Linggo, Disyembre 30, 2007

Fat-Fat

Mula sa panahon ng aking kabataan, isa na 'ko sa pinakapayatot sa pamilya. HIndi man lamang ako tumaba kahit kaunti, kahit malakas naman akong kumain.

Hanggang ngayon, pangarap ko pa rin na madagdagan ang aking timbang para hindi ako tinutuksong "payatot" ng mga tao. Noong isang linggo nga lang, habang nakapila ako sa FX pauwi. Lumapit sa akin ang starter [kahit na pangalawa ako sa pila] at nagsabing "Isa na lang ang kulang, sa gitna. Dahil slim ka, ikaw na lang ang mauna." Nakangiti pa siya noon ha?! Hindi ko alam kung matutuwa ako dahil mauunahan ko ang ale na nasa harapan ko at makauuwi ako agad, o maiinis dahil ako ang payat doon sa pila kaya gagawin na lamang akong paningit.

Malakas naman talaga ako kumain, pero hindi masyado madalas katulad ng iba. Medyo mapili rin ako. May kabagalan rin ako kapag kumakain. May moments na tutulala muna ako na parang eksena sa music video o makikipagtitigan sa mga pinggan bago ituloy ang pagkain. Ito kaya ang mga dahilan? O sadyang isa lang ako sa mga napiling mamuhay na payat sa mundong ito?

Maituturing sigurong pambihira ang problema ko sapagkat mas marami ang nagnanais magbawas ng timbang. Kabi-kabila ang mga pampapayat na produkto ngayon 'di ba?

Anyhoo, may maipapayo ba kayo sa isang totayap na tulad ko? Nagsimula na rin akong magbuhat noong Nobyembre, pero mas magiging epektibo siguro kung may iba pa kayong suhestyon na makakatulong sa aking plano.

Kailangan, tumaba ako sa taong 2008.

Kaya kakain na ako ng mas marami. At sisimulan ko 'yan mamayang gabi sa media noche, na magpapatuloy sa Bloggers' Food Tour sa TriNoMa sa ika-9 ng Enero. Kita-kits!

Isang masaganang bagong taon sa lahat!

Pataba tayo!!!

Miyerkules, Disyembre 19, 2007

Ang Pasko ay Sumapit

Magsusulat sana 'ko tungkol sa iba't-ibang karanasan ko tungkol sa Kapaskuhan, pero pag-upo ko sa harapan ng PC, bigla na lang lumipad lahat ng mga nais kong sabihin.

Haaay... tuloy, 'eto, ang hirap simulan.

Gusto ko sanang sabihin sa umpisa ng aking post na ang bilis ng panahon. Parang kailan lang ay nakapila ako sa presinto upang bumoto, tapos ngayon, grabe na ang mga pila sa mga kahera sa mga pamilihan sa sobrang dami ng mga taong naghahanda para sa Pasko.

Nais ko rin sanang ibahagi ang isang napakapait na karanasan ng Lolo niyo noong ako ay bata pa lamang. Matapos ang maghapong pamamasko sa mga ninong, ninang at mga kamag-anak, nagpaalam ako upang bumili ng isang bagay na hindi ko na maalala ngayon. Pagbalik ko na lang sa bahay ay hindi ko na makita ang aking Felix the Cat na pitaka - ang pitakang naglalaman ng bunga ng aking maghapong pagmamano sa mga tao. Nahulog ata ito sa kung saan. Ang lungkot ko talaga habang pinanunuod ko ang aking mga kapatid at mga pinsan na nagbibilang at nagpapataasan ng kanilang napamaskuhan.

Ikukuwento ko rin sana ang pangangaroling namin ng mga kalaro ko noon. Masarap mangaroling lalo na kung galante ang mga kapitbahay niyo. May mga nagbibigay ng hindi lang pera, may kasama pang mansanas kahit na bulol-bulol naman ang aming mga lyrics. May isa namang pangyayari na muntikan na kaming makagat ng aso dahil napatid bigla ang kadena nito. Buti na lamang ay nakatakbo kami ng mabilis papalabas ng kanilang gate.

Noong ako ay nasa kolehiyo naman, ang aming organisasyon ay nagsagawa ng isang karoling, ngunit imbis na kami ang manghingi, kami ang nagbigay ng pamasko sa mga kababayan natin na nangangailangan. Makipot ang mga daanan papunta sa mga bahay na aming pinuntahan. Nakatutuwa nga dahil pagtapos ng aming pag-awit, nag-aabot sila ng kaunting halaga at nagsasabing "Pasensya na po kayo.". Anong gulat nila kapag nalaman na nilang kami ang magbibigay sa kanila. Mayroon pa ngang lola na naiyak talaga sa tuwa. Mag-isa lamang siyang namumuhay sa pamamagitan ng paglalaba, ayon sa mga kapitbahay niya na nag-tip sa amin na siya ang puntahan. Kakaiba talaga ang pakiramdam kapag nakatutulong ka di ba? Apir!

Ano kaya ang magandang gawin ngayong Pasko? Parang nakasasawa na rin na gigising ka ng maaga, maliligo, magbibihis ng bagong damit kung meron, at maghihintay sa mga bisita. Ang iba sa mga bisita ay mga kamag-anak mo daw na hindi mo naman ma-trace kung saang branch ng family tree nanggaling. Darating ang mga inaanak, anim pa lang naman sila (buti naman) at magkukumustuhan.

May isa akong kaibigan na magtra-trabaho ngayong Pasko. Mag-isa lamang siyang papasok sa araw na iyon. Ngayon pa lamang ay kinukulit na niya 'ko na samahan ko raw siya sa kanyang trabaho dahil pwede naman pumasok ang mga hindi taga-roon. Pinag-iisipan ko kung sasamahan ko nga siya kahit bandang gabi na pagkatapos ng hapunan. Siguro sa ganoong paraan ay makatutulong ako na medyo sumaya naman ang kanyang Pasko. Hmmmm...

Wala namang masyadong bago ngayong Paskong ito. Malamig pa rin, hahaha.