Anu-ano ba ang mga pinagkaabalahan ko ngayong buwan ng Oktubre? Hmmm...
Nakapagpahinga naman ako ng kaunti, at sa tingin ko ay sapat na 'yun. Nagsimula na rin ako sa aking pagtuturo at nakamamanghang malaman na kung dati-rati ay madali akong mairita at mainis kapag may mga makukulit na bata sa aking paligid, ngayon ay medyo nasasanay na akong habaan pa ang aking pasensya at pigilan ang aking sarili 'pag kasama ko sila.
Sa mga nagtatanong, hindi po ako guro sa elementarya, o sa hayskul, o sa kolehiyo. Ako po ay nagtuturo ng (ehem) pag-awit sa isang training school na ang pangalan ay matatagpuan ninyo dito sa aking blog kung kakalkalin niyo lang ang paligid nito.
Masaya na nakapapagod. Iba ang pakiramdam kapag nakaririnig ka ng magagandang komento mula sa mga estudyante at mga magulang nila. Para kang lumulutang at high sa efficacent oil dahil tuwa. Ikukuwento ko pa ang tungkol dito sa mga susunod na araw.
Ngayong buwan, ipinagdiwang ko rin ang pagsulpot ko sa mundong ito. Maraming salamat sa mga bumati, at dun sa mga hindi bumati - may balik rin 'yan sa inyo balang araw. :-P
Ikaw? Anu-ano ang mga pangyayari sa iyong Oktubre na hinding-hindi mo malilimutan? Ha?