Huwebes, Marso 4, 2010

Sukli



Sa buhay, hindi lahat ay sakto. Hindi lahat ng pangyayari, humuhusto sa plano mo. Kung minsan ay sobra. Kung minsan ay kulang.

Ano nga ba ang mas mainam - ang makatanggap ka ng kapos, o ng higit sa iyong inaasahan? Alin man sa dalawa ay nakakadismaya pa rin, hindi ba? 

Kung sakaling hawak mo naman ang pagpili, ano ang iyong ibibigay kung hindi wasto?

Ang kulang kung kaya't kulang ay hindi sapat. Hindi nito kayang abutin ang tayog ng kanyang inaasahan. Hindi siya kailanman magiging kuntento. Uhaw at gutom ang magiging bunga nito pagtagal-tagal. Hindi ka dapat magbigay ng kulang sa inaasahan. Walang sinuman sa mundong ito ang magiging masaya sa kulang.

Kaya mo bang ibigay ang sobra pa sa kanyang inaasahan? Tama ba ang higitan mo ang kanyang hinihingi?

Sa una'y maaaring lubos nga ang kaligayahan ngunit, darating rin ang panahon na mapupudpod ka rin. Mapapagal ka rin sa pagbibigay ng labis. Lalo na kung hindi naman niya ito tinutumbasan.

Dahil hindi niya kayang tumbasan ang sobra. 'Pagkat pinili pala niya ang magbigay ng wasto - na kahit wasto ay kulang pa rin para sa'yo, kulang sapagkat labis ang iyong ibinigay.

Hindi lahat ng labis ay may sukli.


Martes, Marso 2, 2010

Ang Nakaraan



Ang nakaraan ay dapat nang kalimutan. Wala itong magandang maidudulot sa sitwastong nakapalibot sa iyo sa kasalukuyan.

Katanggap-tanggap nga ang magbalik-tanaw paminsan-minsan ngunit, kung ang pagsilip mong muli sa iyong nakalipas ay may kasamang panghihinayang at pagsisisi, anong buti ang iyong matatamo rito? Hindi mo maaaring pagsamahin ang iyong nakaraan sa buhay na mayroon ka na ngayon. Maguguluhan ka lamang at masisira ang iyong mga diskarte dahil sa multo ng mga nagdaang panahon.

Baunin mo na lamang ang mga aral na napulot mo mula sa iyong mga karanasan.  Ito na marahil ang pinakamainam na gampanin ng nakaraan sa buhay. Huwag mo nang tawirin pa ang tulay patungo sa nakalipas. Marupok na ito.

Ang paglalakbay sa buhay ay pasulong. Malimit ay napapalingon tayo sa ating likuran, ngunit hindi ibig sabihin nito ay ihihinto na natin ang paghakbang.