sa aking kapatid at ganoon din ang kanyang hitsura - mukhang constipated.

Ilang sandali lamang bumilis nang bumibilis ang pagtaas-baba ng helicopter na iyon. At nagsimula na nga kaming ngumawa. Sumigaw ng "Mami! Dadi!" na sinundan ng malakas na "Waaaaahh!".

Anong ginhawa ng aming pakiramdam pagtungtong namin sa lupa.

Haaaay... hindi ko talaga ito makalimutan. Paano ba naman, todo kuha pala ng letrato ang nanay ko, kasama tuloy ito sa aming photo album.

Kagabi, nagpunta ako sa isang sikat na perya sa Maynila. Doon, nakakita ako ng kasing-halintulad na ride sa aking kwento. Bigla tuloy bumalik ang mga ala-ala at napakanta ako ng "It's All Comin' Back to Me Now".

Nakahihiya man aminin, pero hanggang ngayon, takot pa rin ako sumakay sa mga nakababaliw na rides. Ako palagi ang taga-bitbit ng bags at gamit ng barkada kapag sasakay sila. Biruin mo, hindi pa ako nakasasakay doon sa sikat na ride sa Laguna. Hanggang bump cars at boat lang ako. Palakad-lakad sa snow, patakbo-takbo sa mga horror houses, naglilibang sa shooting games, pahagis-hagis ng barya at bola, at papindot-pindot sa arcade.

Ako na siguro ang pinaka-KJ mong makakasama kung aayain mo ako sa mga ganitong lugar.

Wala pang nakapipilit sa aking sumakay sa mga pamatay na rides. Kung tama ang presyo baka pag-isipan ko pa. Heheheh. Pero sa ngayon, pass muna ako sa paikot-ikot, pahagis-hagis, at patumbling-tumbling. Uupo na lang ako sa isang tabi habang kumakain ng hotdog.

Martes, Hunyo 24, 2008

Lablayp

Hindi ko alam kung paano simulan ang isang post.

Gusto ko sanang magsulat tungkol sa aking buhay pag-ibig ngayon. Pero ako'y lubusang nahihirapan. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa inyo na sa wakas, pagkatapos ng napakatagal na panahon, naramdamam ko na rin ang tinatawag ng mga normal na tao na pag-ibig.

Siguro dala ng lubos na kaligayahan ko ngayon, hindi ko man lang magawang i-apdeyt ang aking blog kagaya ng dati.

Inaamin ko na noong nakaraang araw ng mga puso ay halos isumpa ko ang mga magsing-irog.

Nagkamali ako. Pwede namang magsori diba?

Nagbago na 'ko. Maniwala kayo.

Dahil ngayon, siya lang ang laman ng aking puso at isipan sa araw-araw. Lahat ng oras na kasama ko siya ay parang eksena sa romantikong pelikula. Nagiging espesyal ang lahat ng lugar na pinupuntahan namin kahit na ang MRT. Gumaganda ang paligid basta nandun siya, kahit na puro bandalismo at basura ang kanyang kinatatayuan, perpek pa rin. Ang dating nakaiinis na mabagal na trapiko ay anung bilis na ngayon basta kasama siya. Ang P300 cellphone load na dati'y inaabutan pa na expiration date ay pang isang linggo ko na lang ngayon. Kapag natatamad akong pumasok sa trabaho, iisipin ko lang na walang outgoing ang telepono sa bahay kaya't 'di ko maririnig ang magandang boses niya 'di tulad kapag nasa opisina ako.

Haaay. Nagbago na talaga ako. Marami pa sana akong sasabihin pero kailangan ko na siyang kausapin. Hindi sa hindi ko kaya na nagsusulat habang kausap ko siya, ayoko lang nang kalahati lang ang atensyong ibinibigay ko sa kanya. Korni. Hahahah. Maglalagay sana ako ng letrato namin dito pero nagbago ang isip ko. Baka may makisali pa sa eksena kapag nakita siya, seloso pa naman ako.

Opo. Umiibig at iniibig ang Lolo niyo. :-)

Biyernes, Mayo 9, 2008

Ba-bay

Waaaaah... bakit kailangang magpakasal ni Mariah Carey????!! Huhuhuhu...




Huwebes, Abril 3, 2008

Tantararantanjantanjan...

Di ko maiwasang matawa sa aking sarili habang binabasa ko ang nakaraan kong post. Gustuhin ko mang burahin ito upang makaiwas sa lubos na kahihiyan ngunit 'di na siguro maaari sapagkat nariyan na 'yan at nakatulong naman talaga ang pagsusulat kong iyon nang husto upang mailabas ko ang aking dinaramdam.
Maraming salamat sa mga nakisimpatiya. :)
Bukod sa pagsusulat ng kung anu-ano, isa pang bagay na aking ginagawa kapag gumugulo ang aking mundo ay ang pagkanta sa KTV. Hehe.
Aminin na natin na nakaaalis naman talaga ng kalungkutan ang mga videoke, kaya nga bawat kanto yata ay may makikita kang mga ganito - na isang patunay na maraming problemado sa mundong ito.
Nakaaaliw naman talaga lalo na kung kasama mo ang buong tropa at nag-aagawan kayo sa mga kanta.
Hmmm...naisip ko tuloy...anu-ano ba ang mga kantang imposibleng hindi mo maririnig kapag nasa KTV ka? Mga awiting kadalasang inaawit o ikaw mismo ang walang kasawa-sawang kumakanta nito...maging bago o luma man .
Ayon sa aking pagtatanung-tanong: (Hindi ko na ilalagay kung sino ang kumanta, nakatatamad eh.hehe.)
1.) Just Once
2.) How Did You Know
3.) Skyline Pigeon
4.) To Love You More
5.) Be My Lady
6.) Total Eclipse of The Heart
7.) Irreplaceable
8.) Till My Heartaches End
9.) Somewhere Down the Road
10.) If I Ain't Got You
11.) Umbrella
12.) Kahit Isang Saglit
13.) Buttercup
14.) Love Moves in Mysterious Ways
15.) Dadalhin
16.) Halik
17.) Listen
18.) Wherever You Will Go
19.) Unwell
20.) Tell Me Where It Hurts
21.) Paalam Na
22.) Sway
23.) Closer You and I
24.) Crazy For You
25.) Kahit Kailan
26.) With A Smile
27.) Hallelujah
28.) Cry
29.) All This Time
30.) Hero
31.) Truly, Madly, Deeply
32.) Breathless
33.) Because of You
34.) I'll Be
35.) Bakit Ngayon Ka Lang
36.) Zombie
37.) Iris
38.) Bring Me To Life
39.) Alone
40.) My Immortal
...at siyempre ang walang kamatayan at madalas ikasawi ng mga kumakanta nito...MY WAY.
Kayo? Ano ang mga kinakanta niyo sa KTV?