Sabado, Hulyo 26, 2008

Perya

Natatandaan ko pa kung gaano ako kasaya nang magpunta kami ng aking pamilya sa peryahan noong aking kabataan. Isang paikot-ikot na helicopter ang pumukaw sa paningin namin ng aking nakababatang kapatid.

Isang mama ang umalalay sa amin sa pagsakay. Pagsara ng bakal na pintuan, makikita talaga sa pagmumukha naming magkapatid ang lubos na kasiyahan - hanggang bagang ba naman ang laki ng aming mga ngiti.

Habang unti-unti na kaming umaandar papataas, parang nag-iba ang aking pakiramdam. Nabalutan ng kaba at takot ang aking kasiyahan habang nakikita ko na lumiliit na paunti-unti ang aking mga magulang. Tumingin ako sa aking kapatid at ganoon din ang kanyang hitsura - mukhang constipated.

Ilang sandali lamang bumilis nang bumibilis ang pagtaas-baba ng helicopter na iyon. At nagsimula na nga kaming ngumawa. Sumigaw ng "Mami! Dadi!" na sinundan ng malakas na "Waaaaahh!".

Anong ginhawa ng aming pakiramdam pagtungtong namin sa lupa.

Haaaay... hindi ko talaga ito makalimutan. Paano ba naman, todo kuha pala ng letrato ang nanay ko, kasama tuloy ito sa aming photo album.

Kagabi, nagpunta ako sa isang sikat na perya sa Maynila. Doon, nakakita ako ng kasing-halintulad na ride sa aking kwento. Bigla tuloy bumalik ang mga ala-ala at napakanta ako ng "It's All Comin' Back to Me Now".

Nakahihiya man aminin, pero hanggang ngayon, takot pa rin ako sumakay sa mga nakababaliw na rides. Ako palagi ang taga-bitbit ng bags at gamit ng barkada kapag sasakay sila. Biruin mo, hindi pa ako nakasasakay doon sa sikat na ride sa Laguna. Hanggang bump cars at boat lang ako. Palakad-lakad sa snow, patakbo-takbo sa mga horror houses, naglilibang sa shooting games, pahagis-hagis ng barya at bola, at papindot-pindot sa arcade.

Ako na siguro ang pinaka-KJ mong makakasama kung aayain mo ako sa mga ganitong lugar.

Wala pang nakapipilit sa aking sumakay sa mga pamatay na rides. Kung tama ang presyo baka pag-isipan ko pa. Heheheh. Pero sa ngayon, pass muna ako sa paikot-ikot, pahagis-hagis, at patumbling-tumbling. Uupo na lang ako sa isang tabi habang kumakain ng hotdog.

Martes, Hunyo 24, 2008

Lablayp

Hindi ko alam kung paano simulan ang isang post.

Gusto ko sanang magsulat tungkol sa aking buhay pag-ibig ngayon. Pero ako'y lubusang nahihirapan. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa inyo na sa wakas, pagkatapos ng napakatagal na panahon, naramdamam ko na rin ang tinatawag ng mga normal na tao na pag-ibig.

Siguro dala ng lubos na kaligayahan ko ngayon, hindi ko man lang magawang i-apdeyt ang aking blog kagaya ng dati.

Inaamin ko na noong nakaraang araw ng mga puso ay halos isumpa ko ang mga magsing-irog.

Nagkamali ako. Pwede namang magsori diba?

Nagbago na 'ko. Maniwala kayo.

Dahil ngayon, siya lang ang laman ng aking puso at isipan sa araw-araw. Lahat ng oras na kasama ko siya ay parang eksena sa romantikong pelikula. Nagiging espesyal ang lahat ng lugar na pinupuntahan namin kahit na ang MRT. Gumaganda ang paligid basta nandun siya, kahit na puro bandalismo at basura ang kanyang kinatatayuan, perpek pa rin. Ang dating nakaiinis na mabagal na trapiko ay anung bilis na ngayon basta kasama siya. Ang P300 cellphone load na dati'y inaabutan pa na expiration date ay pang isang linggo ko na lang ngayon. Kapag natatamad akong pumasok sa trabaho, iisipin ko lang na walang outgoing ang telepono sa bahay kaya't 'di ko maririnig ang magandang boses niya 'di tulad kapag nasa opisina ako.

Haaay. Nagbago na talaga ako. Marami pa sana akong sasabihin pero kailangan ko na siyang kausapin. Hindi sa hindi ko kaya na nagsusulat habang kausap ko siya, ayoko lang nang kalahati lang ang atensyong ibinibigay ko sa kanya. Korni. Hahahah. Maglalagay sana ako ng letrato namin dito pero nagbago ang isip ko. Baka may makisali pa sa eksena kapag nakita siya, seloso pa naman ako.

Opo. Umiibig at iniibig ang Lolo niyo. :-)