Sabado, Marso 1, 2008

Hindi Lahat ng Post ay Nakakatawa

Lumapit ka sa akin. Nakita mo siguro na kailangan ko nang makakausap noong mga oras na 'yon. Doon na nagsimula. Masaya ang bawat minuto na kasama ka. Mga asaran, kulitan, kantyawan, ang malakas mong tawa na magpasa-hanggang ngayon ay nginingitian ko pa rin sa tuwing maaalala ko. Sana alam mo kung gaano ako kasabik sa tuwing magkakasama tayo.

Hindi ko akalain na ikaw na pala ang taong makapagpapabago sa takbo ng buhay ko.

Biglaan ang mga pangyayari. Wala akong balak at hindi ko pinlano - dahil alam kong mali. Alam kong bawal. Ngunit totoo pala na hindi mo na susundin kung ano ang tama kapag nagmamahal ka na.

Mula noon, wala na akong ibang inisip kundi ikaw lang, at kung paano kita mapapasaya.

Nakaka-adik ka.

Hindi ko na kayang isipin kung paano na ako 'pag nawala ka. Nakalimutan ko na ang lahat ng tao sa paligid ko. Ikaw na lang lagi ang laman ng isip at puso ko. Kumpleto na basta nandyan ka. Pero sa kabila ng lahat, alam ko na ang lahat ay pansamantala lamang. Alam kong hindi habambuhay ay mahahawakan ko ang iyong mga kamay. Batid ko na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nandito ka sa tabi ko. Hindi lahat ng ngiti mo ay dahil at para sa akin. Ang sakit aminin. Sobra. Sobrang sakit na kailangan ko pang saktan ang aking sarili upang matabunan ang aking dinaramdam.

Dahil nariyan siya.

Ang taong nagmamahal sa'yo. Ang taong kasama mo na simula pa noong binubuo mo pa lamang ang mga pangarap mo.
Ang taong nagbibigay sa'yo ng lubos na kaligayahan - kaligayahang kailanman ay hindi ko kayang tumbasan.

Siya.

Ang taong kahati ko sa'yo.

Nai-inggit ako sa kanya.

Gusto ko ring malaman ang mga bagay-bagay tungkol sa'yo. Mga simpleng bagay na marahil ay hindi na nabibigyan ng halaga. Kailan ka huling lumuha dahil sa isang pelikula? Ano ang paborito mong kanta? Ang iyong hitsura pagkagising mo sa umaga? Mga bagay na sa tingin ng iba ay nakakatawa at walang kwenta.

Nais kong malaman.

Gusto ko ring maging parte ng buhay mo, gaya niya.

Pero bakit ganoon? Hindi talaga natin kayang ipilit ang hindi pwede. Ang hindi dapat. Diyos na mismo ang gumawa ng paraan upang matigil na ang ilusyon ko. Ang kalokohan ko. Ang pangarap ko.

Hindi ko tuloy maiwasang magtanong - bakit pa Niya ipinaranas sa akin kung paano maging masaya kung darating din pala ang pagkakataong luluha ako? Bakit ka pa Niya ipinakilala sa akin kung darating din pala ang panahon na kailangan kitang kalimutan?

Sana hindi mo na lang ako nilapitan. Sana hindi na lang pala kita kinausap. Sana hindi na lang tayo nagkatagpo at nagkakilala.

Lagi na lang ganito. Lagi na lang inilalayo sa akin ang mga taong minamahal ko.

Akala ko pagkakataon ko na. Akala ko ako naman ngayon. Akala ko ibabalato ka na Niya sa akin. Nagkamali ako. Na naman.

Nasaktan na naman ako.

Una pa lang, alam ko nang may nagmamay-ari na sa'yo, pero bakit ngayon, parang hindi ko matanggap? Paano ko makalilimutan ang taong nagpa-alala sa akin kung paano magmahal? Ang taong naging dahilan kung bakit maliwanag ang bawat umaga?

Ang taong nagpa-korni sa akin?

Pero oo na.

Ibabalik na kita sa kanya. Sa piling niya. Hindi na 'ko lalaban. Hindi na 'ko papalag. Naki-extra lang naman ako, siya talaga ang bida. Kayo.

Ikaw, siya, at ang magiging anak niyo - ang inaanak ko.

Kung tutuparin mo ang 'yong alok, sige, tatanggapin ko kahit masakit. Malaki ang kaibahan ng "anak" sa inaanak" pero kung iyon lang ang tanging paraan upang matupad ang pangarap ko na maging parte ng buhay mo, gagawin ko at ipagpapasalamat ko iyon.

Mahal pa rin kita. Pati ang lahat ng ginawa, ginagawa, at gagawin mo. Mananatili kang inspirasyon ko habambuhay. Importanteng malaman mo ang mga ito.

Patawarin mo 'ko, hindi ko sinasadyang mahalin ka.