Babala: Ang kwentong ito ay aking isinulat sa panahong wala akong tulog at mayroong karamdamang iniinda. Patawarin niyo sana ang kababawan ng konteksto nito.
Halos mauntog ako sa aming kisame sa pagtalon dahil sa lubos na kagalakan nang ibili ako ng aking tatay ng maliit na pisara, noong ako ay musmos pa lamang. Palagian ko kasi siyang kinukulit kapag may naglalako nito sa tapat ng aming bahay. Tulad ng pangkaraniwang pambatang pisara, ang aking blackboard ay may mga titik ng alpabeto at mga numero sa lahat ng apat na gilid, may nakalarawang mga hayop, at laruang orasan sa itaas na kaliwang bahagi nito. Siyempre, kasama na rin sa set ni manong ang pambura at makukulay na yeso.
Talagang hilig ko na kasi magtitser-titseran noon pa man. Kaysa magpatuloy sa pananakit ang ulo ng aking inay dahil sa pagbubura ng mga lectures ko sa aming pader, ay binilan na nga nila ako ng totoong pisara. Ipinagmalaki ko kaagad ito sa mga kalaro ko - ang aking mga estudyante. Kumpleto kami mula upuan hanggang sa mga papel at kuwaderno, mayroon din akong class-record at kasali rin sa laro pati pagpapa-iskuwat at pagpapa-face-the-wall, para gurong-guro talaga ang dating ko.
Iba't-ibang klase ng guro ang ating nakasama noong tayo ay nagsisipag-aral. Mayroong parang nanay o tatay mo lang, mayroon din namang nangangatog ang iyong tuhod sa tuwing kaharap mo sila dahil sa sobrang sungit - ang mga kontrabida ng buhay natin noon ika nga. May malakas ang boses na talaga namang nakakatakot. May napakahinang magsalita, na halos pisara na lang ang kausap. Nakakainis kapag ganoon 'di ba? Lalo na kung Math pa ang kanyang itinuturo na hindi mo na nga lalong maintindihan dahil sa pabulong niyang pagtalakay. Mayroon ding parang umuulan lang 'pag nagsasalita siya. Aba! libreng hilamos sa klase!
Kapag may libre, siyempre mayroon ding may bayad - mawawala ba naman ang mga gurong negosyante?! Sandwiches, Yakult, lapis at ballpen, pambura, pantasa, yema, espasol, chocolate crunchies, tosino, longganisa, at napakarami pang iba. Kung gusto mong magpasikat ay bumili ka lang sa kanila, tiyak na medyo tataas ang grado mo. Siguro ngayon, may mga guro ring nagbebenta ng cellphone load ano? Hmmm...
Bakit may mga guro na parang hindi tumatanda? Parang kung ano ang hitsura nila noon sa class picture niyo, ay ganoon din kapag nakasalubong mo sila sa kalsada? Pansin mo? Who touches their skin kaya?
Talagang malaki ang naging impluwensya ng mga guro sa ating buhay. Kadikit o hindi man natin masyadong nakasama ang ilan sa kanila ng pangmatalagan (maliban na lang kung paulit-ulit ka sa ilang baytang), talagang nag-iiwan sila ng marka sa ating puso't isipan. Naks!
Naisip ko lang ang tungkol sa pagtuturo at mga guro, dahil ilang araw mula ngayon, magkakaroon muli ako ng pisara. Hindi nga lang katulad ng dati na maliit, kulay berde at may mga kung anu-ano sa gilid. Mas malaki ito ngayon, kulay puti, at mas makinis.
Magka-iba man ang mga katangian ng dalawang pisarang ito, iisa lang ang kanilang layunin - ang maging daan upang madaling maibahagi ang mga produkto ng aking kaisipan na walang bahid ng kung ano sa mga estudyante. Ngayon ako mas lalong naniwala na kung may nais kang abutin, tumungtong ka lang sa silya magtiwala ka lang talaga...
...kaso, ano kaya ang magandang ibenta?