Isa. Dalawa. Tatlo... Patuloy sa pagkurap ang cursor sa aking harapan habang aking iniisip kung ano ang ginagawa ko dito sa blog na ito. Bakit gusto kong magsulat ngayon? Sa sobrang dami ng mga pangyayari mula sa aking huling kwento, hindi ko na alam kung alin sa mga iyon ang kabaha-bahagi sa inyo.
Maraming dumating, at marami ring lumisan. May mga nanatili, at may mga pasulpot-sulpot lang. Kung minsan, nakakatakot na rin magpatuloy ng mga bagong cast members sa pelikula ng iyong buhay, lalo na kung malaking papel ang inatas mo sa kanila. Hindi mo naman kasi alam na hindi pala nila gustong maging bida. Ekstra. Mas gusto pala nila ang maging ekstra. Ekstra sa piling eksena sa buong pelikula. Isang mabilis na eksena. Sa sobrang bilis ay hindi mo dapat kurapan man lang, kung hindi ito ay hindi mo masasaksihan.
Sabi nga ng Lolo ng Lola ko, “Lahat ng bagay ay may dahilan”. Sabi naman ng kumpare ng Lolo ng Lola ko, “Maiintindihan mo rin sa takdang panahon”. Sabi naman ng kapitbahay ng Lolo ng Lola ko, "Ikaw bata ka, huwag mong pitasin ang Gumamela ko!".
Sana nga tama sila. Gusto kong maintindihan ang kadahilanan ng mga pangyayari, kung kailan iyon, sana malapit na. Kasi nakakapagod na rin mag-isip. Lalo na kung hindi mo alam kung ano ang dapat mong isipin.
Sa iyo. Sa iyo na nagbabasa nito. Bakit ka nandito? Huwag mong aksayahin ang oras mo sa pagbabasa nito. Gugulin mo ang oras mo sa mga tao, bagay, hayop, paksa, at mga pangyayari sa paligid mo, na magpapasibol sa iyo. Hindi sa ganito – walang saysay, walang kabuluhan, at walang maidudulot na kapaki-pakinabang sa iyong pagkatao.
Umalis ka na!
Umalis ka na?
Umalis ka na.
Isa. Dalawa. Tatlo. Nakakamangha kung paanong nagagawa ng tatlong munting simbolong ito (! ? .) na isalarawan ang saloobin ng isang tao.
Nakakapanibago. Ibang-iba na ang tema ng aking mga kwento kumpara noong ako’y nagsisimula pa lamang magsulat. Nais ko sana’ng ibalik ang saya sa blog na ito. Nais lang. Balakin. Plano. Walang kasiguraduhan kung magkakatotoo.
Sa ngayon, pagkabilang ko ng tatlo, nakaalis ka na sa blog na ito.
Isa. Dalawa…