Lunes, Setyembre 24, 2007

Pisara

Babala: Ang kwentong ito ay aking isinulat sa panahong wala akong tulog at mayroong karamdamang iniinda. Patawarin niyo sana ang kababawan ng konteksto nito.

Halos mauntog ako sa aming kisame sa pagtalon dahil sa lubos na kagalakan nang ibili ako ng aking tatay ng maliit na pisara, noong ako ay musmos pa lamang. Palagian ko kasi siyang kinukulit kapag may naglalako nito sa tapat ng aming bahay. Tulad ng pangkaraniwang pambatang pisara, ang aking blackboard ay may mga titik ng alpabeto at mga numero sa lahat ng apat na gilid, may nakalarawang mga hayop, at laruang orasan sa itaas na kaliwang bahagi nito. Siyempre, kasama na rin sa set ni manong ang
pambura at makukulay na yeso.

Talagang hilig ko na kasi magtitser-titseran noon pa man. Kaysa magpatuloy sa pananakit ang ulo ng aking inay dahil sa pagbubura ng mga lectures ko sa aming pader, ay binilan na nga nila ako ng totoong pisara. Ipinagmalaki ko kaagad ito sa mga kalaro ko - ang aking mga estudyante. Kumpleto kami mula upuan hanggang sa mga papel at kuwaderno, mayroon din akong class-record at kasali rin sa laro pati pagpapa-iskuwat at pagpapa-face-the-wall, para gurong-guro talaga ang dating ko.

Iba't-ibang klase ng guro ang ating nakasama noong tayo ay nagsisipag-aral. Mayroong parang nanay o tatay mo lang, mayroon din namang nangangatog ang iyong tuhod sa tuwing kaharap mo sila dahil sa sobrang sungit - ang mga kontrabida ng buhay natin noon ika nga. May malakas ang boses na talaga namang nakakatakot. May napakahinang magsalita, na halos pisara na lang ang kausap. Nakakainis kapag ganoon 'di ba? Lalo na kung Math pa ang kanyang itinuturo na hindi mo na nga lalong maintindihan dahil sa pabulong niyang pagtalakay. Mayroon ding parang umuulan lang 'pag nagsasalita siya. Aba! libreng hilamos sa klase!

Kapag may libre, siyempre mayroon ding may bayad - mawawala ba naman ang mga gurong negosyante?! Sandwiches, Yakult, lapis at ballpen, pambura, pantasa, y
ema, espasol, chocolate crunchies, tosino, longganisa, at napakarami pang iba. Kung gusto mong magpasikat ay bumili ka lang sa kanila, tiyak na medyo tataas ang grado mo. Siguro ngayon, may mga guro ring nagbebenta ng cellphone load ano? Hmmm...

Bakit may mga guro na parang hindi tumatanda? Parang kung ano ang hitsura nila noon sa class picture niyo, ay ganoon din kapag nakasalubong mo sila sa kalsada? Pansin mo? Who touches their skin kaya?

Talagang malaki ang naging impluwensya ng mga guro sa ating buhay. Kadikit o hindi man natin masyadong nakasama ang ilan sa kanila ng pangmatalagan (maliban na lang kung paulit-ulit ka sa ilang baytang), talagang nag-iiwan sila ng marka sa ating puso't isipan. Naks!

Naisip ko lang ang tungkol sa pagtuturo at mga guro, dahil ilang araw mula ngayon, magkakaroon muli ako ng pisara. Hindi nga lang katulad ng dati na maliit, kulay berde at may mga kung anu-ano sa gilid. Mas malaki ito ngayon, kulay puti, at mas makinis.

Magka-iba man ang mga katangian ng dalawang pisarang ito, iisa lang ang kanilang layunin - ang maging daan upang madaling maibahagi ang mga produkto ng aking kaisipan na walang bahid ng kung ano sa mga estudyante. Ngayon ako mas lalong naniwala na kung may nais kang abutin, tumungtong ka lang sa silya magtiwala ka lang talaga...

...kaso, ano kaya ang magandang ibenta?


8 komento:

  1. siguro maganda iyong advanced na tinitinda mo kasi 21st century na. pwede mo ng ibenta sa mga estudyante mo na medyo may kaya ang stocks ng gma-7 (medyo hot yun ngayon 'lo) o kaya naman ay T-rates. o ha, e di sosyal pa tinitinda mo.

    at least habang bata pa, medyo marunong na sila magbasa ng mga business papers or manood ng stocks sa anc sa umaga. haha.

    TumugonBurahin
  2. Kay Bryant: Stocks ng GMA-7?! LOL! Kaso parang mabibigat ang makakabangga ko niyan! hehe.

    TumugonBurahin
  3. Guro din pala ang lolo natin.

    Minsan, sabi sa'kin ng teacher ko nu'ng Hayskul ako, "kung walang teacher, wala tayong doktor, inhinyero, accountant, etc., etc. Teacher kasi ang ang nagtuturo sa kanila."

    Medyo matagal bago ko naintindihan 'yun. Kaya hanga talaga ako sa mga teacher. 'Yung mga kahanga-hanga talagang maituturing.

    TumugonBurahin
  4. Kay jake the miserable: Dati rin hindi ko magets ang kasabihan na 'yun, pero ngayon eh syempre, gets na gets ko na. hehe.

    Salamat, at salamat sa pagdalaw ha.

    TumugonBurahin
  5. dati rin mahilig akong mag titser titseran... pero sa totoo lang, nahihirapan akong magpaliwanag ng ilang mga bagay na parang sa sarili ko lang kaya kong ipaintindi...

    malaki ang parte ng mga guro sa pamumuhay ng mga Pinoy. Kung gaano man ito kalaki, ganun naman kaliit ang sweldo nila...

    TumugonBurahin
  6. Kay kingdaddyrich: Iyan ang malungkot na katotohanan, kaya naman kailangan talaga ng dedikasyon sa larangan ng pagtuturo dahil kung wala, sa tingin ko ay napakahirap manatili sa trabahong ito.

    TumugonBurahin
  7. Inaasahan kong magiging isang mabuting guro ka, Harry... :D

    'Wag masyadong pairalin ang pagka terror ha...Lolo Coach?! :P

    TumugonBurahin
  8. astig ka sumulat lolo..:)
    d po tlaga ako blogger, nag eenjoy lng po magbasa ng blogs ng iba,,tulad nyo..:)

    tlaga po namang kahangahanga ang mga teacher..d nga lang lahat..too bad..

    TumugonBurahin