Sabado, Hulyo 26, 2008

Perya

Natatandaan ko pa kung gaano ako kasaya nang magpunta kami ng aking pamilya sa peryahan noong aking kabataan. Isang paikot-ikot na helicopter ang pumukaw sa paningin namin ng aking nakababatang kapatid.

Isang mama ang umalalay sa amin sa pagsakay. Pagsara ng bakal na pintuan, makikita talaga sa pagmumukha naming magkapatid ang lubos na kasiyahan - hanggang bagang ba naman ang laki ng aming mga ngiti.

Habang unti-unti na kaming umaandar papataas, parang nag-iba ang aking pakiramdam. Nabalutan ng kaba at takot ang aking kasiyahan habang nakikita ko na lumiliit na paunti-unti ang aking mga magulang. Tumingin ako sa aking kapatid at ganoon din ang kanyang hitsura - mukhang constipated.

Ilang sandali lamang bumilis nang bumibilis ang pagtaas-baba ng helicopter na iyon. At nagsimula na nga kaming ngumawa. Sumigaw ng "Mami! Dadi!" na sinundan ng malakas na "Waaaaahh!".

Anong ginhawa ng aming pakiramdam pagtungtong namin sa lupa.

Haaaay... hindi ko talaga ito makalimutan. Paano ba naman, todo kuha pala ng letrato ang nanay ko, kasama tuloy ito sa aming photo album.

Kagabi, nagpunta ako sa isang sikat na perya sa Maynila. Doon, nakakita ako ng kasing-halintulad na ride sa aking kwento. Bigla tuloy bumalik ang mga ala-ala at napakanta ako ng "It's All Comin' Back to Me Now".

Nakahihiya man aminin, pero hanggang ngayon, takot pa rin ako sumakay sa mga nakababaliw na rides. Ako palagi ang taga-bitbit ng bags at gamit ng barkada kapag sasakay sila. Biruin mo, hindi pa ako nakasasakay doon sa sikat na ride sa Laguna. Hanggang bump cars at boat lang ako. Palakad-lakad sa snow, patakbo-takbo sa mga horror houses, naglilibang sa shooting games, pahagis-hagis ng barya at bola, at papindot-pindot sa arcade.

Ako na siguro ang pinaka-KJ mong makakasama kung aayain mo ako sa mga ganitong lugar.

Wala pang nakapipilit sa aking sumakay sa mga pamatay na rides. Kung tama ang presyo baka pag-isipan ko pa. Heheheh. Pero sa ngayon, pass muna ako sa paikot-ikot, pahagis-hagis, at patumbling-tumbling. Uupo na lang ako sa isang tabi habang kumakain ng hotdog.

2 komento:

  1. haaay, nostalgia nga naman... noon mahilig din ako sa catterpillar pero never sa ferris wheel... hanggang nagyong lumaki ako hindi ko na inulit sumakay ng ferris wheel.

    TumugonBurahin
  2. wow...i cam't blame you...natrauma ka tlga cguro..pero eto lang...ang saya sa enchanted kingdom...try mu lang...face your fears, live your dreams..hehe!

    TumugonBurahin