Biyernes, Hunyo 10, 2011

Paglisan. Pagtanggap. Pagsulong. Pagalala.



Paglisan. 
Kung bukas paggising ko at wala ka na sa tabi ko
Kung bukas makita ko na hindi na ako ang kapiling mo
Maiintindihan ko
Pipilitin kong maging masaya
Na natagpuan mo na ang hinahanap mo


Pagtanggap.
Pagdating ng panahon kung kailan limot mo na ako
Na kahit kaunting alaala ko ay burado na sa isip mo
Hindi sasama ang loob ko
Hindi ako magtatampo
Dahil alam ko na hindi sa lahat ng oras 
Mapapanatili kita sa buhay ko


Pagsulong.
Kung sakali mang
Magkaroon ng sandali at maisip mo ako
Sana ay mapangiti ka sa pagalaala
Ng pinagsamahan natin
Kahit na hindi
Ito naging perpekto


Pagalala.
Ang mga ngiti at saya ang iyong baunin
Mga lugar na nakita, at musikang pinakinggan natin
Ang mga araw na iyon
Ang iyong sariwain
Huwag ang mga bagay
Na pinanghihinayangan natin

Lunes, Pebrero 21, 2011

Sa Entablado



Doon kung saan makislap ang mga ilaw. Doon kung saan ang bawat kilos at galaw ay minamasdan at kinapapanabikan. Doon kung saan ang bawat sandali ay pawang kay bilis at kapwa kay tagal.

Sa Entablado.

Hating-gabi at halos sumapit na ang madaling araw. Ang unang pagtuntong ng isang limang-taong gulang sa entablado. Mainit ang mga ilaw. Nagbubulungan ang mga tao sa kanyang harapan. Sa kabila ng takot at kaba ay kailangan niyang maging matapang. 

Sa pagpasok ng musika ay tila mas tumahimik ang paligid. Dinig ang pagtibok ng puso at dama ang paghinga ng dibdib.

Sa pagbuka ng kanyang bibig ay sinimulan niyang umawit. 

Sinimulan niyang umawit. Sinimulan niyang umawit…