Linggo, Agosto 26, 2007

Huli Man Daw at Magaling

...naipo-post pa rin.

Noong nakaraang Huwebes, naramdaman ko na naman na ako ay isa na ngang ganap na
blogger. Dumalo kasi ang Lolo niyo sa Taste Asia 2 - isang pagtitipon na pakana ni Bb. Aileen Apolo. Medyo pagod na ako nun, alas-sais pa lang kasi ng umaga ay nasa trabaho na ako. Kaya 'yun, medyo expired na ako pagdating sa Mall of Asia (sana hindi masyadong nahalata).


Syempre pa, umandar na naman ang pagka-aning-aning ng Lolo niyo at nagkandaligaw-ligaw sa paghahanap sa Taste Asia. Matapos ang ilang minutong alay-lakad, natagpuan ko rin ang venue - maling venue. Ilang minuto na rin akong nakaupo habang nagtataka kung bakit walang katao-tao sa Taste Asia na aking kinaroroonan samantalang halos alas-otso na ng gabi. Ayun pala naman, ang blogger party pala ay nasa bandang likuran pa. Toinkz!

Anyways
, binabati ko ang mga nagwagi sa SM Hypermarket Blog Writing Contest (mula sa An Apple a Day) -

Grand Prize (trip for 2 to Kuala Lumpur) - Anitokid

1st Runner Up (Sanyo digital camera) - Anton Diaz

Mga nagsipag-uwi ng DVD Player: Ganns Dean, Butch Dado, Annabelle Caloschoy

At Nike Sunglasses Olivia Burgos, Nikki, Rowena Wendy Lei, Myrna Co, Dine Racoma

Syempre, hindi ako papahuli. Nanalo rin ang Lolo niyo ng sandamakmak na Knorr Corn Soup.

Ang ilang bloggers na aking nakadaupang-palad ay sina Arbet, Jeff, Jake, Jehzeel, Karlo, Marc, at marami pang iba. Pasensya na at medyo mahina na ang memorya ng Lolo niyo. At pinabubulaanan ko rin ang "Suplado" isyu. Mayroon kasing mga nagsabi sa akin na inisnab ko raw sila sa pagtitipon. Hindi po ito totoo. Pasensya na po at sadyang 'di lang talaga ako sanay na makipagsalamuha sa maraming tao, lalung-lalo na at pangalawang beses ko pa lamang dumalo sa ganitong klaseng pagtitipon. 'Yaan niyo, sa Taste Asia 11 siguro ay sanay na sanay na ako nun!


At yeah, kung may napansin kayong nilalang na uubo-ubo sa gilid, ako nga 'yun. Sa unang pagkakataon kasi, sa pamimilit ng aking kakosa, ay kumain ako ng tahong.

Narito pa ang ibang naka-aaliw na mga kwento tungkol sa salu-salong ito: (mula sa An Apple a Day)

Paul's Blog
Touched by an Angel
Pinoy Food Photoblog
Laurganism
Bakla Ako, May Reklamo
Manuel Viloria
The Lonely Vampire Chronicles (live blog)
The Lonely Vampire Chronicles (retrospective)
Geeky Guide to Nearly Everything
Takbo! (sa wakas ng pagkatuliro)
Macuha.com
Utakgago
Magikel
Dax's Site
Ganns Deen
Roaming Around with Romela
Cliquebooth
Real People / Real Style (girls)
Real People / Real Style (boys)
Pinoy Moms Network
Teacher Julie
Atheista.net
Abuggedlife.com
Justwandering.org
Jehzlau Concepts
Prudence and Madness
Refineme.org
Scrooch Chronicles
AnitoKid
Mike Villar: Rising Internet Star
TJ Cafuir
Loida de Vera
Mon's World
The Four Eyed Journal
The Disastrous Urban Primadonna
Pinoymoneytalk.com
Pinoy Blog Machine
SM Hypermarket
Byahilo
Tainted Song
Bababa ba?
Half the World Away
Noisy Noisy Man
Chickenmafia.com
Penny for Your Thoughts
Lastleaf.org
Baratillo.net
Angel's Sentiments
I. Am. Chef.
iMom
The Parody
Sexy Nomad
Fritzified.com
Our Awesome Planet
Twaddle Walker

Napagtanto ko na sobrang dami pa talagang bloggers ang hindi ko pa nakikilala. Haaaay...

Muli, binabati ko ang mga tao sa likod ng kasiyahang ito, at maraming salamat rin sa mga sponsors lalo na sa Cliquebooth para sa piktyur piktyur! Yeahey! Hanggang sa muli! More! More! Abusuhin na 'yan!

Linggo, Agosto 19, 2007

Baha

Matapos dumaan ang ilang bagyo, ang aming bayan ay talaga namang naging isang ganap na anyo ng tubig magpasahanggang ngayon (kulang na lamang ay makakita ako ng mga signs at makarinig ng isang umaalingawngaw na boses na nagsasabing gumawa ako ng isang arko), at sa tingin ko ay ilang araw pa ang aming palilipasin bago namin muling makita ang mga humps sa kalsada. Isa na itong nakasanayang eksena at hindi na ata mababago pa. Kung mabago man, ay matatagalan pa siguro.

Napalilibutan ng mga ilog at palaisdaan ang aming bayan, kaya kapag umulan ng tuloy-tuloy ng ilang araw, asahan mo na matatagalan pa bago mo masilayang muli ang kalsada.

Maraming disadvantages kapag baha. Nandiyan na ang kawalan ng mga pampasaherong sasakyan. Katwiran kasi ng mga drayber ay mas malaki pa ang kanila gagastusin sa pagpapagawa kaysa sa kanilang kikitain. Kung may bumiyahe man, asahang kundi doble, ay triple ang ibabayad mo. Ako ay halos hindi na makapasok kapag ganoong baha. Swerte ka na kapag nakatyempo ka ng trak - yeah, trak na karaniwang naglululan ng mga graba at buhangin. Wala pa naman akong nakitang trak ng basura. Kung minsan, mga bangka na mismo ang makikita mo sa mga kalsada. Exciting 'di ba?

Walang hanggang baha

Kung mababa ang inyong bahay at inabot ito ng baha, naku nakatatamad kumilos. Sa dati naming bahay na walang itaas o 2nd floor, talaga namang napakasaklap ng mga pangyayari kapag bumabaha. Naranasan ko na na pagkagising ko at pagbaba ng paa ko galing sa kama, nagulat na lamang ako ng maramdamang nabasa ako, pinasok na pala kami ng tubig nang hindi namin namamalayan. Good morning 'di ba? At syempre pa, paghupa ng baha, parusa rin ang paglilinis ng bahay. At talaga namang nakangangalay sa braso ang paglilimas. Madali rin masisira ang mga kagamitan sa bahay. Nasaksihan ko kung paanong lumutang ang aming sofa noong bata ako. Ang ilan sa aming mga kapitbahay ay natutulog sa kanilang bubungan. Nakalulungkot.

Pero siyempre may mga advantages rin naman kapag baha. Unang-una na, may instant swimming pool ang mga tsikiting. Noong bata pa ang Lolo niyo, ilang beses rin ako naligo sa baha sa loob ng bahay namin. Hindi sa kalsada dahil takot akong mahulog sa kanal at maging ala-ala na lamang. Umaabot kasi ng
hanggang baywang ang lalim ng baha sa bahay namin kaya ang saya saya namin ng kapatid ko. Hindi kami pinapayagan ng aming inay kaya sikwet lang namin. Pero nabuking rin kami matapos niyang makita ang mga talsik ng tubig sa aming kisame - katitimbol at kaka-dive siguro namin kaya ayun.

Dahil nga sa napaliligiran kami ng mga palaisdaan, kapag umapaw ang mga ito o napigtas ang mga pilapil, instant ulam ang asahan niyo. Bangus, tilapia, hipon at kahit mga sugpo, lahat ng ito ay mahuhuli mo sa'yong sala. Galeng no? Lugi nga lang ang mga namamalaisdaan.

Pero kahit binabaha ang aming bayan, marami pa rin ang mas pinipiling manatili rito. Iba pa rin kasi kapag nandun ka sa kinalakihan mong lugar. Masaya naman kahit ganoon, lalo na kapag piyesta - ang bayan na mistulang resort kapag tag-ulan ay nagiging malaking dancefloor naman kapag Mayo!

Ispiking op baha, alam niyo ba na ang bota o ang tinatawag na Wellington boots ay unang isinuot at pinasikat ni Arthur Wellesley, ang unang duke ng Wellington? Ginamit niya ito
noong 1900's hindi bilang panlusong sa baha, kundi bilang pamporma! Aba! Ito kaya ang gamitin ko sa blogger-event ngayong Huwebes?

Anong event kamo? Walang iba kundi ang tinaguriang pinakamalaking blogger party ng taon na gaganapin sa Taste Asia sa SM Mall of Asia, sa ganap na alas-siyete y medya ng gabi. Magparehistro ka na dito para makapunta ka at pwede ka pang magsama ng isa mong kaibigan! Dali na! Para makita mo ang botang isusuot ko!

Sabado, Agosto 18, 2007

Gigil

Ang kwento kong ito ay hindi patungkol sa isang uri ng pelikula gaya ng iniisip mo.

Kung naglibot-libot ka sa PinoyBlogosphere noong mga nakaraang araw, paniguradong napansin mo na may isang kontrabida na pinanggigi-gilan ng sangkatauhan. Tama! Siya na nga ang tinutukoy ng Lolo mo. Ang mapanlait na nilalang na ang pangalan ay 'di ko kailanman babanggitin o itatayp man lamang. Hindi ko lubos maisip kung paanong ang isang Pilipino ay ganoon na lamang kung hamakin ang kanyang mga kapwa Pilipino (OFW's pa, tsk!), na wala namang ginagawang masama sa kanya. Ewan ko. Siguro kasi may mga kaibigan at kamag-anak ako na OFW kaya hindi ko maiwasang mainis sa mga isinulat niya. Pero syempre, bilang isang Pilipino, talagang maaasar ka. Ate (ewww), mangilabot ka nga sa iyong sarilli. Hindi mo kailanman maaaring ipagkaila at baguhin ang katotohanan na ikaw ay isang Pilipino kahit ilang imported na kagamitan pa ang ibaon mo sa iyong katawan. Kung ayaw mo sa amin, mas ayaw namin sa'yo! Para masuksok sa iyong kaisipan na ang dugong nananalantay sa iyong 'di kagandahang pangangatawan ay dugong Pilipino, narito ang mga dapat gawin sa'yo:

- pagapangin papanhik at pababa ng Banaue Rice Terraces
- ihulog mula sa itaas ng Mt. Apo
- ipakiliti sa isang daang Tarsiers
- padaganan sa limampung butanding
- paglaruan na parang pinball sa Chocolate Hills
- sigawan ni Regine Velasquez ng "I Don't Wanna Miss a Theeeeng..." sa tenga
- ipakain sa Monkey-eating eagle
- pagulungin mula sa crater ng bulkang Mayon
- tadtarin ng itak at buhusan ng patis pagkatapos
- ipahalik sa mga dugong
- ipabugbog kay Manny Pacquiao
- ipakagat sa Philippine Crocodile
- tuhugin ng sungay ng mga Tamaraw
- ipatuka ang mga mata sa mga Kalaw
- punuuin ng Sampaguita ang butas ng ilong
- batuhin ng white sands ng Boracay
- palu-paluin ng tako ni Efren "Bata" Reyes
- lunurin at ilublob sa bagoong

'Yan pa lamang ang mga naiisip kong epektibong mga paraan upang mapanatili sa 'yong kokote (kung mayroon man) ang pagka-Pilipino.

Saka may payo nga pala ako sa nilalang na ito: Hindi ba sosyal ka at ubod ng yaman? Bumili ka na lang ng sarili mong eroplano sa susunod na magbiyahe ka para hindi natatalo ng amoy ng Axe ang amoy ng mamahalin mong pabango. Hmmm...Can't afford ba?! Eroplano lang eh! Kaya mo 'yan!

Ano nga ulit 'un? Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa saan? Saka ang hindi marunong lumingon sa pinang-galingan ay ano?

Alam ko mas marami pang mahahalagang isyu ang bansa na 'to na dapat nating bigyang pansin, pero 'di ba ang malaking problema ay nagsisimula sa maliit? At talaga namang sila ay nakapupuwing.

At yeah, this is a funny article too. Gets?

Basahin ang buong istorya tungkol rito.

Miyerkules, Agosto 15, 2007

Ang Yosi-Girl

Isa na namang ordinaryong (akala ko lang) paglalakbay papuntang opisina lulan ng isang jeepney. Malamig ang gabi. May kaunting hamog. Masarap ang simoy ng hangin. Ayos na ayos ang aking pwesto - sa may bintana. Medyo napapakanta pa ako habang bumabiyahe. Hindi naman gaanong puno ang sasakyan, marahil dahil lumalalim na ang gabi. Perpektong perpekto ang bawat sandali hanggang sa sumakay ang isang babae. Bata pa siya. Katamtaman ang katawan. Morena. Maayos at nakapusod ang kanyang buhok. Naka-make-up. Pormal ang kanyang kasuotan. Siguro ay galing siya sa trabaho, o sa paghahanap ng trabaho. Umupo siya sa aking tabi. Sa kanan ko. Sa kanang bahagi ng jeep ang aming pwesto (kung titingnan mula sa estribo o likuran ng jeep) kaya nakatalikod siya sa akin at nakaharap naman ako sa kanyang likuran. Gawi ko na kasi ang dumungaw sa bintana habang bumabiyahe. Normal naman ang sitwasyon hanggang sa may dinukot siya sa kanyang bag. Sigarilyo at lighter! O hinde! Nagsindi siya. Humithit. Bumuga. Lahat ng usok ay pumunta sa aking mukha. Ang mga abo ay dumikit sa aking polo shirt at sa aking kulay itim na bag. Nagsalubong ang aking kilay. Nabalot ako ng inis. Gusto ko siyang kalabitin at pagsabihan ngunit sa tingin ko, siya ang tipo ng babae na magsisigaw at mageeskandalo, kagaya ng pageeskandalo ng kaniyang tagihawat na humihiyaw ng "Paputok na 'ko!". Naubo ako nang hindi ko sinasadya. Lumingon siya sa akin, sabay irap! Hithit at buga ulit. Matapos ang halos kalahating oras ng pagtitiis, pumara na siya. Habang pababa, hindi ko alam kung sinadya niya ang pagtapak sa aking kaliwang paa sa kanyang pagdaan. Pinigilan ko ang aking sarili. Naniniwala ako na sa mga ganitong pagkakataon ko mapapatunayan ang halaga ng diplomatikong pagturing sa mga taong pasaway kagaya niya - na itatago ko sa pangalang Hellena. Hindi ko nasabi ang mga nais kong sabihin, kaya narito na lang ang aking ginawang liham para sa kanya:

Dear Hellena,

Isang mausok na gabi sa'yo. Ako ay lubos na nalulungkot sapagkat hindi naging maganda ang ating naging engkwentro sa jeepney kanina. Ngunit may karapatan naman siguro ako na mainis nang magsimula kang manigarilyo sa aking tabi, 'di ba? Ang usok na iyong ibinubuga ay dumidiretso sa aking kyut na kyut na mukha. Ang mga abo na iyong ikinalat ay nagmarka sa aking kulay itim na bag. Oo, ito ay magsisilbing marka ng mapait at mausok na ala-ala mo. Hindi mo ba alam na bawal ang iyong ginagawa dahil nasa pampublikong sasakyan ka? Hindi mo ba kami naisip? Ang iyong mga kasakay? Ang sanggol na ating kasakay? Hindi mo ba kayang pigilan man lamang ang tawag ng iyong baga kahit panandalian lamang? Naubo ako, totoo 'yun at hindi para magpapansin sa'yo. Bakit mo 'ko inirapan? Hindi ba dapat ako ang dumukot sa mga mata mo? At gawing ashtray ang mga ito? Bakit mo inapakan ang aking paa? Hindi mo ba alam na kalalaba lang ng aking rubber shoes? Sana naging masaya ka sa mga ginawa mo. Sana hindi ka makatyempo ng iyong katapat. Sana sa susunod na magyosi ka ulit sa jeep, kasing bait at kasing gwapo ko rin ang iyong makakatabi. Kyut ka rin sana, kaya lang manhid ka at walang pakisama. At dahil diyan, 'di kita bati!!


Always,

Lolo

P.S.
Sa susunod na mang-iirap ka, siguraduhin mong wala ka ng muta.


Paglilinaw: Hindi ko kinukutya ang mga taong naninigarilyo. Walang masamang tinapay sa akin ang mga taong ito. Ang punto ko lamang rito ay may kakambal na responsibilidad ang lahat ng bagay na ating nais gawin, lalung-lalo na kung gagawin ito sa mga pampublikong lugar, o sasakyan. Sana ay huwag natin isantabi ang kapakanan ng nakararami para lamang sa ating mga pansariling kagustuhan...please?


Miyerkules, Agosto 8, 2007

Pinagterno Mo Ngunit 'di (raw) Dapat

Puto at dinuguan.

Ispageti at prayd tsiken.

Kare-kare at bagoong.

Ilan lamang 'yan sa mga magkakaternong pagkain na karaniwan na nating nakikita sa mga hapag-kainan. Pero hindi ba't nakasasawa rin minsan 'pag palagiang sila ang magkakapakner? Maganda ring mag-eksperimento paminsan-minsan 'di ba? Anu-ano nga ba ang mga kakaiba nating kombo ng mga pagkain? Hmmm...

Ang mga ulam na karaniwang isinasaw sa patis gaya ng sinigang, nilaga, at menudo ay aking isinasawsaw sa toyo. Ito siguro ang sanhi ng aking pagkakaaning-aning paminsan-minsan.

Ang hilaw na mangga naman ay palagian kong isinasawsaw sa patis na may asin. Bakit ko pa raw nilalagyan ng asin gayung maalat na ang patis? Hindi ko rin alam ang kasagutan. 'Yun na kasi ang nakalakihan kong istayl sa bahay.

Kung ang iba, sa ketchup isinasawsaw ang pritong isda, ako naman ay sa suka at toyo.

Nasubukan mo na ba ang tandem ng kanin at kape? Nitong nakaraang linggo lamang, isa sa aking mga apo ay nagbunyag sa madla na siya raw ay kumakain ng kanin na sinabawan ng kape. Hmmm...ano kaya ang lasa nito? Kailangan bang lagyan rin ng creamer o mas masarap kapag black coffee lang ang gagamitin? Pwede rin kaya itong gawin sa sinangag? At frap ng Starbucks ang iyong ihahalo?

At napag-alaman ko rin ngayon lang mismo na ang gatas ay maaari rin daw isabaw sa kanin!

May naringgan naman ako na ang mga sitserya ay ipinapalaman niya sa tinapay! Naku! Siguradong anong lutong ng bawat pagkagat mo hindi ba? At ang iba naman ay ibinababad ang mga junk foods sa suka. Ang galeng!

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin nasusubukang kumain ng sorbetes na ipinalaman sa tinapay. Parang nakangingilo kasi kung titingnan pa lamang.

Narito pa ang ilang nakababaliw na food-pakners na aking nahagilap sa aking pagtatanung-tanong:

- brownies na nilagyan ng asin sa ibabaw
- french fries na isinasawsaw naman sa sundae ng Jollibee o McDonald's
- kanin na hinaluan ng ketchup
- kanin na hinaluan ng mayonnaise
- kanin na hinaluan ng yogurt
- spaghetti na hinaluan ng mayonnaise
- Chips Ahoy! cookies at salsa na sawsawan
- waffles na idinidip sa ice cream
- beer at M&M's
- popcorn at ketchup

Huwaaat? Nakaaaliw talaga! Kakaiba, at medyo nakakaumay ring isipin pero naniniwala ako na ang bawat nilalang dito sa mundo ay may kanya-kanyang trip pagdating sa pagkain. Wala naman sigurong masama dahil ang mahalaga ay nasa-satisfy mo ang iyong cravings ika nga, kahit na nakanguwi ang iyong kasabay kumain dahil hindi niya magets ang ginagawa mo sa iyong pagkain.

O pa'no? Kainan na!

Biyernes, Agosto 3, 2007

Pangalan

"Ano bang itatawag ko sa'yo, Ivan o Harry?" ang nasambit na katanungan ng aking apong si Aileen sa akin habang nasa Gilligan's kami pagkatapos ng katatapos lang na blogger event. Nakasanayan na niya kasing tawagin akong "Ivan" dahil 'un ang tawag ng mga tao sa akin sa dati naming opisina, pero nitong huli, nahawa na siya kay Eilanna na "Harry" naman ang tawag sa akin. Sa eskwelahan, "Ivan" ang tawag sa akin. Sa bahay, depende. Halimbawa, 'pag pinapagalitan ako, "Ivaaaan!", pero pag hihingi ng pambayad ng ilaw si inay, "Harry" na medyo malambing ang dating.

Parehong "Ivan" ang first name namin ng aking kapatid, kaya naman 'pag may tumawag sa telepono, "Hello, pwede po kay Ivan?"; "Sinong Ivan? Ivan Harry o Ivan Bryan?" ang eksena. Hindi ko alam sa aking mga magulang kung bakit ganun ang kanilang trip. Ang alam ko lang, ang una kong pangalan ay hinango sa pangalan ng isang mandirigma sa Russia. Ang pangalawa naman ay hinango sa pangalan ng susunod na hari ng Inglatera.

Kayo? Alam niyo ba ang ibig sabihin at kung saan nanggaling ang inyong mga pangalan? Nagawa kong halughugin ang buong daigdig upang matuklasan ang mga pinagmulan ng pangalan ng ilan sa aking mga apo:

Marc - Ang pranses na pangalan para sa "Mark", na nagmula naman sa latinong pangalang "Marcus". Ito ay maaaring nag-ugat sa salitang "march".

Jeff - Ingles na pangalan na ang ibig sabihin ay kapayapaan.

Claire - Latinong pangalan na ang ibig sabihin ay malinaw o maliwanag.

Hindi ba't nakatutuwa? Sagot!!

Ang pinakamahabang pangalan naman daw sa buong mundo ay Adolph Blaine Charles David Earl Frederick Gerald Hubert Irvim John Kenneth Loyd Martin Nero Oliver Paul Quincy Randolph Sherman Thomas Uncas Victor Willian Xerxes Yancy Zeus Wolfeschlegelsteinhausenbergerdorffvoralternwarengewissenhaftschaferswesenchafewarenwholg epflegeundsorgfaltigkeitbeschutzenvonangereifenduchihrraubgiriigfeindewelchevorralternzwolfta
usendjahresvorandieerscheinenbanderersteerdeemmeshedrraumschiffgebrauchlichtalsseinurspru
ngvonkraftgestartseinlangefahrthinzwischensternartigraumaufdersuchenachdiesternwelshegehab
tbewohnbarplanetenkreisedrehensichundwohinderneurassevanverstandigmenshlichkeittkonntevor
tpflanzenundsicherfreunanlebenslamdlichfreudeundruhemitnichteinfurchtvorangreifenvonanderer
intlligentgeschopfsvonhinzwischensternartigraum Senior

Kumusta naman kaya siya noong nasa kindergarten pa lamang siya? Malamang ay puno na agad ang kanyang papel o hindi pa siya nakasasagot sa eksam ay "Pass your papers, finished or not yet finished" na sabi ni titser. Mapapansing ginamit ng sunud-sunod ng kanyang mga magulang ang lahat ng titik ng alpabeto bilang mga initials ng kanyang unang pangalan. Maaari rin naman siyang itago sa pangalang Hubert Blaine Wolfeschlegelsteinhausenbergerdorff, Sr. for short ika nga.

Ang itinuturing naman daw na pinakapopular na mga pangalan sa daigdig ay "John" at "Grace".

Ikaw? Gusto mo ba ang pangalang ipinagkaloob sa iyo ng iyong mga magulang? Kung hindi, at bibigyan ka ng pagkakataon, babaguhin mo ba ito? Dapat ko bang papalitan ang aking pangalan at gawin na lamang itong "Brando" o "Jabar" para mas astigin ang dating?

Sa tunay na buhay, Ivan o Harry o Ivan Harry, ayos lang kahit alin dito ang itawag sa akin, at sa pinoy blogosphere, ako siyempre ang "Lolo" niyo.

Subscribe in a reader

Miyerkules, Agosto 1, 2007

Ang Mga Pinalad

Sa unang pagkakataon ay nakadalo rin ang Lolo niyo sa isang blogger event at ito nga ay ang pag-anunsiyo ng Top 10 Emerging Influential Blogs of 2007, isang astig na proyekto ni Tita (pahiram lang Kevin) Janette Toral (Congratulations po!) na ginanap kaninang alas-sais hanggang alas-nuwebe ng gabi sa lungsod ng Makati.

Nakatutuwa ang mga nangyari. Isang magandang karanasan ang makilala ang mga mukha sa likod ng mga blog na aking binabasa lalong-lalo na ang aking mga apo. Pagpasensyahan niyo na ang Lolo niyo at hindi ako masyadong naglibot-libot sapagkat ako ay sadyang mahiyain (sa umpisa).

Binabati ko ang lahat ng mga pinalad magwagi ng $100 at mga nakapasok sa sampung karapat-dapat,


lalong-lalo na ang mga nakatalikod na nilalang sa larawang ito...


at siyempre, isang masigabong palakpakan nga diyan para sa aking blogging idol na si Bb. Aileen Apolo...


Nahuli man ako sa aking trabaho (nakailang tawag rin sa aking telepono si bossing), sulit naman ang aking pagdalo at pakiramdam ko ay isa na talaga akong ganap na blogger - nakana!. Pasalamatan rin natin ang mga nasa likod ng kaganapang ito, Galing Pinoy, RegaloService, InfoTxt, Jardine Distribution Inc., Dominguez Marketing Communications, Philippine Internet Review, DigitalFilipino.com Club, YesPayments, YesPinoy, at Yehey!.

Hanggang sa muling pagkikita na gaganapin naman sa ika-23 ng buwan na ito sa Taste Asia, SM Mall of Asia. Bisitahin ang An Apple a Day para sa mga karagdagang impormasyon.

Muli, kong-grats sa inyong lahat at oo, handang tumanggap ang Lolo niyo ng balato ano mang oras ninyo naisin .

Subscribe in a reader